Ika-28 Linggo ng Taon (B)
Oktubre 11, 2009
Mga Pagbasa: Karunungan 7:7-11 / Hebreo 4:12-13 / Marcos 10:17-30
Hirap magpasya ang tao sa maraming bagay. Sa pagdedesisyon, marami tayong tinitimbang. Ang pagpapahalagang nakalalamang, o higit na matimbang ang siyang napapansin, siyang nasusunod, at siyang nag-uutos. Gaano man kaganda ang mga pangungusap, sa huli, ang mas lamang na batayan ng pagpapahalaga, ang mas matimbang na batayan ang siyang naghahari.
Sa nakaraang bagyong nagdaan, kay limit namutawi sa bibig ng marami na ang dahilan ng matinding pagbaha ay ang tinatawag nilang “climate change.” Nanduon na ako … tunay na may pagbabago sa klima, saan mang dako ng daigdig. Nagbabago ang ihip ng hangin, kumbaga. Napapalitan ang direksyon ng mga daluyong, at ang mga lugar na hindi dati binabagyo ay ngayong sinasalanta ng mapanirang ulan, unos, at buhawi.
Hindi mahirap makita na ang paghahanap ng masisisi ay isang kagawiang malimit gawin ng tao. Hindi rin mahirap unawaing hangga’t makalulusot, ang tao ay lulusot, sa lahat ng uri ng gusot. Nguni’t hindi rin mahirap unawaing, kung mayroon ngang global warming at climate change, ay hindi maaaring siya mismo ang dahilan ng kanyang sarili. Sa madaling salita, hindi natin puedeng sisihin nang walang hanggan ang climate change para sa mga mapanirang baha na naganap sa Pilipinas noong nakaraang Linggo at mga araw.
Nguni’t para marating ito, hindi lamang kaalaman ang dapat gamitin. Hindi lamang agham ang dapat pairalin. Mayroong higit pa sa agham o ciencia na dapat pag-ukulan ng pansin.
Ito ang sinasaad sa unang pagbasa – karunungan, hindi lamang kaalaman. Maaalam ang mga nagbalak ng mga subdibisyon sa Cainta, Marikina, Antipolo, at Pasig. Nagawa nila ng paraan na maging mamahaling lote ang mga baybayin ng ilog, ilat, estero, o bambang. Maalam rin ang mga nagputol ng mga troso sa bundok, sapagka’t maipakikita nila ayon sa agham na kailangan bawasan ang mga puno sa gubat. Maalam rin ang mga nagkaloob ng pahintulot mula sa municipio, sa lalawigan, sa mga ciudad, sa DENR, at sa maraming pang sangay ng pamahalaan. Nakakuha sila ng sertipikasyon sa DENR, at sa iba pang opisina. Maalam rin ang mga politikong naghakot ng mga botante mula sa mahihirap na lugar sa katimugan. At maalam rin ang mga negosyanteng nakakita ng minahan ng ginto sa mga programang sa biglang tingin ay maka-mahirap hangga’t mapagtanto mo na ang programang yaon ay nagsasamantala sa kamangmangan, kahirapan, at kakulangan ng edukasyon ng mga mahihirap.
Maraming maalam sa mundong ibabaw. Nguni’t hindi maaalam ang kinasasalalayan ng ating ikapapanuto, kundi ang mga marurunong.
Ang marunong ay nakakaunawa at nakakakilatis, hindi lamang ng tama at mali, kundi ng kung ano ang mas lamang, higit na matimbang, at higit na naghahatid sa wagas na kaalaman.
Ang marunong ay nagpapairal ng tinatawag nating hanay ng pagpapahalaga, hindi lamang ng kinang, kislap, o kulay ng kung anong tila mahalaga, na sa muling pagkilatis ay hindi nalalayo sa puwet ng baso lamang.
Ito ang kaalamang hanap ng binatillo na nagtanong kay Kristo: “Ano ba ang dapat kong gawin upang mapunta sa langit?” ito rin ang kaalaman at karunungang napapaloob sa Salita ng Diyos na “higit na matalas kaysa tabak na magkabila’y talim.” Ito ang karunungang dapat sana ay mas lamang, matimbang, at nakapagdudulot ng wastong pagpapasiya.
Naghanap ang binatilyo sa karunungan. Sinagot siya ni Kristo nang walang pag-aatubili. Nguni’t ang kanyang orihinal na tanong at hanap ay nasakal ng iba pang pagpapahalaga. Naglaho ang unang balak at unang hanap. Napalitan ito ng isang malalim na kalungkutan sa mukha ng binatilyo. Nasiil ng ibang pagpapahalaga ang kanyang pagpapahalaga sa pagsunod kay Kristo.
Pumurol kumbaga, ang talim ng salita ng Diyos matapos ito mahasa sa mababaw na hanay ng pagpapahalagang makamundo. Pero hindi ang Salita ng Diyos ang pumurol kundi ang kakayahang kumilala at kumilatis ng tama, ng nakapaghahatid sa buhay, ng nakapagdadala ng kaligtasan.
Masalimuot ang mga suliranin ng bayan natin. Imposible na climate change lamang ang may sala. Pati tayo na nahirati at namihasa na sa paggamit ng plastic sa lahat ng bagay, sa paggamit ng styro para sa maraming bagay, sa madaliang pagtatapon kahit sa mga estero at canal at daanan ng tubig, ay bahagi ng suliraning ito. Sala-salabat ang suliranin. Patong-patong, susun-suson.
Ito ang katangian ng tinatawag nating “social sin” – kasalanan ng lahat!
Ito ang dahilan kung bakit dapat nating harapin ang kahulugan ng tanong ng binatilyo: “ano ba ang dapat gawin upang maabot ang kaharian ng langit?” Alam niya ang sagot sa kanyang sariling tanong. Ginagawa na raw niya ang lahat ng yaon, ayon sa binatilyo. Nagtanong siya, nguni’t hindi siya handang makinig sa sagot.
At ano ba ang buod ng sagot? Ano nga ba ang dapat gawin ng isang tagasunod ni Kristo? Ano ba ang kailangan? Hindi lang kaalaman kundi karunungan. Hindi lang kabatiran kundi lubos na kaalaman.
Saan ba tayo inihahatid ng kaalamang ito? Sinagot ni Jesus ang binatilyo: “Ang sinumang mag-iwan ng lahat … ay makararating sa kaharian ng langit.” Pero may pasubali, may kalakip at kasama ito … ang pag-uusig ng tao. Sa madaling salita, may kaakibat ng pagdurusa ang paghahanap ng tunay na karunungan. Ang mga matimbang sa biglang wari ay nabubunyag ang kababawan at kawalang-halaga. Ang higit na matimbang sa mata ng tao ay nagiging bale wala, sa harap ng wagas na karunungang naghahatid sa higit na mataas na antas ng kamalayang maka-Diyos.
Nawa’y magising na ang kamalayang Pinoy, tungo, hindi sa mababaw na kaalaman, kundi sa tunay at mapagligtas na karunungan.
copy paste ko, sa bahay ko na lang babasahin mamaya 🙂
naging interesado ako sa mga unang talata 🙂