Ika-29 na Linggo ng Taon(B)
Octubre 18, 2009
Mga Pagbasa: Is 53:10-11 ? Hebreo 4:14-16 / Marcos 10:35-45
Kay raming naghihirap sa bayan natin ngayon. Kay raming nasalanta, nadiskaril ang kabuhayan, at napariwara ang kinabukasan. Milyon milyon ang nagdadaan sa susun-susong pagsubok hatid ng sunod-sunod na pananalasa ng kambal na bagyong rumagasa sa ating kapuluan, halos sa kabuuan ng isla ng Luzon.
Mula sa aking kinalalagyan, hindi ko maiwasang hindi maantig ang aking puso sa aking nakikitang mga sari-saring larawan ng paghihirap … ang pagtangis ng mga namatayan nang bigla at hindi inaasahan … ang paglalaho sa isang iglap ng kanilang pinagpaguran sa loob ng maraming buwan sa tumana at mga palayan at palaisdaan … ang mga munting mga alaalang nakapaloob sa mga photo album ng mga mahal sa buhay, ang mga papeles na pinakaiingatan at inaalagaan … ang mga pangarap na dagliang hinawi ng buhawi … ang mga gunitaing hindi na muli pang magiging totoo gaano man apuhapin sa gitna ng isang kadilimang bumabalot hindi lamang sa isang kabahayan sa Pilipinas, kundi sa buong isla ng Luzon. Ang lahat ay inanod ng isang mapait na tadhanang tila baga pakawala ng kalikasang nag-alsa laban sa ating kasalanang panlipunan.
Madali ang matangay ng kapaitan, ng kawalang pag-asa, at malalim na paghihinanakit sa kung sino mang dapat tampulan ng sisi, galit, tampo, sama ng loob, at pagkamuhi. Hindi malayong mangyari na sa mga naiwan at nasalanta, ang higit na mahirap ay ang kamalayang sila ay buhay pa at ang kanilang pinakamamahal ay sinawing-palad na maanod at malunod ng walang awang baha at lalung walang awang bagyo na hindi nasiyahang dumaan ng iisa, bagkus dalawa pang beses, na wari baga’y nanunuya at nananadya sa mga taong walang kamalay-malay sa angking kapangyarihan ng kalikasan.
Nakikiisa ako sa milyong Pinoy na dinalaw na naman ng pighati at matinding pagkaulila at pagkasalanta.
Kung saan ako ngayon namimintana, kumbaga, mahirap isipin na anu man ang gustuhin kong gawin, batid kong ang aking magagawa ay parang isang tulo lamang sa dagat ng kasalatan, kawalan, at malawakang kahirapan.
Inuusig na naman ng mga naganap sa bayan ang aking pananampalataya at pag-asa. Inuukilkil na naman ng kabatirang walang anumang lakas ang tinig ng Inang Simbahan sa harap ng dumadaluyong na kawalang Diyos na dulot ng postmodernismo at globalisasyon, at sa harap ng matinding daluyong, hindi ng tubig, kundi ang daluyong ng isang kultura at kamalayang malayo sa Diyos, at malayo sa turo ng ebanghelyo.
Alam nating lahat kung ano ito – ang kulturang showbiz at kulturang politika … ito ang pinakamatinding trahedya na masahol pa sa unos, bagyo, at baha na sumapit sa ating buhay bilang bayan. Wala na yatang mapili at matakbuhan ang Pinoy. Wala na yatang hindi nabahiran ang kamalayan ng kultura ng showbiz at kultura ng isang mapagsamantalang uri ng politika na namamayani sa bayan … isang kulturang kaakibat ng kultura ng korupsyon na naging dahilan, kasama ng marami pa, kung bakit ang mga daanan ng tubig, ang mga lugar na dapat sana ay walang bahayan ay naging mga pugad ng mga tirahan at magagarang mansion ng mga taong, walang kamalay-malay sa angking panganib ng kinatitirikan ng kanilang bahay – salamat sa mga developer na tubo at kita lamang ang pakay, at mga kawani ng gobyernong, dilhensya naman lamang ang umang para sa sarili.
Subali’t kaya kayo narito ngayon sa ilalim ng bubungan ng simbahang ito ay sa kadahilanang ang hanap ninyo ay tugon sa mga katanungang ito … ang pakay ninyo ay ang mapunan ng pag-asa ang mga kaban ng puso nating tumatangis at pinapanawan na ng pag-asa.
Hindi ko ho kayo bibiguin. Isa sa mga tungkulin ko bilang pari ay ang ilahad ang magandang balita. Subali’t alam ninyo na ang magandang balita, kung minsan, ay lulutang lamang kung ating sisiyasatin ang baha ng masamang balita – ang katotohanang ang kasalanan ng tao ang siyang dahilan ng ating paghihirap at kamatayan.
Alam kong bumabaha saanman sa Pilipinas ng kawalan ng pag-asa … ng pagsasawalang-bahala na lamang sa harap ng tila lampas taong daluyong ng kabiguan at kapaitan. Hindi ba’t ito rin ang tila kawalang pag-asang salaysay ng unang pagbasa tungkol sa aliping nagdurusa na sumuong sa lahat ng uri ng pasakit upang “maisagawa ang panukala ng Ama?” At paano niya naisagawa ang panukalang ito ng Diyos? “pagkatapos ng pagdurusa, lalasap siya ng ligaya … hindi nawalan ng kabuluhan ang kanyang pagtitiis,” ayon sa aklat ni Isaias. Marami na tayong hirap na pinagdaanan. Nguni’t kung ating titingnan, bagama’t hindi natin personal na kagagawan ang anuman dito, alam rin natin na tayong lahat, dahil sa kasalanan, ay bahagi ng lahat ng ito … ang walang patid na pagtatapon ng basura kahit saan, ang walang puknat na pagpapadala natin sa kasinungalingan at kabuktutan ng mga tampalasang politico na walang alam kundi pagsamantalahan ang kamangmangan ng mga nakararami … ang paghahalal natin sa mga pa-cute nguni’t pasaway ng mga pinunong ang tanging pakay ay protektahan ang kanilang mga interes.
Kasama tayong lahat dito, mula sa pagpapaikot sa atin ng mga taga media, hanggang sa pagpapaikot sa atin ng mga nasa tinatawag nating public service.
Sa araw na ito, muli tayong pinaaalalahanan, tulad ng tugon natin sa unang pagbasa: “Panginoon, pag-asa ka namin; pag-ibig mo’y aming hiling.”
Magtatagal ang panahon bago tayo makabangon. Magtatagal ang panahon bago manumbalik ang sitwasyong normal, kumbaga. Sa kalagayang ito, isang matinding pagunita ang sinasaad sa ikalawang pagbasa: “magpakatatag kayo sa pananampalataya.” Modelo at huwaran natin si Kristo, na ayon sa sulat sa mga Hebreo ay “tinukso tulad natin nguni’t hindi nagkasala.”
Ang sikreto ng kanyang kabanalan ay walang iba kundi ito – isinakatuparan Niya, hindi ang kanyang balaking personal kundi ang panukala ng Diyos Ama.
Panukala ng Diyos! Nakalulungkot nga lamang na ang karamihan sa atin ay pakawala … tulad ng magkapatid na disipulo na sinagian ng paghahanap sa sariling panukala … “paupuin ninyo kami sa inyong kanan at kaliwa pagdating ng araw.”
Itong pagiging pakawala ang siyang dahilan at batayan ng lahat ng paghihirap na bunga ng kasalanan. Ang mga naganap sa ating bayan, bagama’t hindi nagmula sa isang Diyos na mapaghiganti, ay nag-uugat sa kasalanan ng tao … tulad ng pagkamakasarili, ng katakawan, ng paghahanap nang sobrang tubo at kita, ng kagahaman sa salapi, na siyang nasa likod ng pagkakalbo ng mga kagubatan sa kabundukan.
Nasa Diyos ang awa at pag-asa, nguni’t nasa atin lahat ang gawa. Hindi natin masisisi ang kalikasan. Ang kalikasan ay napapaloob sa isang batas na hindi kailanman mababali nang walang kapalit. Kung ang kalikasan ay nag-alboroto, dapat natin tingnan kung ano ang papel natin lahat sa bagay na ito.
At sa kabila ng lahat ng pagdurusang ito, lumulutang nang malinaw ang magandang balita para sa atin … “Poon, pag-asa ka naming … pag-ibig mo’y aming hiling!”
Tiwala ang turo Niya sa atin ngayon … Tiwala sa kanyang panukala, sapagka’t Siya ang pag-asa natin.
Fr. Chito, nakisa po ang aking pamilya sa inyong panalangin para sa ating bayan. Napakaganda po ng iyong mensahe, ang paglapat ng tamang salita na makapagbagbag damdamin. Napaiyak po ako ng tumanim po sa isip at puso ko ang bawat salita. Hindi na po yata bago ‘to sa akin…ang pagkaiyakin. Pasyensya pa po kayo Fr. Chito. Maraming salamat po.
walang masama sa pag-iyak. dapat nating iyakan ang ating kasalanan, ang kontribusyon natin lahat sa trahedyang nagaganap sa ating harapan. Cheers! Pag-asa …. Poon, pag-asa ka namin; pag-ibig Mo’y ipagkaloob sa amin!