Ika-14 na Linggo ng Taon (K)
Julio 4, 2010
Mga Pagbasa: Is 66:10-14c / Gal 6:14-18 / Lk 10:1-12, 17-20
Maganda ang unang mga yapak ng bagong presidente. Nangako siya na ang gobyerno ay isang pamahalaang makikinig, isang pamahalaang hindi magbibingi-bingihan sa mga hinaing ng taong-bayan. Noong bata pa ako, isa sa mga parusang aking natanggap ay kapag tinatawag ng magulang at nagkukunwaring hindi namin naririnig. Matay kong isipin, hindi nga naman susunod ang bata kung hindi nya naririnig ang utos, di ba? Walang pagtalima, kung walang pandinig.
Ang mga pagbasa natin sa araw na ito ay may koneksyon sa pagtalima, na may kaugnayan din sa pakikinig.
Sa unang pagbasa, matulain at marubdob na pagmamalasakit ang dulot ni Isaias sa kanyang bayan. Pahatid nyang balita ang kagalakan para sa lahat: “walang katapusang pag-unlad, kayamanang dadaloy na tila agos ng ilog,” at mga larawan ng isang sanggol na busog na busog at panatag ang kalooban.
Pero may kabilang dako ang lahat ng ito… may kailangang gawin … may dapat gampanan ang bayan na hindi natin dapat kaligtaan. Kakalinga ang Panginoon, diumano, sa mga tumatalima sa Kaniya!
Noong bata kami, may dahilan kami para magbingi-bingihan. Mahirap kapag tumawag ang mga nakatatanda. Simple lang yan … may utos. At kapag may utos, tapos na ang laro … tapos na ang masasayang sandali. Mayroong dapat gawin. Mayroong dapat asikasuhin: magsibak ng kahoy, umigib ng tubig, magbunot ng sahig, o kumuha ng dahon ng saging, o mangahoy sa bukid! Mahirap ang makarinig ng tawag. May kaakibat na tungkulin … may kaakibat na krus!
Ito naman ang paalala ni Pablo sa mga taga Galatas … Nang dinggin ni Pablo ang tawag at paanyaya ni Kristo, krus ang kanyang sinapit … krus ang naging pasanin niya … krus din ang umutas sa kanya! Subali’t sa kanyang tumalima, ay pagkalinga ng Diyos ay ipinagkaloob. Ito ang dahilan kung bakit ngayon, “ang krus lamang ng Panginoon ang siya niyang ipinagmamapuri!” Ano ang naging bunga ng pagkakalingang ito ng Diyos? Siya na rin ang sumagot: “Ang mahalaga’y ang pagiging bagong nilalang!” Bagama’t may pilat sa katawan, itinuring niyang isang biyaya, maging ang pilat at pasakit sa katawan at kaluluwa.
Si Pablo ay isa sa mga haligi ng simbahan. Kasama ni Pedro, silang dalawa ang tambalan na nagpalaganap nang ganap sa Inang Santa Iglesya. Sa pamamagitan nilang dalawa, at ng mga apostoles at mga disipulo noong una, naipakita ng Diyos kung paano siya magkalinga sa kanyang bayan na marunong tumalima.
Ito ang dahilan kung bakit sa kanyang pagmamalasakit sa kawan, ay hiniling niya sa ebanghelyo natin ngayon: “Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin.”
Tambak ang trabaho ng mga sugo niya. Susun-suson ang pagsubok na pinagdadaanan ngayon ng mga Obispo at mga pari sa buong mundo, dahil sa kawalan ng pagtitiwala ng marami bunsod ng kawalang pananagutan ng ilan sa amin. Mahirap ang landas na tinatahak ngayon ng sugo ng Panginoon. Matinik ang landas, at puno ng dawag at nababalot ng matinding pangamba. Hirap kami magpagal sa isang “bukirin” na pinamumugaran ng internet, social networking sites, at personal entertainment saan ka man sumuling at lumingon. Sa “bukiring” ito, hirap na ang mga kabataan sa pakikinig, tulad ng hirap kami noon na makinig sa tawag ng magulang.
Ang pandinig ng mga kabataan ngayon ay nakatuon sa Ipod, cellphone, cyberspace, 3G at 4G na mga celfon, at marami pang iba. Bagama’t kakaunti na sa kanila ang nanonood ng TV, marami pa silang larangan ng personal entertainment. Sa medaling salita, ibang iba na ang mundo nilang iniikutan.
Ito ang bukirin kung saan kami isinusugo ng Panginoon …
Ito ang bagong Areopagus, kung saan nangaral si Pablo …
Kung hirap ngayon ang mga taong makinig, lalung hirap ang mga tao upang tumalima. Walang pagsunod kung walang pandinig.
Sa kabila nito, malinaw ang kagustuhan ng Diyos … “Sinusugo ko kayong parang kordero sa gitna ng mga asong gubat.”
Sa araw na ito, paki-usap ko sa lahat. Huwag nyo akong tularan sa aking pagbibingi-bingihan. Makinig tayo sa tawag ng Diyos. Bigyan nating pansin ang kanyang hinaing, tulad ng pakiki-usap ng bagong Presidente Aquino, na magsasama-sama sa isang panibagong umaga, sa isang panibagong pamahalaan na hindi nagbibingi-bingihan sa hinaing ng taong-bayan.
Ang puno at dulo ng lahat ng ito ay iisa … Karugtong nito ay isang pangako ng buhay …
Ang Panginoon ay nagkakalinga sa mga tumatalima sa Kanya!