frchito

DI MALAYO; NASA BIBIG, NASA PUSO

In Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Hulyo 8, 2010 at 10:59

Ika-15 Linggo ng Taon(K)
Julio 11, 2010

Mga Pagbasa: Dt 30:1—14 / Col 1:15-20 / Lucas 10:25-37

Noong nakaraang Linggo, nagwika tayo nang kaunti tungkol sa pagbibingi-bingihan. Mahirap tawagin ang taong nagbibingi-bingihan. Mahirap gamutin ang taong nagsasakit-sakitan. Ang tunay na bingi ay may pakiramdam. Ang nagpapanggap na bingi ay manhid, walang pakundangan sa anuman!

Nakakatuwang makita ang mga nahuhuli dahil sa wangwang, blinkers, sirena, o dahil sa “color coding” na wala namang kinalaman sa “color.” Kanya-kanyang palusot, kanya-kanyang dahilan … “bagong dating lang ako sa Pilipinas,” ang sabi ng isang medyo tisoy … “hindi ko alam,” ang sabi naman ng isang matronang con todo colorete sa mukha … “iisa lang ang sasakyan namin,” ang pilit ng isang matabang ale. Ang sabi naman ng isang halos mahimatay sa iyak, “nagmamadali kami dahil sa may hinahabol na apointment sa duktor!” Maraming dahilan …maraming sandalan …

Nguni’t tingnan natin saglit … may kawawaan ba talaga ang lahat ng dahilang ito? May saysay ba at kahihinatnan? May kahulugan ba ito at kaugnayan sa mga pagbasa natin ngayon?

Sagot ko … simple lang! meron, malaki … at karapat-dapat lamang!
At bakit? Nandyan lang yang batas na iyan, eh! 1973 pa nga sa katunayan. Presidential decree diumano laban sa mga wangwang at anik-anik na kabuwangan! At marami pang iba! Tulad nang sinabi sa unang pagbasa … “nandyan lang yan … nasa bibig at nasa puso ninuman.” “ang kautusan ay di malayo sa inyo: nasa inyong bibig, nasa inyong puso, kaya magagawa ninyo.”

Marami pa rin tayong mga palusot. Palasak pa rin ang korupsyon sa lahat ng antas ng lipunan. Sa mga araw na ito, isa-isang naglalabasan sa lungga ang mga tila may kinalaman sa kung ano-anong hiwaga sa nakaraang administrasyon … mga patabang wala namang pinataba kundi ang bulsa ng mga matataba nang mga “lingkod ng bayan” … mga patubig sa parang na walang pinalago liban sa kanilang mayabong nang mga bank accounts sa abrod!

Ngunit tingnan natin ang ginagawa natin lahat. Kung ayaw natin, dumidistansya tayo … kunwari hindi alam … kunwari hindi mabasa ang mga nakasulat. Kung ayaw natin makita ang kabuuan, long shot ang gamit, long lens, mahirap na ang lumapit demasiado … baka mabuking. Ngayon na wala na sa puesto ang dating naninirahan sa tabing Ilog Pasig, kanya-kanyang talunan at lipatan sa kabi-kabilang partido ang mga dati rati ay rah-rah boys ng mga tampalasan! Bakit kaya ganito ang buhay?

Kung gusto natin makilala at malaman ang kabuuan, hindi long lens ang gamit kundi microscopio … close-up camera … blow up na larawan, tulad ng higanteng mga tarpaulin sa EDSA … kapag underwear ang itinitinda, nangaglalakihan ang mga tarpaulin! Zoom lens pa ang gamit, at 360 degree panoramic camera pa ang ipinangangalandakan! Kung gusto natin, inaarirat natin nang husto, inaaninag, tinitingnan nang mataman at masusi. Di ba’t iyan ang ginagawa ng mga grandstanding politicos sa bayan nating mahal?

Inuusisa ang lahat kapag gusto nila. Ikinukubli ang lahat kapag ayaw nila. Zoom lens at close-up kung gusto nilang malaman ang lahat. Long shot at long lens kapag dumidistansya sila.

Di ba’t ito rin ang ginawa ng mga ayaw tumulong antemano sa taong pinagsamantalahan ng mga tulisan sa ebanghelyo? Dumistansya … lumihis … lumayo … umiwas! Walang nakita. Walang narinig. Walang napansin. Wala ba kayong napapansin? Kung gusto, lumalapit, may nakikita, may napapansin, natitinag at lumalapit nang higit pa.

Tingnan natin ang sarili natin …nang malapitan, hindi malayuan! May problema talaga tayo. Wangwang pa nga lang, sandamakmak na ang palusot … ng mga dating kongresman, mga dating barangay tanod. Sa tanod na tanod pa lang marami na tayong suliranin. Eh yung mga senators pa kaya!
Uriratin natin … siyasatin natin … tingnan natin nang mataman. Ano nakikita natin? Kanya-kanyang palusot. Kanya-kanyang kabig! Ananigin nating mabuti.

Ano ang nakikita natin?

Heto … Alam natin ang tama. Alam natin ang batas. Alam natin kung ano ang dapat gawin. Alam natin lahat na tayo ay mahirap dahil sa dami ng kurap, at dami ng mga batas na butas ang pagsasakatuparan. Nasa Pinas ang pinakamagandang batas sa kalikasan. Ginaya pa nga ito ng ilang mayayamang bansa. Sa pagalingan ng dada at bukada ng bunganga, walang tatalo sa atin.

Ang galing galing natin sa mga debate at oratorical contests. Walang kama-kamag-anak; walang kumpa-kumpare; walang kai-kaibigan … yung ang sabi ng isang bigotilyo … subali’t pagka-alis sa Luneta, ay pinamugaran ang magarang bahay ng anik-anik na kaibigan, kainuman, at kasamahan.

Kwento ito natin lahat. Kasama ako sa problemang ito. Ano ang magandang balita na siyang maghahatid sa atin? Heto … Malapit sa inyo … nasa bibig at nasa puso. “Gawin mo iyan, at mabubuhay ka.”

Advertisement
  1. […] at kahihinatnan? May kahulugan ba ito at kaugnayan sa mga pagbasa natin ngayon?  Continue reading here. […]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: