frchito

Archive for Hulyo, 2010|Monthly archive page

PANGAKO, PAGHIRANG, PAGTANGGAP

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Hulyo 13, 2010 at 15:45

Ika-16 na Linggo ng Taon (K)
Julio 18, 2010

Mga Pagbasa: Gen 18:1-10a / Col 1:24-28 / Lucas 10:38-42

Alam ng karamihan ang kwento sa unang pagbasa … kwento tungkol sa isang pangakong binitiwan sa isang malugod na tumanggap sa bisitang hindi inaasahan. Alam rin ng marami kung gaano kahirap ang mag asikaso ng bisitang walang kaabug-abog na dumarating … Nabibigla tayo … nadidiskaril ang balakin natin sa buong araw. Mayroon tayong tawag sa bisitang bigla na lamang sumisipot sa pintuan natin … buwisita, sa halip na bisita.

Nguni’t alam natin ang naging bunga ng pagka-abala ni Abraham sa tatlong lalaking dumating na lamang at sukat sa kanyang tahanan. Matapos niya asikasuhin, pakainin, at bigyan ng panghugas ng paa ang tatlong bisita, nasuklian nang malaki ang kanyang puhunang kagandahang-loob – isang pangako mula sa mga sugo ng Diyos: “pagbabalik ko’y may anak na si Sara.”

Natupad ang pangakong ito sa pagsilang ni Isaac. Ito ang alam natin sa kasaysayan ng biblia.

Nguni’t may higit pa kaysa rito. Sa pagpapatuloy ng banal na kasaysayang ito, dumating ang panahon na ang pangako ay natuon sa isang gumanap na parang si Isaac, parang mga personaheng nabanggit sa Lumang Tipan. Si Pablo naman ang isa pang objeto ng paghirang. Tulad ni Isaac na hinirang ng Diyos upang sana ay ialay bilang sakripisyo, nahirang rin si Pablo “upang ipagpatuloy ang paghihirap na kailangan pang gawin ni Kristo para sa Simbahan na kanyang katawan.”

Marami tayong hindi akalaing magaganap sa buhay natin. Bilang isang probinsyano, kumbaga, hindi ko akalaing maaabot ko ang akin nang naabot ngayon. Kung babalikan ko ang nakaraan, kay raming mga bagay na dumarating na lamang at sukat na hindi natin binalak, hindi natin pinagpasyahan, nguni’t nagaganap … sa ayaw at sa gusto natin.

Bagama’t hindi ako isa sa mga nagsuporta nang tahasan sa mga nakaupo ngayon sa gobyerno, hindi ko maipagkakailang hindi niya binalak, hindi niya ginusto at lalong hindi niya hinanap ang posisyong kapit niya ngayon – ang pagiging presidente. May bagay at pangyayaring dumarating na lamang at sukat … walang kaabog-abog. Ang mga bagay na ito ay maaaring hindi kaaya-aya, tulad ng pagdating ng mga “buwisita” sa buhay natin, ika nga. May mga bagay namang nakatutuwa, nakatataba ng puso … mga bagay na alam nating hindi natin pinagpaguran, nguni’t dumarating din sa buhay natin. Alam nating hindi tayo karapat-dapat sa anumang ito, ngunit pag dumating ay wala tayong magagawa kundi harapin nang buong tapang, buong ligaya, at buong pasasalamat.

Madaling tanggapin kung ito ay kaaya-aya. Walang problema kung ito ay pabor sa atin. Nguni’t tulad ng mga bisita ni Abraham, gambala ang dulot ng tatlong lalaking malalakas kumain.

Ewan ko sa inyo, pero, hindi madali tanggapin ang pagdating ng sakit… ng anumang problemang matindi. Hindi madali ang tumanggap sa mga pasakit na kagagawan ng mga taong pinagtiwalaan natin. Hindi madali ang lunukin ang mapait na gamut ng kawalang hiyaan na galing sa kapwang ginawan natin nang mabuti, at nagsukli ng kabaliwan at kabaluharaan. Hindi madali ang magpatawad sa isang taong yumurak sa iyong dignidad, at tumadyak sa iyong kinabukasan.

Hindi madali ang magtiwala lalu na kung napaso ka na sa mga hanay ng tagapaglingkod sa gobyernong walang ginawa kundi patabain ang kanilang mga pitaka at impok sa bangko.
Nais kong isipin na lahat ng mga tagabasa ko ay nakaranas ng ganitong kapaitan. Tulad ni Abraham, na matapos pagkalooban ng isang anak, ay hiningi ng Diyos na ialay niya bilang sakripisyo … tulad ni Pablong nagbata ng sari-saring hirap mapalaganap lamang ang salita ng Diyos. Ang pangako na nauwi sa isang paghirang sa kanya ay nagbunga ng paghihirap, ayon sa kanya mismo.

Marami akong hindi matanggap sa takbo ng ating lipunan. Hindi ko gusto ang lagi na lamang pagsisimula sa zero, ang pagmimistulang walang ginawang mabuti ang naunang administrasyon. Hindi ko gusto na tuwing magbabago ang administrasyon, walang ginawa ang bago kundi sisihin ang nauna, na para bagang alam na alam nila ang solusyon sa lahat ng suliranin, na para namang ginawa lahat ng nauna sa kanila. Hindi ko rin gusto ang “witch hunting” na tinatawag, na tila baga, bago pa madukal ang ebidensiya ay nahusgahan na ang dapat husgahan, sa tulong ng malimit ay kakosa nilang mga mamamahayag!

Sa kabila ng lahat … ako ay puno pa rin ng pag-asa. Pag-asa ang aking lako bilang pari. Pag-asa ang aking produkto kaisa ng Inang Simbahan. Anumang pangako sa isang panibagong takbo ng lipunan, ay nangangailangan ng katumbas na paghirang sa mga taong handang tuparin ang pangako, tulad ni Abraham. Bagama’t abala ang pagdating ng tatlong lalaki, tinanggap niya nang maluwag sa kalooban. Ang kanyang pagtanggap ay nagbunga ng pangako.

Pagtanggap … ito ang ginawa ni Marta. “Malugod siyang tinanggap ng isang babaeng nagngangalang Marta sa tahanan nito.” Dalawang estilo ang ipinamalas ng magkapatid sa pagtanggap. Ang isa ay nagpaka-abala. Naghanda. Nagsumikap para mapakain ang bisita. Ang isa naman ay naupo sa paanan ng panauhin. Nakinig. Nakipagniig. Pareho silang maraming natutunan. Si Maria ay natuto sa kanyang pakikinig. Si Marta ay napagyaman ang kanyang malugod na paglilingkod.

Tayo man ay mayroong pangakong pinanghahawakan … pangako ng kaligtasan, ng buhay na walang hanggan.

Ang pangakong ito ay magaganap kung handa rin tayong magpahirang at magpagal sa ngalan ni Kristo, tulad ni Pablo. Ngunit ang lahat ng ito ay nagbubunga ng mga kapalit sa pagtanggap. Kailangan nating makinig. Kailangan rin nating magpagal at mag-trabaho tulad ni Marta.

Ang pagtanggap ay nangangahulugang dapat tayo magpaka-abala, maghirap kung kailangan, sa ngalan ng dakilang pangako na naghihintay para sa atin lahat.

Advertisements

DI MALAYO; NASA BIBIG, NASA PUSO

In Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Hulyo 8, 2010 at 10:59

Ika-15 Linggo ng Taon(K)
Julio 11, 2010

Mga Pagbasa: Dt 30:1—14 / Col 1:15-20 / Lucas 10:25-37

Noong nakaraang Linggo, nagwika tayo nang kaunti tungkol sa pagbibingi-bingihan. Mahirap tawagin ang taong nagbibingi-bingihan. Mahirap gamutin ang taong nagsasakit-sakitan. Ang tunay na bingi ay may pakiramdam. Ang nagpapanggap na bingi ay manhid, walang pakundangan sa anuman!

Nakakatuwang makita ang mga nahuhuli dahil sa wangwang, blinkers, sirena, o dahil sa “color coding” na wala namang kinalaman sa “color.” Kanya-kanyang palusot, kanya-kanyang dahilan … “bagong dating lang ako sa Pilipinas,” ang sabi ng isang medyo tisoy … “hindi ko alam,” ang sabi naman ng isang matronang con todo colorete sa mukha … “iisa lang ang sasakyan namin,” ang pilit ng isang matabang ale. Ang sabi naman ng isang halos mahimatay sa iyak, “nagmamadali kami dahil sa may hinahabol na apointment sa duktor!” Maraming dahilan …maraming sandalan …

Nguni’t tingnan natin saglit … may kawawaan ba talaga ang lahat ng dahilang ito? May saysay ba at kahihinatnan? May kahulugan ba ito at kaugnayan sa mga pagbasa natin ngayon?

Sagot ko … simple lang! meron, malaki … at karapat-dapat lamang!
At bakit? Nandyan lang yang batas na iyan, eh! 1973 pa nga sa katunayan. Presidential decree diumano laban sa mga wangwang at anik-anik na kabuwangan! At marami pang iba! Tulad nang sinabi sa unang pagbasa … “nandyan lang yan … nasa bibig at nasa puso ninuman.” “ang kautusan ay di malayo sa inyo: nasa inyong bibig, nasa inyong puso, kaya magagawa ninyo.”

Marami pa rin tayong mga palusot. Palasak pa rin ang korupsyon sa lahat ng antas ng lipunan. Sa mga araw na ito, isa-isang naglalabasan sa lungga ang mga tila may kinalaman sa kung ano-anong hiwaga sa nakaraang administrasyon … mga patabang wala namang pinataba kundi ang bulsa ng mga matataba nang mga “lingkod ng bayan” … mga patubig sa parang na walang pinalago liban sa kanilang mayabong nang mga bank accounts sa abrod!

Ngunit tingnan natin ang ginagawa natin lahat. Kung ayaw natin, dumidistansya tayo … kunwari hindi alam … kunwari hindi mabasa ang mga nakasulat. Kung ayaw natin makita ang kabuuan, long shot ang gamit, long lens, mahirap na ang lumapit demasiado … baka mabuking. Ngayon na wala na sa puesto ang dating naninirahan sa tabing Ilog Pasig, kanya-kanyang talunan at lipatan sa kabi-kabilang partido ang mga dati rati ay rah-rah boys ng mga tampalasan! Bakit kaya ganito ang buhay?

Kung gusto natin makilala at malaman ang kabuuan, hindi long lens ang gamit kundi microscopio … close-up camera … blow up na larawan, tulad ng higanteng mga tarpaulin sa EDSA … kapag underwear ang itinitinda, nangaglalakihan ang mga tarpaulin! Zoom lens pa ang gamit, at 360 degree panoramic camera pa ang ipinangangalandakan! Kung gusto natin, inaarirat natin nang husto, inaaninag, tinitingnan nang mataman at masusi. Di ba’t iyan ang ginagawa ng mga grandstanding politicos sa bayan nating mahal?

Inuusisa ang lahat kapag gusto nila. Ikinukubli ang lahat kapag ayaw nila. Zoom lens at close-up kung gusto nilang malaman ang lahat. Long shot at long lens kapag dumidistansya sila.

Di ba’t ito rin ang ginawa ng mga ayaw tumulong antemano sa taong pinagsamantalahan ng mga tulisan sa ebanghelyo? Dumistansya … lumihis … lumayo … umiwas! Walang nakita. Walang narinig. Walang napansin. Wala ba kayong napapansin? Kung gusto, lumalapit, may nakikita, may napapansin, natitinag at lumalapit nang higit pa.

Tingnan natin ang sarili natin …nang malapitan, hindi malayuan! May problema talaga tayo. Wangwang pa nga lang, sandamakmak na ang palusot … ng mga dating kongresman, mga dating barangay tanod. Sa tanod na tanod pa lang marami na tayong suliranin. Eh yung mga senators pa kaya!
Uriratin natin … siyasatin natin … tingnan natin nang mataman. Ano nakikita natin? Kanya-kanyang palusot. Kanya-kanyang kabig! Ananigin nating mabuti.

Ano ang nakikita natin?

Heto … Alam natin ang tama. Alam natin ang batas. Alam natin kung ano ang dapat gawin. Alam natin lahat na tayo ay mahirap dahil sa dami ng kurap, at dami ng mga batas na butas ang pagsasakatuparan. Nasa Pinas ang pinakamagandang batas sa kalikasan. Ginaya pa nga ito ng ilang mayayamang bansa. Sa pagalingan ng dada at bukada ng bunganga, walang tatalo sa atin.

Ang galing galing natin sa mga debate at oratorical contests. Walang kama-kamag-anak; walang kumpa-kumpare; walang kai-kaibigan … yung ang sabi ng isang bigotilyo … subali’t pagka-alis sa Luneta, ay pinamugaran ang magarang bahay ng anik-anik na kaibigan, kainuman, at kasamahan.

Kwento ito natin lahat. Kasama ako sa problemang ito. Ano ang magandang balita na siyang maghahatid sa atin? Heto … Malapit sa inyo … nasa bibig at nasa puso. “Gawin mo iyan, at mabubuhay ka.”