frchito

TIPON AT TIPAN

In Catholic Homily, Eukaristiya, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Agosto 18, 2010 at 10:10

Ika-21 Linggo ng Taon (K)
Agosto 22, 2010

Mga Pagbasa: Is 66:18-21 / Heb 12:5-7, 11-13 / Lucas 13:22-30

Ang mga pagbasa natin ngayon ay may kinalaman sa malakihang pagtitipon. Ang pagtitipon ay isa sa mga pangunahing “pangarap” ng Diyos para sa kanyang bayan. “Darating ako upang tipunin ang lahat ng bansa, at mga taong iba’t iba ang wika.” (Unang Pagbasa).

Nagaganap ang pagtitipong ito sa maraming paraan at pagkakataon. Nang buksan ang Summer Olympics sa Beijing, nagtipon ang napakaraming tao mula sa lahat ng sulok ng mundo. Ganoon din noong ganapin kamakailan ang World Cup sa football sa South Africa. Ang pangarap ng Diyos ay tila may katuparan …

Subali’t sa kabila ng katuparan, ay hindi pa natin nakakamit ang kaganapan! Mayroong iba-ibang uri ng pagtitipon sa panahon natin … pagtitipon halimbawa ng mga rebelde, ng mga taong walang pakay kundi manggulo, manira ng kapayapaan at kapakanang pangkalahatan… Malayo pa tayo sa kaganapan ng pangako at pangarap ng Diyos.

Ito mismo ang dahilan kung bakit tayo nagtitipon ngayon. Ito ang simulain at ang katuparan ng pangarap ng Diyos. Wala pang kaganapan, totoo, nguni’t walang kaganapan kung walang simulain at katuparan. Ito ang ginaganap natin tuwing nagtitipon tayo sa liturhiya, lalu na sa Misa.

Mabilis at matagumpay ang mga pagtitipon nagaganap sa lipunan natin. Tumawag ka ng party o gimik, at mabilis pa sa alas kwatro ang mga kabataan. Tumawag ka ng pangkasiyahan at inuman, at kaunti ang mag-aatubili sa pagdalo. Madaling magtipon ang tao kung may laban si Pacquiao. Sa katunayan, tuwing darating ang kanyang laban, kumakaunti ang mga nagsisimba, o naghihintay sa mga Misang pagabi, o maaga sa umaga.

Tunay na “makipot ang pintuan” tungo sa kalangitan. Subali’t ito ang paalaala sa atin ngayon: “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan.”

Ano nga ba ang dahilan at makipot ang pintuan sa pagtitipong pinapanagimpan ng Diyos? Ano nga ang rason at kakaunti ang nakalalampas sa daang patungo sa tipunang ito?

Ang sagot ay napakasimple … ang tipunang nais ng Diyos ay may kaakibat na tipanan. Ang pagtitipon na gusto ng Diyos ay may hinihinging responsabilidad, may kaakibat na katungkulan … Ang pagtitipon ay dapat mauwi sa pagtitipan … pagkakasunduan, pananagutan!

Madali ang maki-inom. Madali ang makisalo sa kainan. Hindi ba’t ito ang sumbat ng mga hindi makapasok sa handaan? – “Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa mga lansangan namin.” Tunay na madali maging kongresman, o mayor, o anumang uri ng “paglilingkod sa bayan.” Kailangan lamang ng pera, koneksyon, at isang buntong pangako sa madaling mautong mga botante. Para sa mga sanay at bihasa, sapat na ang pagsisinungaling, ang tahasang pandaraya, ang walang kahihiyang panloloko sa mga uto-utong mga taga-boto, mangmang at walang kamuang-muang. Pero kapag nasaling ang kanilang pork barrel, na kung tawagin nang maganda sa ingles (pero mabaho pa ring katotohanan), ay “congressional initiatives.” Madali ang maging tao, nguni’t mahirap magpakatao. Madali ang mangako, ngunit hindi madali ang managot sa pangako. Madali ang magtipon ngunit mahirap ang maging tapat sa pakikipagtipan!

Ngayong hindi na puede ang magpaskil ng kasuklam-suklam nilang mga pangalan at larawan, umaalsa ang mga “naglilingkod sa bayan.” Ngayong hindi na puede makuha nang ganuong kabilis ang pera para sa mga tinamaan ng kulog na congressional initiatives, ay biglang nawalan ng gana ang mga honorable na naturingan!

Madali ang magtipon sa kongreso, nguni’t mahirap ang managot sa tipan na binitiwan sa harap ng bayan!

Marami tayong halimbawa … natanggal nga ang wang-wang, napalitan naman ng hawi boys! Napalitan nga ang administrasyon, ngunit patuloy pa rin ng ngawa ang mga makakaliwang para sa kanila ay walang nagawang tama ang sinumang umupo at mamuno! Napalitan nga ang mga namumuno sa mga kawanihan ng gobyerno, pero tuloy pa rin ang mga pangungulimbat sa kaliwa at sa kanan … Puno pa rin ng lahat ng uri ng sagabal ang mga bangketa. Barado pa rin ng mga nagsulputang mga ilaw na parang Disneyland ang mga dapat sana ay nilalakaran ng mga mahihirap na walang sasakyan. Ang mga makikipot na kalye ay lalong pinakipot ng mga poste at ilawang may mga naglalakihang pangalan ng mga kagalang galang na mayor at barangay chairman! Milyon-milyong piso ang ginastos upang magmistulang Disneyworld ang mga lansangan, puno ng kumukutitap na mga iba-ibang kulay na ilaw para sa mga payasong walang alam kundi pagmalasakitan ang sariling bulsa.

Kakaunti na yata ang mga tapat sa tungkulin… Nguni’t tulad ng sinaad sa unang pagbasa, puno pa rin tayo ng pag-asa: “Magtitira ako ng ilan upang ipadala sa iba’t ibang bansa … magsusugo ako sa mga baybaying hindi pa ako nabalita sa aking kabantugan” …

Nagdaraan tayo sa sari-saring mga pagsubok. Mahirap magpakatapat sa tipunang ito na hinihingi ng Diyos. Mahirap ang magpakatapat sa tipanang ito ng Diyos at ng tao. Ngunit ito ang pinanghahawakan natin: “”lalasap tayo ng kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay. Kaya’t palakasin ninyo ang inyong lupaypay na katawan at tipunin ang nalalabi pang lakas!” (Ika-2 pagbasa).

Sa Misang ito, pinatitikim tayo ng Diyos ng dakilang pagtitipon na magaganap sa darating na panahon. Ito ang pangarap ng Diyos para sa atin. Tulad nga ng turo ni Santo Tomas de Aquino, ang Misa ay “nobis pignus datur futurae gloriae!” Isang pangako ng darating na kaluwalhatian … kung kailan ang tipunan at tipanan ay magkakaroon ng tunay na kaganapan!

Advertisement
  1. […] pangkalahatan… Malayo pa tayo sa kaganapan ng pangako at pangarap ng Diyos.  Continue reading here. […]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: