Ika-22 Linggo ng Taon (K)
Agosto 29, 2010
Mga Pagbasa: Eccl 3:17-18, 20, 28-29 / Heb 12:18-19, 22-24a / Lucas 14:1, 7-14
Sa biglang-wari tila magkasalungat ang tinutumbok ng mga pagbasa. Idinidiin ni Sirac ang pangangailangang magpakumbaba, habang dumadakila. May payo pa siya na sadyang tumitiim sa kaibuturan ng damdamin: “Huwag mong saliksikin ang hindi mo kayang malaman.”
Sa kabilang banda, iginigiit ng ikalawang pagbasa ang dapat sana’y binibigyang pansin ng tao – bago natin pagsikapang umangat sa paningin ng kapwa – ang paglapit “kay Jesus, na tagapamagitan ng bagong tipan.” Ang kababaang-loob ay naghahatid sa pagkilala – higit sa lahat sa pagkilala sa dapat kilalanin at pagpugayan bilang tagapamagitan sa Diyos at tao.
Di miminsang sumagi sa ating isipan ang katotohanang ang mga dati ay simpleng tao, sa sandaling umangat sa lipunan ay biglang nagbabago. Marami tayong nakilalang mga taong dati ay napaka payak at mababa ang loob, nguni’t oras na umasenso sa posisyon at pamemera, kaalaman, at kayamanan, ay hindi na natin makilala na. Kasabihan ng mga Romano … “quam mutatus est ab illo!” Ibang-iba na siya ngayon kaysa dati! Nakatuntong lang sa lapag ng kapangyarihan o karangyaan ay hindi na nakakakilala.
Totoo ito sa lahat ng antas ng lipunan. Ang dating ordinaryong tao na naging kongresman ay biglang napakagaling magtalumpati … ang dating simpleng pari sa parokya na naging obispo, ay biglang nagbubuhay prinsipe na nakatira sa “palasyo” at tila laging naghihintay ng pagpupugay ng mga tao. Ang dating simpleng madreng guro lamang noong kabataan, nang makatuntong sa Roma o sa Alemanya, ay umuwing may tatlong dagdag na letra sa pangalan, ay hindi na marating, hindi na makalipon nang wasto, at tila biglang napakahirap nang kausapin! Kay rami kong mga dating simpleng katekista na noong naging madre o pari – at lalu na yaong mga nakapag-aral sa Roma – pagdating ay hindi na marunong magsalita ng Tagalog, at hindi na puedeng magmisa sa mga tuklong o maliliit na bisita o kapilya sa baryo.
Sa halip na mapalapit dahil sa dagdag na kaalaman, ay lalung napalayo dahil sa dagdag na kayabangan! Ilan sa kilala ninyong dati ay simpleng tao ang nag-asal bilang mga prinsipe at prinsesa mapasa paaralan, sa gobyerno, o sa simbahan man?
May mahalagang pahatid sa ating lahat ang mga pagbasa ngayon. Sa ebanghelyo, turo ng Panginoon na huwag iangat ang sarili at hayaang ang Diyos ang siyang mag-angat sa atin. Ascende superius! Humayo ka sa higit na mataas na upuan, kapatid. Hindi na para sa atin ang hanapin ang kataasan. Ang para sa atin ay ang maghintay pagkalooban … bagay na mahirap gawin.
Matindi ang kalungkutan ko – at – inaamin ko – galit sa mga naganap noong Lunes sa Luneta. Galit at lungkot ang nadama ko dahil sa maraming dahilan, na hindi ko na tutuntunin pa. Napag-ukulan na ito ng napakaraming mga komentaryo sa nakaraang linggo. Ang aking lungkot at galit ay may kinalaman sa kawalan ng kakayahang dumama ng dapat para sa kapwa. Bagama’t hindi ako sang-ayon sa ginawa ni Kapitan Mendoza, may kurot sa puso kong kinikilala na siya ay isa ring biktima ng kawalang pandama ng mga taong nagdesisyon sa kaniyang kinabukasan. Simple lamang ang kanyang hiling … nguni’t ang tugon ng kinauukulan ay nagpamalas ng kawalang kakayahang damhin ang tunay na dinadama ng tao – ang kakayahang mag-empatiya sa nagdurugong puso ng isang taong ang tingin sa lahat ng bagay ay tila wala nang solusyon. Hindi rin ako masaya at nagalit rin ako nang makita ko ang pinuno natin na nakangisi sa harap ng kamera habang tinatanong ng mga media. Nagalit ako sapagka’t tila ito ay isang pagmamaliit sa damdamin ng mga nagdadalamhati!
Matindi ang naging bunga ng kawalang pansing ito, ang kawalang kakayahang mag-empatiya sa isang taong nag-aalboroto. Kahiya-hiya ang naging bunga … malagim at nakaririmarim!
Malinaw ang liksyon sa akin nito … habang tumataas sa posisyon ay dapat mas higit na nagsisikap magpakumbaba, at matutong magbasa ng tunay na dinaramdam ng mga taong pinaglilingkuran. Simple lang ito … sa haba ng panunungkulan ng maraming tao, sa dami ng mga pinagdadaanang mga pagsubok, at mga problema, madali na mawala ang hibla ng tunay na pagkatao at pagmamakatao … maaring tumigas ang puso at damdamin, at ituring ang lahat ng mga tao bilang isa lamang numero, isa lamang sa napakaraming suliraning dapat idispatsa nang mabilisan. Hindi nila nabasa ang hinaing ni Kapitan Mendoza … Hindi naiangkop ng pinuno natin ang wastong emosyon na kaakibat ng kalagim-lagim at malungkot na pangyayari.
Nakatatakot matay nating isipin ang umangat at tumaas sa posisyon. Maraming paghamon, maraming pagsubok, at maraming pananagutan. Isa sa mga pangunahing batas na dapat sundin ng mga nais maglingkod ang siyang binibigyang-diin sa mga pagbasa ngayon … habang dumadakila, pagpapakumbaba … Ipagpasa Diyos na lamang natin ang napakagandang pangungusap na ito … “Amice, ascende superius!” “Kaibigan, umakyat ka pa sa itaas.”
base po muna!
agree po ako sa sinabi nyo dito! nakakadagdag ispirasyon po talaga
thanks foobarph.
sobrang tama po at napakaganda ng pagkakasabi nyo tungkol sa kawalang kakayahang damhin ang tunay na dinadama ng tao – ang kakayahang mag-empatiya sa nagdurugong puso ng isang taong ang tingin sa lahat ng bagay ay tila wala nang solusyon. ganun din po naramdaman kong kurot sa puso kong kinikilala na siya ay isa ring biktima ng kawalang pandama ng mga taong nagdesisyon sa kaniyang kinabukasan. sana po naman ay mabasa ng marami itong inyong homiliya at mapagtanto ang ganitong pagkakamali at pagkamanhid sa dinaramdam ng kapuwa(hindi nga bilang pagsang-ayon sa ginawa ni Mr. Mendoza)Salamat, Father.