frchito

SA KABILA NG LAHAT, KINAHABAGAN AKO!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Moises, Taon K on Setyembre 7, 2010 at 18:21

Ika-24 ng Linggo (Taon K)
Setyembre 12, 2010

Mga Pagbasa: Exodo 32:7-11, 13-14 / 1 Tim 1:12-17 / Lucas 15:1-32

Pag-alala, pagsusumamo, at pasasalamat ang pinapaksa ng mga pagbasa ngayon. Sa harap ng isang matinding pagsuway ng mga Israelita sa kalooban ng Diyos, sa napipintong matindi ring parusang dapat sana ay ipapataw sa kanilang di pagtalima, isang malabuntong-hiningang pagsusumamo ang namutawi sa bibig ni Moises: “Alalahanin ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac, at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila’y pararamihing tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupang ipinangako ninyo.”

Pag-alala … Ito rin ang inaasahan ngayon sa atin ng Panginoon. Tuwing tayo ay dadalo sa Misa, ganap na pag-alala ang ginagawa natin – ang paggunita at pagsasakatuparan ng anumang ginugunita at inaalala sa buhay, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Kristong Panginoon.

Pag-alala … Ito ang lubha nating kailangan bilang bayan ng Diyos, bilang mga Pilipinong di miminsang nakaranas, nakatikim, at nakakita ng lahat ng uri ng kapaitan at kapariwaraan. Di miminsang yinurakan ang kalayaan natin. Nagapi tayo at nagupo ng mga banyagang nagmalabis sa atin sa loob ng mahabang panahon. Di miminsan ring pati kapwa nating Pinoy ay nagpahirap sa atin – sa pamamagitan ng maling pamumuno, katiwalian, at labis na pagmamahal sa sariling kapakanan.

Pag-alala … Ito rin ang lubha nating kailangan yamang napakabilis nating lumimot. Nalimutan na natin ang mga nagpahirap sa atin, nandambong, nagnakaw, at nang alipin sa kanilang kapwa. Mga kongresmen na naman sila … namamayagpag … naghahari, at nanlilimahid pa rin sa bahid ng pagmamalabis na tila nasulat lamang sa buhangin at nakatkat na sa guni-guni ng bayan.

Pag-alala … ito rin ang dapat nating pagyamanin bilang Kristiano – ang pag-alala sa mga naganap, paggunita sa magaganap pang kaligtasan, at pagyayaman sa kaganapan ng pangako ng Diyos sa kanyang bayan.

Bunga ng paggunita at pag-alalang ito, nakuha ni Moises ang magsumamo. Ang panalangin ay kaakibat ng pag-alala. Walang taong nagdarasal na wala ring pagpapahalaga sa paggunita, sa pagbabalik-isip, at pagtanggap sa katotohanang naganap, nagaganap, at magaganap pa. Walang pananalangin kung walang pag-alala sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos – ang pagtawid sa dagat na pula, at pagtakas mula sa Egipto, at ang paghahatid sa bayan ng Diyos sa lupang pangako. Walang pananalangin kung walang pag-alala sa buod ng kasaysayan ng kaligtasan: SI KRISTO’Y NAMATAY, SI KRISTO’Y MULING NABUHAY, SI KRISTO’Y DARATING SA WAKAS NG PANAHON!

Marami tayong dapat alalahanin … ang mga kabalbalang patuloy natin ginagawa, bilang indibidwal o pamayanan … ang mga katiwaliang nagaganap sapagka’t pinapayagan natin … ang mga panloloko ng mga politikong walang alam gawin kundi mangako at talikuran ang mga pangako … ang mga pakikilahok natin sa lahat ng uri ng kadayaan, pagmamalabis, at pagsasamantala sa kapwa.

Dapat natin alalahanin ang mga kapalpakan natin … ang mga swat team na walang gamit at walang training … ang mga gas mask na wala palang filter … ang mga katawan na mga nasawi sa hostage crisis noong nakaraang linggo na nagkapalit-palit ang mga pangalan … ang mga turistang nadadalang bumalik sa atin sapagka’t di miminsan silang naloko ng taxi driver, o tourist guide, o nasakuna sa ating mga bus na sunud-sunod na nahuhulog sa bangin.

Dapat nating alalahanin ang mga kamalian natin … ang pagluluklok sa mga tampalasan sa kanilang posisyon, ang kawalan ng continuidad sa mga programa ng gobyerno matapos mabago ang mga namumuno … ang mga posteng may ilaw nagbabara sa bangketa, na ang tanging pakay ay para may masulatan ng kaygagandang pangalan ni mayor, kongresman, o kapitan ng barangay …

Ito ang ginugunita natin sa simula ng bawa’t Misa … “inaamin ko sa makapangyarihang Diyos …” Nagsisimula ang bawa’t Misa sa paggunita, nagtutuloy sa pag-alaala sa mga pagbasa, at nagwawakas sa paggunita pa rin sa darating na luwalhating inilaan para sa kanyang bayan … “Si Kristo’y darating sa wakas ng panahon!”

Nguni’t hindi sapat na tayo ay magumon lamang sa pag-alala. Hindi sapat na tayo ay magbalik-isip lamang sa nakaraan, o mangarap para sa kinabukasan. Kailangan natin magsumamo. Kailangang ang paggunita ay magbunga ng pananalangin. Kailangang ang pagsasama-sama natin sa Misang ito ay hindi matapos lamang sa pag-alala at bagkus mauwi sa paggawa.

Dito tayo kulang bilang Pinoy. Kay dami nating ngawa, ngunit kulang sa gawa. Namamayagpag na naman ang mga imbestigasyon. Naglalakasan na naman ang mga boses ng mga senador at kongresmen na walang tigil ang bunganga sa pag-iimbestiga. Nguni’t sa dami ng mga imbestigasyon na naganap, wala pa tayong maipagmamalaking isa man na nagbunga ng paggawa.

Bilang Pinoy at Katoliko, ginugunita natin ngayon ang kapalpakan natin … “inaamin ko sa makapangyarihang Diyos …” Bilang Pinoy at Katoliko nagtitiklop-tuhod tayo ngayon at nagsusumamo sa buong mundo: “patawarin ninyo ang aming kapalpakan.” Bilang Katoliko, ay nagsusumamo rin tayo sa Panginoon: “Alalahahin Mo ang mga pangako Mo sa amin … alang-alang sa dugo ng iyong bugtong na Anak, na dumanak para sa amin.”

Bilang Pinoy at Katoliko, gumagawa tayo ng paggunita at pag-aalaala … sa Diyos na naging tao, isinilang, namatay, at muling nabuhay. Ginugunita natin ang kanyang pagmamalasakit para sa atin. Nagpapasalamat tayo tulad at kasama ni Pablo sapagka’t bagama’t hindi karapat-dapat, kinasihan Niya tayo at pinagmasdan, kinalinga at biniyayaan … Sa kabila ng lahat, ay kinahabagan tayo! Ito ang mabuting balitang lumulutang sa Misa natin ngayon. Purihin Siyang tangi nating tagapagligtas!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s