Ika-28 Linggo ng Taon (K)
Oktubre 10, 2010
Mga Pagbasa: 2 Hari 5: 14-17 / 2 Timoteo 2:8-13 / Lucas 17: 11-19
Walang kapag-a pag-asa si Naaman sa Syria kung saan siya nagmula. Wala ni isang duktor, ni isang tagapagpagaling na masumpungan sa kaniyang sariling bayan, upang mahingan ng tulong at makapagpabatang muli sa kanyang balat na dinapuan ng kung anong kurikong, na kung tawagin noon ay “ketong.”
Nguni’t isang malinaw na pahayag ng Kasulatan ay ang pahimakas tungkol sa darating na tagapagpagaling, tagapagligtas, at tagapaghatid sa landas ng kagalingan at kaligtasan, na unti-unting ipinahayag sa Lumang Tipan.
Sa araw na ito, si Eliseo ang natokahan upang maghatid ng pahimakas o paunang hula tungkol sa darating na Mesiyas.
Malaking papel ang ginampanan ni Naaman sa paunang hulang ito ni Propeta Eliseo. Isa ito sa namamaulong pahayag ng mga pagbasa. Walang sinumang walang kapag-a pag-asa sa harapan ng Diyos. Tanging isa lamang ang kondisyon – ang kagustuhan, ang pagnanais at pagnanasa, at paghahanap ng kagalingan sa kamay ni Eliseo. At ang kanyang pagnanasa ay ginamtipalaan ng Siyang tanging may tangan ng ating kabuuang kaligtasan – ang Diyos. “Ngayo’y napatunayan kong walang ibang Diyos sa ibabaw ng lupa kundi ang Diyos ng Israel.”
Hindi lamang ketong ang dumapo sa ating lipunan. Tulad ni Naaman, sa makataong pagtingin, halos wala na tayong kapag-a pag-asa. Tuloy ang pagdami ng mga mangmang at sayad sa lupa ang kahirapan. Tuloy ang pagdami ng mga walang makitang trabaho sa bayan natin, na siyang nagtutulak sa milyon-milyon upang makipagsapalaran sa ibang bansa. Pareho pa rin ang sistemang naghahari sa gobyerno … ang malakas at kaibigan, at kamag-anak ay hindi natitinag ng batas. Panay pa rin ang tanggi ng mga halimaw na pumatay ng 57 tao para lamang maalis ang balakid sa kanilang walang sawang “paglilingkod sa bayan.” Tuloy pa rin ang “kotong” at ang jueteng at lalong tuloy ang paninila ng mga asong gubat na kagalang-galang na nananagana sa salapi ni Judas. (Kahiya-hiya man sabihin, isang dagok sa aming mga pari, na mayroong mga Obispo at pari na tumatanggap rin sa salaping ito mula sa lukbutan ni Judas!)
Nguni’t isa lamang itong bahagi ng magandang balita sa araw na ito. Ketongin man o salarin, may pag-asa pang nakatatak sa puso ng bawa’t tao sa mundo. Subali’t ang pag-asang ito ay dapat pagsikapan, pagtibayin, at pagalawin. Si Naaman ay naglakbay. Si Naaman ay lumisan rin sa kanyang bayan. Tulad ng milyon-milyong Pinoy na nasa lahat ng dako ng daigdig, bilang pagtugon sa kanilang pag-aasam, pagnanasa at pagnanais tungo sa isang higit na magandang pamumuhay para sa kanilang pamilya. Ang ketong ng kawalang kabuhayan ay napalitan nila ng kanlong ng katatagan ng puso at diwa upang magpaka martir o bayani sa ibang bansa. Ang kanilang kasalatan ay napalitan ng kayamanan ng pagmamahal sa kapakanan ng pamilya at mahal sa buhay.
Nagsikap si Naaman. Sumunod o tumalima sa utos ni Eliseo na lumublob ng makapitong beses sa ilog Jordan. Hindi siya nahiya na makisalamuha sa mga taong malamang ay nilibak siya dahilan sa kahiya-hiyang sakit ng ketong. Tiniis niya ang lahat para lamang gumaling.
Katulad siya ni Pablo na binata ang lahat maligtas lamang ang marami: “Pinagtitiisan ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magtamo rin sila ng kaligtasang mula kay Kristo Hesus, at ng walang hanggang kaluwalhatian.”
Ketong, kotong, at kurikong ng kasalanan ang tunay nating suliranin bilang Pinoy. Palitan man natin ang Presidente taon-taon, ang katotohanang tumatambad sa atin ay iisa: ibang diyos ang pinaglilingkuran ng marami sa atin liban sa tunay ng Diyos ng Israel!
Isang malinaw na panawagan ang dapat natin marinig mula sa Diyos sa araw na ito. Popular man o hindi ang presidente, alam nating hindi nakadepende sa kanya ang bagay na tayong lahat lamang ang makagagawa. Mataas man o mababa ang kanyang “rating” sa survey, ang katotohanang tayo ang “boss” at tayo rin ang magsusulong sa ating kinabukasan ay hindi natin matatakasan.
Sampung ketongin ang pinagaling ni Jesus. Sa sampung ito, siyam ang mayroong mas matinding ketong – ang kakapalan hindi lamang ng mukha, kundi pati na rin ng balat nilang nahirati na sa pagkamakasarili. Ito ang mas masahol pa sa ketong ni Naaman na dumapo sa balat elepante ng mga tampalasang politico na walang kahiya-hiya, at walang kabubusugan sa patuloy na pagsisipsip ng dugo ng mga bayaning OFW na tinatawag nilang bayani ng bayan. Ito rin ang kakapalan ng balat nating lahat na walang sawa sa paninisi ng jueteng lords, nguni’t wala ring sawa sa pagtaya sa jueteng.
Iisa lamang ang dapat natin gawin bawa’t isa sa atin – ang sumulong, ang umahon, at ang lumisan sa kumunoy na ito ng kasalanan. Sampu ang nagsumigaw sa Panginoon: “Jesus, Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!” Sampu ang humiyaw at nagmakaawa. Iisa lamang sa sampu ang sumulong at umahon sa isang tunay na pagbabago. Tanging siya lamang ang bumalik upang magpasalamat.
Tanging siya lamang ang lubos sa pagsulong, pag-ahon, at pagbabagong wagas. At tanging siya lamang ang nakarinig ng magandang balita na puno ng pag-asa: “Tumindig ka’t humayo sa iyong lakad! Pinagaling ka dahil sa iyong pananalig.”
Ketong, kotong, kurikong ng kasalanan? Panis lahat ito sa biyaya ng Diyos at kanyang pagmamahal. Subali’t may isa pa tayong dapat gawin: Sulong! Tumindig ka’t humayo sa iyong lakad!