frchito

HANGGANG KAILAN, PANGINOON?

In Catholic Homily, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Habbakuk, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Setyembre 28, 2010 at 09:24

Ika-27 Linggo ng Taon(K)
Oktubre 3, 2010

Mga Pagbasa: Habbakuk 1:2-3, 2:2-4 / 2Tim 1:6-8, 13-14 / Lucas 17:5-10

Agguanta ang salitang kastila na sumasagi sa aking isipan sa pagninilay sa mga pagbasa sa linggong ito. Hindi lamang ito katumbas ng pagtitiis. May kinalaman ito sa pagtitiis na may kahalong paghihintay. Parang may kaugnay ito sa kristiyanong pag-asa, ang paghihintay na may bahid ng pagtitiwalang ang hinihintay ay may kahihinatnan.

Panalangin ito ng mga taong, bagama’t may panimdim na pasan sa balikat at laman ng puso, ay nakukuha pang tumaghoy at makiusap sa Diyos: “hanggang kailan, Panginoon?” Ito ang panaghoy na malaon na nating natutunang sambitin. Ito ang panalanging laman na ng puso at isipan sa mula’t mula pa … noong nakatikim ang bayan natin ng paulit-ulit na pagyurak sa ating dangal, sa ating kalayaan, at sa ating katalinuhan.

Ito rin ang malaon na nating kahilingan sa Diyos … Naghihintay pa rin tayo na maibsan ang talamak na kahirapan sa maraming dako ng bayan natin. Naghihintay pa rin tayo na makihalubilo ang bayan natin sa hanay ng mga bansang tinitingala ng buong mundo, dahil sa propesyonalismo, sa kaalaman, sa kapahaman, at sa kakayahan sa lahat ng larangan ng pakikipagtalastasan, komersyo, at produksyon.

Hanggang kailan pa kaya, Panginoon, kami magtitiis sa patuloy na pagbulusok ng tiwala ng buong mundo sa ating bayan? Hanggang kailan pa kaya tayo magtitiis sa patuloy na panlilibak ng ibang bansa sa dami ng kapalpakan ng mga namumuno sa atin? Hanggang kailan pa kaya titikisin ng buong mundo pati ang nakahihiyang kawalan ng pagtitiwala sa ating mga paliparan at ang seguridad sa nasabing paliparang internasyonal?

Mahaba ang listahan natin ng mga dahilan upang mag-agguanta.

Sa araw na ito, tinutumbok ng Panginoon ang dagdag at wastong dahilan upang tayo ay matutong mag-agguanta.

Una sa lahat, isang halimbawa ni Habakuk ang ipinamamalas sa atin. Sa kabila ng kanyang panaghoy, lumutang ang isang kabatirang siyang batayang matatag ng pagtitiis – ang katotohanang may Diyos na nagkakaloob ng gantimpala sa mga matuwid na nagtitiis: “Masdan mo, ang hambog ay mabibigo sa kaniyang kapalaluan, ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa kaniyang katapatan.”

Pangako ng Diyos ang siyang batayan at dahilan ng pagtitiis ng taong sumasampalataya.

Ikalawa, isang paalaala ang pahatid ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Pablo. Nguni’t hindi lamang ito paalaala, kundi isa pang malinaw na halimbawa. Si Pablo, na siyang larawan ng pagtitiis, pag-asa, at sa malalim na paniniwalang ang lahat ay may kahulugan, at ang lahat ay may hangganan at katuturan … “Maging masigasig sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos.” “Manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pakikipag-isa kay Kristo Hesus.”

Katigan at muog ng pagtitiis ang katotohanang may Diyos at sa katotohanang ang Diyos na ito ay Diyos ng pag-ibig. Ang pag-ibig na ito ay pinatunayan mismo ni Hesus na kanyang Anak.

Alam natin lahat ito. Alam natin kung gaano kamahal tayo ng Diyos. Subali’t sa mga sandali ng pighati at panaghoy ay kay dalin natin lumimot. Kay dali natin matangay ng kawalang pag-asa, at ng tampo o sama ng loob sa Diyos. May masamang nangyayari sa mga taong nagpapakabuti. Dahil sa kasalanan ng tao, nababalot ng hiwaga ng paghihirap ang buhay natin lahat. Ang kasakiman at katiwalian ay naghahatid ng matinding paghihirap sa buhay ng mga walang kinalaman sa masasamang nagaganap sa mundo. Limampu at pitong kataong walang kamalay-malay ang pinaslang para lamang mahawi ang oposisyon sa dinastia ng isang pamilya ng mga politicong ganid at halang ang kaluluwa.

Sa mga sandaling ito, malaking habag sa sarili ang sumasagi sa atin lahat. Walang sinuman ang dapat magdusa o karapat-dapat sa anumang paghihirap. Wala dapat sinumang tatangis dahilan sa katakawan ng ibang tao.

Subali’t dahilan sa misteryo ng kasalanan na bumalot sa kalikasang makatao, ang paghihirap ay naging bahagi ng buhay natin sa lupang bayang kahapis-hapis.

Ang ikatlong aral na lumulutang sa mga pagbasa ngayon ay ang tama o wastong tugon sa lahat ng uri ng pagdurusang sumasagi sa atin. At ito ay ang kababaang-loob – ang kakayahang tumanggap anumang hindi katanggap-tanggap, ang pagtitiwalang anuman ang mangyari sa atin ay may katuturan, may kahihinatnan, may kahulugan. Sa sandaling ito, ang sumasagi sa aking isipan ay ang katotohanang ang payak at mababa ang loob, ay hindi kailanman maibabagsak pa sa lusak ng kawalang-dangal. Ang taong payak at mababa ang loob ay hindi napapahiya, hindi napapariwara. Nanatili sa kanyang puso at isipan ang katotohanang hindi makakatkat ninuman, at ng anuman sa kanyang pagkatao – ang angking dangal na kaloob ng Diyos sa lahat ng tao.

Ito ang dahilan kung bakit hindi suliranin ang paglilingkod, ang pagtupad sa tungkuling naka-atang sa balikat. Alam niya ang katotohanang muog at batayan ng kanyang dangal: “Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin.”

Kung ito ang saloobing ito, matapang at matatag natin mapaninindigan ang panalanging bagama’t puno ng panimdim at pagtangis ay puno rin ng mapagpalayang pag-asa: “Hanggang kailan, Panginoon, kami daraing sa iyo, at di mo diringgin?”

Ito ang maka-kristiyanong pagtitiis, pag-aaguanta … paghihintay at katiyakang pasasaan ba’t at lilipas rin ang lahat?

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: