frchito

KAMANGMANGAN AT KARUNUNGAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon A on Pebrero 15, 2011 at 06:38

Ika – 7 Linggo ng Karaniwang Panahon (A)
Febrero 20, 2011

Mga Pagbasa: Lev 19:1-2.17-18 / 1 Cor 3:16-23 / Mateo 5:38-48

Kung minsan, dumarating ang pagkakataong nakapag-iisip tayong wala talagang kaibahan ang kamangmangan at karunungan, matay nating isipin. Napakaraming matatalino sa mundo na gumagawa ng sari-saring kagaguhan. Napakarami rin namang mga naturingang mangmang ang gumagawa ng kadakilaan at bagay na hindi inaasahan.

Noong niragasa ng Ondoy at Pepeng ang Pilipinas, hindi iilan ang lumitaw na bayani, mga talubatang walang sinasabi, ika nga, sa lipunan, nguni’t nakapagpamalas ng kadakilaang hinangaan ng buong bansa; mga sundalong inilagay sa panganib ang sariling buhay sa pagtupad ng tungkuling magligtas ng mga buhay ng ibang tao.

Subali’t hindi rin natin maipagkakaila na sa usapin tungkol sa korupsyon, mapa sa gobyerno o sa labas ng gobyerno, pawang marurunong na tao, mga matatalinong mga opisyal, na pinagkagastusan ng lipunan at ng bayang Pilipino (sa PMA o saan man), ang siyang nangunguna sa listahan ng mga tiwali at gumagawa ng lahat ng uri ng kabulastugan.

Mangmang ba sila o marunong? Bobo o maalam? Ito ang pinapaksa ng mga pagbasa natin ngayon.

Mayroong mangmang na isinilang na ganuon. Hindi maipagkakailang ang kakayahan ng utak ng tao ay hindi pantay-pantay. Mayroon rin namang mangmang na nagmamaang-maangan. Kaya nilang magpuslit ng milyon-milyong piso mula sa kaban ng mga sundalo. Pero wala silang matandaan sa kanilang mga ginawa.

Nguni’t mayroong mangmang na nagpakababa at nagpaka-aba sa sarili bilang pagtalima sa higit na mahalagang bagay. Ito ang mga taong matatalino sapagka’t may nakikita silang higit pa kaysa sa mga pinagkakaabalahan ng mundo. Ito ang mga taong maalam na at matalino na, ay marunong pa.

Bobo ang tawag ng mundo sa mga taong hindi marunong gumanti. “Bakit ka pumapayag na lamangan ka?” Ito ang tanong ng marami sa mga nagpapalamang, at nagpaparaya. Pero sa buhay natin sa bahay at pamilya, alam natin na ang nakatatanda ay marunong magparangya, marunong magpalamang sa batang kapatid, sapagka’t ito ang tama. Ito ang sabi ng kultura natin. Ito ang pinahahalagahan natin … na ang matanda ay marunong magtiis at magparangya sa nakababata.

Pero bobo ang tawag ng madla sa taong hindi kumakabig kung may pagkakataon; mga taong nanduon na ay hindi gumamit ng pagkakataon. “Nanduon na sa harap ng manok ay patuka, ay hindi pa tumuka!” Ito ang kasabihan ng mga matatalinong kung mag-isip ay ayon sa takbo ng isip ng kalahatan.

Duwag ang tawag natin sa isang taong hindi marunong gumanti. Bakit ka papayag na apihin? Ito ang takbo ng isipan ng marami. Kung sinipa ka, ay tadyakan mo rin … at basagin mo ang kanyang mukha! Hindi ba’t ito ang takbo ng isipan natin? Hindi ba’t ito ang ibig sabihin ng “kalakaran?”

Tawagin nyo nang mangmang ang Panginoon sapagka’t siya ang nagsabi: “huwag ninyong labanan ang masamang tao.” Tawagin nyo nang bobo ang Panginoon na nagsabi: “kapag may sumampal sa iyo sa kanang pisngi, iharap mo pa sa kaniya ang kabila.”

Hindi salitang batay sa ebanghelyo ang “kalakaran.” Hindi turo ng Panginoon ang magpadala sa agos. Sa katunayan, para sa kanya, walang mangmang sa sinumang may takot sa Diyos. “Ang banal na pagkatakot sa Diyos ay simula ng karunungan.”

Sa mga nasa gitna ng mga usapin sa mga araw na ito, wala sa kanila ang nag-imbento ng korupsyon. Wala ni isa man sa kanila ang nagsimula nito. Lumakad lamang sila papasok doon … nagising na lamang sila sa katotohanang bahagi sila ng “kalakaran,” bahagi sila ng kultura at kalinangan na nababalot ng kadiliman at kasakiman.

Wala ni isa man sa kanila ang nagsimula ng korupsyon. Nguni’t sila ay bahagi ng sistema, ng isang susun-suson at sapin-saping kalagayan ng mga taong nahirati na, nasanay na, at natangay na ng hinihingi ng pagkakataon … Ito ang kalakaran …

Kung iisipin nating lahat nang mataman ito, lahat tayo ay mangmang at matalino. Lahat tayo ay walang alam sa kultura ng kotong. Lahat tayo ay galit sa mga nangongotong. Pero lahat tayo ay handang mangotong para lamang makalusot sa gusot. Lahat tayo ay galit sa mga nasa BIR, pero lahat rin tayo ay handang magbayad na lamang para hindi masampahan ng mabigat na buwis. Lahat tayo ay handa nang magpalakad sa mga mas nakaaalam, upang makalusot na lamang sa usaping walang hahantungan. Sala-salabat, sanga-sanga, at masalimuot ang balag ng korupsyon. At walang makapagsasabing hindi siya bahagi kahit papaano ng kalakarang ito.

May tawag si Philip Zimbardo sa kalagayang ito … The Lucifer Effect! Ito ang sistema at kultura na nagbubunsod sa mga taong mangmang upang maging matalino, at taong matalino upang maging mangmang na handang gumawa ng lahat ng uri ng kagaguhan! Ito ang sistemang malayo na sa diwa ng ebanghelyo, at ito ang kalakarang kinasasadlakan natin lahat ngayon. Sa madaling salita, ang sistemang panglabas ang siyang umuukilkil sa personal na niloloob ng tao. Matalino man at maalam, ang kalakaran ang siyang lalamon sa kaniya.

Hindi madali ang laban. Malimit na ang laban na ginagawa natin ay ang labang personal, na may kinalaman sa panloob na saloobin ng tao. Kung kaya’t ang akala natin ay kapag nag-retreat o nag-rekoleksyon na ang isang tao ay lutas na ang korupsyon. Ngunit ang sistema o kalakaran ay naka latag pa rin sa llipunan.

Matindi ang laban natin. Nguni’t may dapat pagmulan, may dapat pagsimulaan, may dapat magbanat ng unang buto at gumawa ng unang hakbang.

Malinaw ito sa turo ngayon ng pagbasa. Ang mangmang ay magpakarunong. Ang maalam ay matutong magpakababa. At lahat tayo ay dapat magpakabanal. Ang kalakaran ay dapat puksain, simula sa puso natin, simula sa bakuran natin, simula sa pamilya natin. “Kaya, dapat maging ganap, gaya ng inyong Amang nasa langit.”

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: