frchito

PERA O DANGAL; TUBIG O APOY; BUHAY O KAMATAYAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Pebrero 11, 2011 at 12:39

Ika-anim na Linggo ng Karaniwang Panahon (A)
Pebrero 13, 2011

Mga Pagbasa: Sirach 15:15-20 / 1 Cor 2:6-10 / Mateo 11:25

Malungkot ang mga sunud-sunod na nagaganap sa bayan natin. May mga ninakawan na at inagawan ng sasakyan, ay pinatay pa. May mga balita tungkol sa diumano’y pangungulimbat ng laksa-laksang salapi mula sa kaban ng bayan, na napunta diumano sa iilang tao lamang … perang galing sa tulong ng ibang bansa para sa ating maralitang bayan … perang nakalaan sa ikagiginhawa sana ng mga hikahos nating mga kababayan, kasama na ang mga sundalo nating nasa gitna ng pakikipag bakbakan sa kaaway ng estado.

Lalung malungkot ang katotohanang bago pa man makita ang buong katotohanan ay mayroon nang natumba dahil sa mga usaping ito. At higit pang malungkot ang nakapanlulumong katotohanan na may mga tao pa ring bukod sa pagiging huli at malilimutin, ay tila walang kayang harapin ang totoo at isiwalat ang pawang katotohanan.

Nguni’t tingnan natin sumandali ang kabilang bahagi ng entablado na bumubukadkad sa ating paningin. Sa kabilang banda, ay nariyan si Heidi Mendoza … mahinang babae kung lakas pangkatawan ang pag-uusapan, mahinahon, nguni’t isang dakilang tanda ng katatagan ng loob at katuwiran ng puso at isipan.

Dalawang magkasalungat na larawan … tulad ng dalawang magkasalungat na puedeng pamilian ng tao, ayon kay Sirac … apoy o tubig, buhay o kamatayan … Sa kalagayan ng bansa natin, nais kong idagdag ang ikatlo … hindi kwarta o kahon, kundi pera o dangal!

Sa bukana ng pagtitipon natin bilang bayan ng Diyos sa araw na ito, natambad agad sa isipan natin ang dalawang dapat pagpilian ng tao. Nguni’t higit sa dapat pagpilian ay ang pananagutan ng taong mamili nang tama.

Narito ang tugon sa mga katanungan ng marami sa panahong ito: May katuwiran ba ang mga tampalasan na mangulimbat ng ganoong karami sa kaban ng bayan? May batayan ba ang kanilang kilos na kahit sino ang tumingin ay talagang sala at lisya sa batas ng Panginoon? Heto ang sagot ni Sirac: “Kailanman ay wala siyang inutusang magpakasama, o pinahintulutang magkasala.”

Nguni’t tila tuloy-tuloy ang pagdami ng mga carnapper. Tila tuloy-tuloy ang tipo ng politicang ang pakay lamang ay magkamal at mang-api ng mga walang kamuang-muang. Tila palasak pa rin ang paggawa ng shabu, at ng iba pang mga gamut na masama at nakasisiran ng kinabukasan ng kabataan. Sa kabila ng mga paulit-ulit na palabas at pakitang-tao, tuloy pa rin ang jueteng, ang pangongotong, at ang pagsasamantala sa kamangmangan ng higit nakararaming Pinoy.

Tayong mga nakakaunawa at nagkapalad na makapag-simba sa araw na ito ay may isang mahigpit na paalaala mula sa Diyos. Simple lamang ito … tungkulin natin na kung hindi man natin masugpo ang lahat ng krimeng organisadong ito, ay hindi tayo mabing bahagi nito. Tungkulin natin maging asin ng sanlibutan o ilaw ng sandaigdigan. Ayon kay San Pablo, hindi tayo dapat mag-asal na para bagang muli nating ipinapako sa krus ang Panginoon.

Nasa atin ang pagpapasya. Nasa atin ang kakayahang pumili.

Isang lumang kwento ang nasa isip ko ngayon, tungkol sa isang matandang paham na nakatira sa gubat. Isang araw, isang grupo ng kabataan ang nagpasyang subukin ang talino ng matanda. Nanghuli sila ng ibon at pumunta sa matanda na hawak ng pinuno ng grupo ang ibon sa kamay. Tinanong ng pinuno ang matanda. “Lolo, buhay ba o patay ang ibong hawak ko?” Nag-isip ang matanda. At napagtanto niyang kung ang sagot niya ay “patay,” ay puede niyang paliparin ang ibon. Kung ang sagot naman niya ay “buhay” ay maaarin niyang sakalin ang ibon upang mamatay. Kung kaya’t sa tanong na ito ang talubata, ito lamang ang kanyang sinabi: “Ang sagot ay nasa iyong mga kamay!”

Malungkot tayo. Nagpupuyos ang damdamin natin dahil sa walang patutunguhang imbestigasyon at sa pagkahuli ng mga heneral na walang natatandaan anuman. Nagpupuyos din ang damdamin natin na ang mga nag-iimbestiga ay hindi rin katiwa-tiwala at pihong mayroong sariling mga agenda. Tila wala nang masulingan ang taong-bayan. Nguni’t sa gitna ng kawalang-pag-asa, at kawalang kasagutan, ang Diyos ay nangangaral sa atin ng bagay na hindi natin dapat kalimutan …

At ito ang sukdulan … hindi tayo dapat tumulad sa mga tampalasan. Hindi tayo dapat maging tulad ng mga Pariseo at mga eskriba. Hindi tayo dapat tumulad sa mga nag-iimbestigang puro pakitang-tao lamang.

Ano ang dahilan ng lahat ng ito? Simple lamang … Mayroong mas higit pa na dapat nating pagsikapan, dapat nating asahan, at dapat nating pagtuunan ng lahat ng buong makakaya. Mayroong mas mahalaga kaysa kwarta, at kahon-kahong mga dolyares. Mayroong mas importante kaysa pera. Mayroong kabilang pisngi ang buhay. At mayroon din tayong kakayahang mamili.

Ano iyon? Hayaan nating si San Pablo ang tumugon … Hindi pa nakikita ng mata, ni naririnig ng tainga, hindi pa sumasagi sa isip ng tao, ang inihanda ng Diyos sa mga umiibig sa kanya.”

Kwarta o kahon? … Pera o dangal? … Apoy o Tubig? … Buhay o Kamatayan? Ang tugon ay nasa ating mga kamay!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: