frchito

ITANIM, IPULUPOT, ITALI!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Taon A on Marso 3, 2011 at 12:00

Ika-9 na Linggo ng Taon (A)
Marso 6, 2011

Mga Pagbasa: Deuteronomio 11:18, 26-28, 32 / Roma 3:21-25a, 28 / Mateo 7:21-27

Panay diwa ng tibay at katatagan ang binabanggit ni Moises: itanim, ipulupot, itali! Sa panahon natin, wala nang bagay na permanente. Wala nang nagtatagal. Wala nang nananatili. Sa daigdig na pinamumugaran ng kultura ng walang tigil na pagbabago, wala na tayong natatandaan. Sa bilis ng agos ng mga pangyayari, wala na halos nananatili sa ating isipan. Pati mga addresses sa ating cellphone ay madaling mabura, mabilis ma-delete, at madaling palitan.

Mababaw ang kakayahan natin ngayon na magtanda, at lalung mababaw ang kakayahan natin gumunita. Ang tao’y marupok, gaya nga ng awit ni Rico Puno … kay daling lumimot. Sa katunayan, 25 taon matapos ang EDSA 1, halos wala nang makaalaala sa kahulugang dulot nito sa bayan natin. At pati ang mga dati-rati ay kinamumuhian ng bayan, ngayon ay gusto na namang ibalik sa kapangyarihan.

Nguni’t matanong natin … ano ba ang dapat nating alalahanin nang higit sa lahat? Ano ba ang dapat nating tandaan? Ano ang bukod sa lahat ay hindi natin dapat kalimutan?

Sinasagot ito ni Moises sa unang pagbasa … Ang higit sa lahat na hindi dapat limutin ay ang katotohanang mayroon tayong kakayahang pumili. Mayroon tayong kakayahang magpasya at pumili sa dalawang bagay – ang sumunod sa utos ng Diyos o ang sumuway at lumihis sa Kanyang landas.

Sa ating panahon, sunod-sunod ang halimbawa ng mga taong namili nang hindi wasto … mga pinuno ng bansa na nagpasyang sila lamang ang puede maging pinuno – sina Mubarak, Ben Ali, Kaddafi, atbp … Lahat sila ay nagpasyang sila lamang ang karapat-dapat, kahit 40 taong mahigit na sila nasa kapangyarihan. Naging halos panginoon na sila ng kanilang mga kababayan, na hindi kailanman nag-iisip na bumaba sa kanilang luklukan.

Sa buhay natin, alam rin natin kung paano ang mga mali nating pagpapasya ay pawang may kahihinatnan. Mayroong nagpasya malaon na na magsigarilyo. Sa loob ng maraming dekada ay pinuno nila ng usok at nicotina ang kanilang baga. Namili silang gawing panginoon ang sigarilyo. Mayroon namang nagpasya sa mula’t mula pa na ang kanilang dieta ay nababalot ng asin, taba, at panay karne. Ang pagpapasyang tila walang kahihinatnan sa simula ay alam nating nauuwi sa sari-saring sakit pagtanda. Ano man ang piliin natin ay mayroon laging kahihinatnan.

Dalawa ang maaring bunga ng dalawa ring puedeng piliin ng tao, ayon kay Moises – pagpapala o sumpa.

Sa kasaysayan ng daigdig, dose-dosenang mga dating makapangyarihang tao ang namili nang mali at nauwi sa paggawa, hindi ng isang bahay na bato, kundi isang gusaling batay sa buhangin. Sina Alexander the Great … Sina Napoleon Bonaparte … si Hitler … si Marcos … si Ceausescu, at marami pang iba. Ang lahat ng kanilang ipinundar ay nauwi sa kawalan, naglaho sa mapa, at pati ang kanilang pangalan ay nauwi sa kapariwaraan.

Sa ating panahon, talagang mahirap nang magtanda ng anuman. Sa dami ng naririnig natin at nakikita sa TV, sa dami ng nababasa sa internet, pinupulpog ng tinatawag na information overload ang mga kamalayan natin. Hindi na natin matandaan kung kailan nangyari ang kung ano, lalu na’t suson-suson at sunod-sunod at patong-patong ang mga nagaganap. Ni hindi natin matandaan ang kinain natin kaninang umaga, o ang kausap natin kagabi sa cellphone.

Hindi naman siguro masama na sa kalalagayang ito, dapat nating alalahanin ang pinakamahalagang dapat gunitain, dapat itanim sa puso, ipulupot sa kamay, at itali sa ating harapan … may kakayahan tayong pumili at mamili. May kakayahan tayong magpasya nang mali at tama. At ang mali ay ang pagpapasyang tila walang Diyos, tulad ng paggawa ng mga batas na labag sa Kanyang kalooban. At ang tama ay ang sumunod sa landas ng Kanyang kalooban.

Ang una ay sumpa. Ang ikalawa ay isang pagpapala.

Nasa ating mga kamay ang susi. Nasa atin ang kakayahan. At para sa atin ang matibay na pangakong ang “bawa’t nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay matutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng bato.”

Mahalaga ito. Sobra. Kaya’t dapat itanim sa puso, ipulupot sa kamay, at itali sa ating harapan.

  1. sana po ay patuloy ninyong panatilihin ang blog na ito, maganda at nakakatulong sa pagninilay, ngayng lang ako nakabisita, gayunman, isi-share ko po ito sa aming facebook account sa prokya para makatulong sa paghahnda sa misa, at sana magawa ko rin linggu-linggo. God bless po Father!

  2. Nagkakaroon lang ng kahalagahan ang isang pangyayari kung nagdulot ito ng matinding pagbabago. Pagkatapos ng 25 na taon sa pamumuno ng partido ng mga dilaw wala angat na nagawa ang Pilipinas. Kaya ito nakakalimutan.

  3. Nakakatulong po ito sa akin sa aking lingguhang pagseserbisyo sa simbahan bilang isang lay minister. Maraming salamat po. Pagpalain tayo ng Poong Lumikha.

Mag-iwan ng tugon sa frchito Pindutin ito para bawiin ang tugon.