frchito

IBUBUKAS, IBABANGON, IBABALIK!

In Homily in Tagalog, Kwaresma, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Abril 9, 2011 at 08:28

Ikalimang Linggo ng Kwaresma(A)
Abril 10, 2011

Mga Pagbasa: Ex 37:12-14 / Roma 8:8-11 / Juan 11:3-7.17.20-27.33-45

Pangako at pag-asa, paghamon, at pagkalinga ang ilang saloobing lumulutang sa mga pagbasa sa araw na ito.

Pangako … Ito ang bukambibig ni Ezekiel, ang propeta nang ang bayang hinirang ng Diyos ay napatapon sa lupaing banyaga. Malinaw ang kanyang pahatid mula sa Diyos: ibubukas muli aniya ang kanilang mga puntod, muli silang ibabangon, at, matapos hingahan ng panibagong espiritu mula sa Diyos, ay ibabalik sa kanilang naglahong lupain!

Sino ang hindi maaantig ang puso sa ganitong pangako? Sinong matigas ang puso’t kalooban na hindi matitinag sa pagkaka-upo sa ganitong mga pananalita? Sinong sobra ang tiwala sa sarili ang hindi na aasa at maghihintay sa katuparan ng ganitong pangako?

Ewan ko sa inyo, pero ako ay isa sa mga naghihintay, umaasa, nag-aasam!

Sobra na ang pagkabaon natin hindi lang sa materyal na kamatayan, kundi pati sa kultural at espiritwal na kamatayan. Labis-labis na ang susun-suson, sunod-sunod, at patong-patong na mga paghamak sa ating pananampalataya at sa kaukulang kalinangan na hatid ng pananampalatayang ito.

Maraming taon na ang nakaraan nang binigyang-pansin ni Beato Juan Pablo II ang kalalagayang ito ng sangkatauhan – ang paglaganap ng kultura ng kamatayan. Dama natin ito sa maraming giyerang nagaganap sa maraming lugar sa daigdig. Dama rin natin ito sa mga tikisang pagpatay ng mga kababayan ng mga pinunong nahirati sa kapangyarihan nang maraming dekada at ayaw nang bumaba sa posisyon. Kita rin natin ito sa mga tuluyang pagpapatayan ng mga magkatunggali sa politiko sa Pilipinas, lalu na sa Mindanao. Kita natin ito sa pagpapahalaga sa pera, at sa kita, kaysa sa pagpapahalaga sa dangal pati ng mga batang paslit na wala pang kamalay-malay. Dama natin ito sa mga palabas sa TV na nanlilibag sa mga bungal, matatanda, mahirap, at bobo, kumita lamang ng ilang libong piso sa isang taong walang sinusundang anumang hanay ng pagpapahalaga liban sa pera o sa tubo o kita.

Damang dama rin natin ito sa walang pakundangang pagsusulong ng isang kulturang pinaghihiwalay ang gawang pagtatalik mag-asawa sa tunay na layunin nito ayon sa turo ng Biblia at ng Simbahan. Kita natin ito sa kahandaang tunawin ang bata sa sinapupunan dahil sa kagustuhang makamit ang isang kalidad ng buhay na makatao diumano.

Damang-dama natin ito sa lahat ng mga saloobing ang pangunahing layunin ay bawasan ang mga tao sa mundo, at pigilan ang pagdami ng tao. Sa kanilang baluktot na pag-iisip, ang kahirapan diumano ay dahil sa sobrang dami ng tao sa mundo. Ngunit wala silang sinasabi tungkol sa tunay na dahilan ng kahirapan – ang malawakang korupsyon, ang pagkamakasarili, at kawalang kakayahang magbahagi sa iba ng yaman ng mundong kinakamal lamang ng kaunting pamilya sa Pilipinas at sa buong mundo.

Nguni’t ano ba ang paghamon at panawagan sa atin sa araw na ito.

Tunghayan natin ang ebanghelyo … ang pagbubuhay kay Lazaro. Malinaw ang tinutumbok ng lahat ng ito at simple lamang … Ang Diyos ay Diyos ng buhay. Ang Diyos ay nagtataguyod ng buhay. Ang Diyos ay nananawagan para sa buhay na higit sa buhay na makamundo.

Sa madaling salita, may isang hanay na pagpapahalaga na bumabagtas sa makamundong hanay ng pagpapahalaga. Mayroong aniyang higit na mahalaga kaysa sa kalidad ng buhay materyal, at ang higit na mahalagang ito ay ang buhay espiritwal, ang buhay na higit pa sa kamatayang makamundo, ang buhay na walang hanggan.

Ito ang sinasaad ni Pablo sa ikalawang pagbasa. Tagubilin niya na lisanin natin ang buhay ng laman, upang makamit ang buhay ng Espiritu.

Mayroong higit pa sa kalidad ng buhay sa mundong ito. Ito ang pinanghahawakang mahalagang hanay ng pagpapahalaga ng Simbahan. Kapag sumang-ayon ang simbahan sa baluktot na pag-iisip ng mundo, wala nang magtataguyod ng buhay, at maraming iba pang mas masahol pang bagay ang susunod sa paglapastangan sa buhay na inosente. Pera na lamang at lujo ng tao, ang pansariling mga panuntunan na lamang ang masusunod.

Isa sa mga nagtapos sa unibersidad kamakailan sa Maynila ay isang babaeng dapat sana ay hindi nabuhay. Siya ang nagkamit ng magna cum laude sa grupo ng nagtapos. Payo noon ng mga duktor na tunawin na lamang siya sapagka’t malamang na siya ay hindi magiging normal. Nagdasal ang mga magulang niya. Nagmuni-muni, at nagdesisyon sa panig ng turo ng Diyos. Ang lahat ng nakikinig sa kanyang talumpati ay tigmak ang mukha sa luha habang siya ay nagsasalita. Tulad rin ito ng kwento ni Tim Tebow, isang tanyag na atleta sa America. Nang ipinaglilihi siya ng kanyang ina sa Pilipinas, payo rin ng duktor na siya ay wag nang payagang mabuhay. Hindi sumunod ang kanyang Ina na may takot sa Diyos. At alam natin ngayon kung ano ang narating ng dalawang ito.

Ang Diyos ay Diyos ng buhay. At hindi lamang buhay rito at ang kalidad nito ang kanyang pakay. “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay.”

Ang pangako ng mga nagsusulong ng reproductive health bill ay ito lamang …kalidad diumano ng buhay. Kaninong buhay? Kaninong kalidad? At sino ang mananagana rito?

Sa ganang akin, ito na lamang ang aking panghahawakan at paniniwalaan – ang pangako ng Diyos ng buhay. Ibubukas niya balang araw ang lahat ng puntod ng mga nangamatay. Ibabangon niyang muli ang mga nangamatay, at higit sa lahat, ibabalik Niya tayo sa tunan nating bayan, ang langit kung saan wala nang luha, walang nang paghihirap, wala nang pasakit, at wala nang kamatayan!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: