frchito

SALITA PARA TULUNGAN ANG MAHIHINA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Abril 15, 2011 at 10:03

Linggo ng Palaspas (A)
Abril 17, 2011

May kalabaw kami sa seminaryo noong araw, nang ako ay bagong pari na nagtuturo sa seminaryo. Medyo matigas ang ulo at suwail ang kalabaw na iyon. Ayaw magpasuga. At sa kanyang pagpupumiglas sa tali na nakakabit sa kanyang nguso, isang araw, napunit ang nguso niya. Naging malaya nga siya, pero duguan at maga ang nguso sa mahabang panahon.

Nabanggit ko ito sapagka’t kabaligtaran ito ng sinasaad sa pagbasa mula kay Isaias. Inilalarawan niya ang isang lalaking hindi kailanman nagpumiglas bagamat susun-susong pasakit ang sinapit niya sa mga tao.

Ito ang larawang nagbubukas sa pasimula ng mahal na araw sa Pilipinas … isang larawan na salungat sa binabanggit ng ebanghelyo tungkol sa maluwalhati niyang pagpasok sa Jerusalem. Papuri at paghanga ang dulot ng lahat nang siya ay dumating sa siyudad. Itinanghal siya bilang hari, na dumarating sa ngalan ng Panginoon!

Nguni’t kung gaano katindi ang papuri at paghanga ay ganoon rin naman kabilis ang pagbabago ng simoy ng hangin. Sa ikalawang bahagi ng pagdiriwang, matapos ang prusisyon ng palaspas, ay lumapat sa ating kamalayan ang katotohanan – ang haring itinatanghal natin ay isang abang tagapaglingkod na hahamakin at dudustain.

At salungat sa kalabaw na nagpupuyos ang damdamin at nagpupumiglas, ang Anak ng Tao ay nagpamalas ng kahinahunan, kababang-loob, at sukdulang pagtitiis.

Nagsimula sa araw na ito ang tila magkakasalungat na larawang sumasagi sa ating guni-guni sa buong linggo sa mahal na araw. Tagumpay at luwalhati … pagkagapi at pagka-api … pagiging manliligtas at hari kasama ng pagiging lingkod na aba at tila walang kaya at walang kapangyarihan. Itinanghal sa unang banda … dinusta at inalipusta sa kabilang banda.

Ito ang eskandalo na dulot ng pananampalatayang Kristiyano. Ito ang tila magkasalungat na drama na nabubuo unti-unti sa buong Linggong ito. At sa unang eksena pa lamang ay ipinamamalas na sa atin ng liturhiya kung ano ang buod ng lahat ng ito … tagumpay at luwalhati, oo … pero hindi tagumpay at luwalhati ayon sa pang-unawa ng mundo.

Mukhang talo ang simbahan sa maraming usapin. Sa panahon natin, di tulad noong araw, hindi na simbahan at mga sinakulo ang dinudumog ng tao sa mahal na araw. Kung hindi country club o beaches, o Baguio o Tagaytay ang pinupuntahan, ang marami ay nagpapakasasa sa Malls, sa sinehan, sa kainan …

Mukhang talo ang simbahan sa maraming bagay … karamihan ng Pinoy, dahil sa kawalang kaalaman, ay panig sa reproductive health bill. Ang naririnig lamang nila ay ang sabi ng gobyerno, at bahagi ng katotohanan ang kanilang nakikita.

Ang lahat ng ito ay nagbibigay na damdamin ng pagkagapi, kawalan ng pagpupunyagi, at paghulagpos ng pag-asa.

Alam ko ang sinasabi ko. Pati ako ay nadadala na rin ng kawalang pag-asa, sa isang bansang pinamumunuan ng mga makasariling taong walang ibang hanap kundi ang sariling bulsa. Alam ko ang sinasabi ko … isa ako sa mga nanghihinawa at nanghihina sapagka’t ang itinuturo namin sa paaralan ay nababaligtad at nababale-wala ng mga palabas sa telebisyon, ng mga artistang nahirati sa kulturang liberal ng America at ng ibang capitalistang bansa.

Talo ang Panginoon sa unang bugso ng dramang ito. Talo siya sa makasariling talino ni Judas. Naisahan siya at naipagpalit sa 30 pirasong pilak. Talo siya sa harap ng mga publikano at pariseo na nakagawa ng paraan upang maipako siya sa krus, salamat sa isang politikong ambisyoso at takot maisumbong sa imperador sa Roma. Talo ang Panginoon sapagkat namatay siya sa krus, isang kahiya-hiya, mapait, at masakit na pagkamatay na dapat ay para lamang sa mga kriminal na pinaka masahol.

Nguni’t ang dramang ito ng mahal na araw ay hindi nagtapos sa kalbaryo. Hindi rin ito nagtapos sa kanyang pagkalibing. May dakilang pangyayari na nagbaligtad sa lahat ng ito.

Sa araw na ito ng palaspas, ito ang pahiwatig ng simbahan … Tagumpay at luwalhati ang uuwian ng lahat ng ito. Tulad ng sinabi ni Propeta Isaias, ang Panginoon ay nagtuturo sa atin ng sasabihin para tulungan ang mahihina.

Lahat tayo ay nanghihina o nanghihinawa … hindi lamang sa linggo ng palaspas kundi sa araw-araw nating buhay. Lahat tayo ay tulad ng kalabaw naming suwail, makunat at makasalanan. Lahat tayo ay nawawalan ng pag-asa.

Nguni’t ang araw na ito ay ginawa ng Panginoon. Araw ng tagumpay at luwalhati … araw ng hilahil at pighati … Dalawang mukha ito ng iisang karanasan – ang buhay na walang hanggan, na makakamit lamang natin sa pamamagitan ng buhay sa lupang ibabaw, dito at ngayon, sa lupang bayang kahapis-hapis. Ang lahat ay may kahulugan; ang lahat ay may hantungan. At mientras naglalakbay tayo sa landas na ito ng ating kalbaryo, nagwiwika ang Panginoon sa atin ngayon, at nagkakaloob ng salitang makatutulong sa mga mahihinang tulad nating lahat!

Advertisement
  1. Sa storya ng kalabaw iba ang naging POV ko dun. Ihahalintulad ko siya sa mga revolutionaryo ng Katipunan na maging matigas ang ulo at pumiglas sa pang-aapi ng humihinang gobyerno ng Espanya. Di bale nang mapunit ang nguso at mamaga ito nang mahabang panahon basta maging malaya sa mga tao na kahit anong hirap ang daanin para sa kanila ay hindi magiiba ang pagtrato maliban sa isang kalabaw.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: