frchito

KAYAMANANG DI MASISIRA, DI KUKUPAS

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Abril 29, 2011 at 13:38

Ika-2 Linggo ng Pagkabuhay(A)
Mayo 1, 2011

Ang gaganda ng mga sapatos ngayon, lalu na ang mga noong araw ay tinatawag na “sapatos de goma.” Magaang, maganda ang hugis, makulay, iba-iba ang anyo at hugis, at lalung higit, pinatutunayan ng mga pinakatanyag na manlalaro sa buong mundo. Pati si Manny Pacquiao ay mayroong sariling linya ng sapatos sa Nike, tulad ni Jordan, na may sariling tatak na “Air Jordan.”

Napakagaganda rin ang mga iPods at mp3 players. Lahat ng produkto ng Apple ay hindi nagtatagal. Hindi mo pa man nagagamit nang lubos ang iyong nabiling iBook, Mac Book, o iPad, mayroon nang bagong labas na umaakit kaninuman upang iwaksi na ang luma, at kunin ang mas bago.

Ayaw natin ng luma … lumang pagkain, lumang damit, kupas na mga kasuotan, gasgas na mga sapin sa paa, at anuman. Ayaw natin ng datihan; at ang gusto natin ay lahat baguhan at hindi pa nagagamit ninuman. Sa Amerika, kung saan naroon ako sa panahong ito, tuwing “Black Friday” sa araw matapos ang Thanksgiving Day, libo-libo sa buong Amerika ang nagpupuyat, nag-aabang, at nag-uunahan makabili lamang ng pinakabagong abubot na elektronika, pinakabagong Sony Play station, o pinakabagong plasma TV, at marami pang iba.

Pagbabago … panibagong buhay … bagong sibol at bagong simula ang hanap ng lahat.

Subali’t alam natin ang kalalagayan at katatayuan ng anumang nilikha ng tao … naluluma, nalalaos, kumukupas, at lumilipas!

Hindi ko malimutan ang una kong mamahaling pares ng sapatos de goma, maraming taon na ang nakararaan. Bigay at padala ng kapatid ko mula Amerika. Alagang-alaga ko ang sapatos na yaon. Minsan-minsan ko lang ginamit upang mapatagal, upang hindi madumihan, at hindi maluma agad. Sa aking pagsisinop, mas matagal ang panahong nakatabi sa kabinet ang pares. Isang araw, ginamit ko iyon, at habang naglalakad, napansin kong may kakaibang pakiramdam sa paa ko … Parang hindi pantay ang aking lakad. At nang makita ko ang pinakamamahal kong sapatos, nalagas palang parang pulbos ang swelas ng sapatos sa kanang paa. Nalusaw ang swelas at naglaho na lamang at sukat! Sa gitna ng isang nakahihiyang pangyayari, isang palaisipan ang nanatili sa akin … May hangganan at wakas ang lahat, at kapag nawala na ito, wala akong angking kapangyarihan upang pagpanibaguhin ang isang sapatos na biglang naging luma, naging walang silbi, walang halaga.

Ganito ang naganap nang tayo ay magkasala … Naglaho ang buhay maka-Diyos natin, naglaho ang buhay ng grasya at namatay ang kaluluwa sa kasalanan. Nawala ang karapatan natin upang makapiling ang Diyos. Nawala tayo sa hanay ng mga banal. Nasadlak tayo sa kadiliman. Nawala ang buhay maka-Diyos na sa mula’t mula pa ay nakalaan para sa atin.

Subali’t ang daang tinahak ng Panginoon ay naging simula ng isang bagong liwanag, isang bagong pangako, isang muling panimula, at isang panibagong buhay. Naganap ito nang Siya na sumuong sa kamatayan para sa atin ay muling nabuhay. Sa kanyang pagtatagumpay, nabago nang ganap ang takbo ng buhay ng tao. Sa kanyang pagbangon mula sa kamatayan, nagkamit tayo ng isang pangakong hindi kailanman magagapi ng anumang kapangyarihan sa daigdig. Sabi ni San Pedro, “tayo’y isinilang sa isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesukristo.”

Sa pagiging taga-sunod ni Kristo, mabubulok at mabubulok pa rin ang sapatos natin, ang gamit natin. Kukupas, maluluma, at mawawala ang lahat ng mga ginawa nating material. Pati ang katawang-lupa natin ay maglalaho at mamamatay. Kahit bumili tayo ng bagong iPod, sa susunod na anim na buwan ay luma na rin, sapagka’t may bago na namang lalabas paglaon.

Nguni’t ang pagkaluma ng lahat ng ito ay isang pahiwatig, isang paalaala sa atin na may higit na pagbabago na dapat nating asamin at pagsikapang kamtin … ang dakilang pagbabagong dulot ng muling pagkabuhay ng Panginoon.

May bagong darating … May dakilang pagbabagong naghihintay sa atin … isang panibagong buhay na kaakibat ng bagong buhay ni Kristo … Si Pedro na ang nagsasabi sa atin: “Ang bagong buhay na iyan ang nagbibigay sa atin ng malaking pag-asa na kakamtan natin ang isang kayamanang walang kapintasan, di masisira, at di-kukupas. Ang kayamanang iya’y nakalaan sa inyo doon sa langit.”

Ano pa ang hahanapin natin? Masisiyahan na lang ba tayo sa bagong bagay na makamundo, na bukas at makalawa ay luma na rin? Masisiyahan ba tayo sa isang bagay na pinakamahalaga ngayon, nguni’t bukas at makalawa ay luma na, kupas na, at lipas na?

Iisa lamang ang tunay na pagbabagong minimithi ng lahat – ang bagong buhay natin kay Kristong ating Panginoon!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: