frchito

Archive for Abril, 2011|Monthly archive page

SALITA PARA TULUNGAN ANG MAHIHINA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Abril 15, 2011 at 10:03

Linggo ng Palaspas (A)
Abril 17, 2011

May kalabaw kami sa seminaryo noong araw, nang ako ay bagong pari na nagtuturo sa seminaryo. Medyo matigas ang ulo at suwail ang kalabaw na iyon. Ayaw magpasuga. At sa kanyang pagpupumiglas sa tali na nakakabit sa kanyang nguso, isang araw, napunit ang nguso niya. Naging malaya nga siya, pero duguan at maga ang nguso sa mahabang panahon.

Nabanggit ko ito sapagka’t kabaligtaran ito ng sinasaad sa pagbasa mula kay Isaias. Inilalarawan niya ang isang lalaking hindi kailanman nagpumiglas bagamat susun-susong pasakit ang sinapit niya sa mga tao.

Ito ang larawang nagbubukas sa pasimula ng mahal na araw sa Pilipinas … isang larawan na salungat sa binabanggit ng ebanghelyo tungkol sa maluwalhati niyang pagpasok sa Jerusalem. Papuri at paghanga ang dulot ng lahat nang siya ay dumating sa siyudad. Itinanghal siya bilang hari, na dumarating sa ngalan ng Panginoon!

Nguni’t kung gaano katindi ang papuri at paghanga ay ganoon rin naman kabilis ang pagbabago ng simoy ng hangin. Sa ikalawang bahagi ng pagdiriwang, matapos ang prusisyon ng palaspas, ay lumapat sa ating kamalayan ang katotohanan – ang haring itinatanghal natin ay isang abang tagapaglingkod na hahamakin at dudustain.

At salungat sa kalabaw na nagpupuyos ang damdamin at nagpupumiglas, ang Anak ng Tao ay nagpamalas ng kahinahunan, kababang-loob, at sukdulang pagtitiis.

Nagsimula sa araw na ito ang tila magkakasalungat na larawang sumasagi sa ating guni-guni sa buong linggo sa mahal na araw. Tagumpay at luwalhati … pagkagapi at pagka-api … pagiging manliligtas at hari kasama ng pagiging lingkod na aba at tila walang kaya at walang kapangyarihan. Itinanghal sa unang banda … dinusta at inalipusta sa kabilang banda.

Ito ang eskandalo na dulot ng pananampalatayang Kristiyano. Ito ang tila magkasalungat na drama na nabubuo unti-unti sa buong Linggong ito. At sa unang eksena pa lamang ay ipinamamalas na sa atin ng liturhiya kung ano ang buod ng lahat ng ito … tagumpay at luwalhati, oo … pero hindi tagumpay at luwalhati ayon sa pang-unawa ng mundo.

Mukhang talo ang simbahan sa maraming usapin. Sa panahon natin, di tulad noong araw, hindi na simbahan at mga sinakulo ang dinudumog ng tao sa mahal na araw. Kung hindi country club o beaches, o Baguio o Tagaytay ang pinupuntahan, ang marami ay nagpapakasasa sa Malls, sa sinehan, sa kainan …

Mukhang talo ang simbahan sa maraming bagay … karamihan ng Pinoy, dahil sa kawalang kaalaman, ay panig sa reproductive health bill. Ang naririnig lamang nila ay ang sabi ng gobyerno, at bahagi ng katotohanan ang kanilang nakikita.

Ang lahat ng ito ay nagbibigay na damdamin ng pagkagapi, kawalan ng pagpupunyagi, at paghulagpos ng pag-asa.

Alam ko ang sinasabi ko. Pati ako ay nadadala na rin ng kawalang pag-asa, sa isang bansang pinamumunuan ng mga makasariling taong walang ibang hanap kundi ang sariling bulsa. Alam ko ang sinasabi ko … isa ako sa mga nanghihinawa at nanghihina sapagka’t ang itinuturo namin sa paaralan ay nababaligtad at nababale-wala ng mga palabas sa telebisyon, ng mga artistang nahirati sa kulturang liberal ng America at ng ibang capitalistang bansa.

Talo ang Panginoon sa unang bugso ng dramang ito. Talo siya sa makasariling talino ni Judas. Naisahan siya at naipagpalit sa 30 pirasong pilak. Talo siya sa harap ng mga publikano at pariseo na nakagawa ng paraan upang maipako siya sa krus, salamat sa isang politikong ambisyoso at takot maisumbong sa imperador sa Roma. Talo ang Panginoon sapagkat namatay siya sa krus, isang kahiya-hiya, mapait, at masakit na pagkamatay na dapat ay para lamang sa mga kriminal na pinaka masahol.

Nguni’t ang dramang ito ng mahal na araw ay hindi nagtapos sa kalbaryo. Hindi rin ito nagtapos sa kanyang pagkalibing. May dakilang pangyayari na nagbaligtad sa lahat ng ito.

Sa araw na ito ng palaspas, ito ang pahiwatig ng simbahan … Tagumpay at luwalhati ang uuwian ng lahat ng ito. Tulad ng sinabi ni Propeta Isaias, ang Panginoon ay nagtuturo sa atin ng sasabihin para tulungan ang mahihina.

Lahat tayo ay nanghihina o nanghihinawa … hindi lamang sa linggo ng palaspas kundi sa araw-araw nating buhay. Lahat tayo ay tulad ng kalabaw naming suwail, makunat at makasalanan. Lahat tayo ay nawawalan ng pag-asa.

Nguni’t ang araw na ito ay ginawa ng Panginoon. Araw ng tagumpay at luwalhati … araw ng hilahil at pighati … Dalawang mukha ito ng iisang karanasan – ang buhay na walang hanggan, na makakamit lamang natin sa pamamagitan ng buhay sa lupang ibabaw, dito at ngayon, sa lupang bayang kahapis-hapis. Ang lahat ay may kahulugan; ang lahat ay may hantungan. At mientras naglalakbay tayo sa landas na ito ng ating kalbaryo, nagwiwika ang Panginoon sa atin ngayon, at nagkakaloob ng salitang makatutulong sa mga mahihinang tulad nating lahat!

IBUBUKAS, IBABANGON, IBABALIK!

In Homily in Tagalog, Kwaresma, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Abril 9, 2011 at 08:28

Ikalimang Linggo ng Kwaresma(A)
Abril 10, 2011

Mga Pagbasa: Ex 37:12-14 / Roma 8:8-11 / Juan 11:3-7.17.20-27.33-45

Pangako at pag-asa, paghamon, at pagkalinga ang ilang saloobing lumulutang sa mga pagbasa sa araw na ito.

Pangako … Ito ang bukambibig ni Ezekiel, ang propeta nang ang bayang hinirang ng Diyos ay napatapon sa lupaing banyaga. Malinaw ang kanyang pahatid mula sa Diyos: ibubukas muli aniya ang kanilang mga puntod, muli silang ibabangon, at, matapos hingahan ng panibagong espiritu mula sa Diyos, ay ibabalik sa kanilang naglahong lupain!

Sino ang hindi maaantig ang puso sa ganitong pangako? Sinong matigas ang puso’t kalooban na hindi matitinag sa pagkaka-upo sa ganitong mga pananalita? Sinong sobra ang tiwala sa sarili ang hindi na aasa at maghihintay sa katuparan ng ganitong pangako?

Ewan ko sa inyo, pero ako ay isa sa mga naghihintay, umaasa, nag-aasam!

Sobra na ang pagkabaon natin hindi lang sa materyal na kamatayan, kundi pati sa kultural at espiritwal na kamatayan. Labis-labis na ang susun-suson, sunod-sunod, at patong-patong na mga paghamak sa ating pananampalataya at sa kaukulang kalinangan na hatid ng pananampalatayang ito.

Maraming taon na ang nakaraan nang binigyang-pansin ni Beato Juan Pablo II ang kalalagayang ito ng sangkatauhan – ang paglaganap ng kultura ng kamatayan. Dama natin ito sa maraming giyerang nagaganap sa maraming lugar sa daigdig. Dama rin natin ito sa mga tikisang pagpatay ng mga kababayan ng mga pinunong nahirati sa kapangyarihan nang maraming dekada at ayaw nang bumaba sa posisyon. Kita rin natin ito sa mga tuluyang pagpapatayan ng mga magkatunggali sa politiko sa Pilipinas, lalu na sa Mindanao. Kita natin ito sa pagpapahalaga sa pera, at sa kita, kaysa sa pagpapahalaga sa dangal pati ng mga batang paslit na wala pang kamalay-malay. Dama natin ito sa mga palabas sa TV na nanlilibag sa mga bungal, matatanda, mahirap, at bobo, kumita lamang ng ilang libong piso sa isang taong walang sinusundang anumang hanay ng pagpapahalaga liban sa pera o sa tubo o kita.

Damang dama rin natin ito sa walang pakundangang pagsusulong ng isang kulturang pinaghihiwalay ang gawang pagtatalik mag-asawa sa tunay na layunin nito ayon sa turo ng Biblia at ng Simbahan. Kita natin ito sa kahandaang tunawin ang bata sa sinapupunan dahil sa kagustuhang makamit ang isang kalidad ng buhay na makatao diumano.

Damang-dama natin ito sa lahat ng mga saloobing ang pangunahing layunin ay bawasan ang mga tao sa mundo, at pigilan ang pagdami ng tao. Sa kanilang baluktot na pag-iisip, ang kahirapan diumano ay dahil sa sobrang dami ng tao sa mundo. Ngunit wala silang sinasabi tungkol sa tunay na dahilan ng kahirapan – ang malawakang korupsyon, ang pagkamakasarili, at kawalang kakayahang magbahagi sa iba ng yaman ng mundong kinakamal lamang ng kaunting pamilya sa Pilipinas at sa buong mundo.

Nguni’t ano ba ang paghamon at panawagan sa atin sa araw na ito.

Tunghayan natin ang ebanghelyo … ang pagbubuhay kay Lazaro. Malinaw ang tinutumbok ng lahat ng ito at simple lamang … Ang Diyos ay Diyos ng buhay. Ang Diyos ay nagtataguyod ng buhay. Ang Diyos ay nananawagan para sa buhay na higit sa buhay na makamundo.

Sa madaling salita, may isang hanay na pagpapahalaga na bumabagtas sa makamundong hanay ng pagpapahalaga. Mayroong aniyang higit na mahalaga kaysa sa kalidad ng buhay materyal, at ang higit na mahalagang ito ay ang buhay espiritwal, ang buhay na higit pa sa kamatayang makamundo, ang buhay na walang hanggan.

Ito ang sinasaad ni Pablo sa ikalawang pagbasa. Tagubilin niya na lisanin natin ang buhay ng laman, upang makamit ang buhay ng Espiritu.

Mayroong higit pa sa kalidad ng buhay sa mundong ito. Ito ang pinanghahawakang mahalagang hanay ng pagpapahalaga ng Simbahan. Kapag sumang-ayon ang simbahan sa baluktot na pag-iisip ng mundo, wala nang magtataguyod ng buhay, at maraming iba pang mas masahol pang bagay ang susunod sa paglapastangan sa buhay na inosente. Pera na lamang at lujo ng tao, ang pansariling mga panuntunan na lamang ang masusunod.

Isa sa mga nagtapos sa unibersidad kamakailan sa Maynila ay isang babaeng dapat sana ay hindi nabuhay. Siya ang nagkamit ng magna cum laude sa grupo ng nagtapos. Payo noon ng mga duktor na tunawin na lamang siya sapagka’t malamang na siya ay hindi magiging normal. Nagdasal ang mga magulang niya. Nagmuni-muni, at nagdesisyon sa panig ng turo ng Diyos. Ang lahat ng nakikinig sa kanyang talumpati ay tigmak ang mukha sa luha habang siya ay nagsasalita. Tulad rin ito ng kwento ni Tim Tebow, isang tanyag na atleta sa America. Nang ipinaglilihi siya ng kanyang ina sa Pilipinas, payo rin ng duktor na siya ay wag nang payagang mabuhay. Hindi sumunod ang kanyang Ina na may takot sa Diyos. At alam natin ngayon kung ano ang narating ng dalawang ito.

Ang Diyos ay Diyos ng buhay. At hindi lamang buhay rito at ang kalidad nito ang kanyang pakay. “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay.”

Ang pangako ng mga nagsusulong ng reproductive health bill ay ito lamang …kalidad diumano ng buhay. Kaninong buhay? Kaninong kalidad? At sino ang mananagana rito?

Sa ganang akin, ito na lamang ang aking panghahawakan at paniniwalaan – ang pangako ng Diyos ng buhay. Ibubukas niya balang araw ang lahat ng puntod ng mga nangamatay. Ibabangon niyang muli ang mga nangamatay, at higit sa lahat, ibabalik Niya tayo sa tunan nating bayan, ang langit kung saan wala nang luha, walang nang paghihirap, wala nang pasakit, at wala nang kamatayan!