frchito

GUNITAIN, AT GAWIN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Hunyo 25, 2011 at 10:19

KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO (A)
Hunyo 26, 2011

Isa sa mga kinahihibangan ko sa mga araw na ito, habang nasa Maynila at nagtuturo sa mga seminarista sa dalawang buwang bakasyon sa Guam, ay Facebook. Pero hindi basta Facebook, kundi facebook na kaugnay sa isang grupo ng mga kababayan ko sa Mendez, Cavite. Bagaman at kakaunting panahon ang aking itinigil ko sa bayang sinilangan, hindi ko maipagkakailang ang aking kamalayan, ang aking pag-iisip, at lahat ng kung sino ako, ay hinubog, nabuo, at nagkaroon ng kakanyahan kung saan ako nagmula.

Bilang isang terapista, bukod sa pagiging pari at guro ng teolohiya, isa sa pinaggugugulan ko ng panahon ay ang mawari kung ano ang nasa likod ng kung ano mang ginagawa ng karamihan, pati ako. At sa aking pagmumuni-muni, ay napagtanto ko kung ano ang isa sa mga marahil ay dahilan kung bakit kaming magkakababayan ay nagsasama-sama sa umpukan naming sa cyberspace, kahit na ang karamihan ay nasa iba-ibang sulok ng daigdig!

At ang buod ng lahat ng ito ay tila isang salita lamang … GUNITA … PAG-AALA-ALA … PAGBABALIK-TINGIN … PAGBABALING NG ISIPAN SA NAGDAAN! Nguni’t ito ay hindi lamang isang hungkag at walang lamang pagbabalik-isip. Ito ay puno ng isang masidhing kagustuhang maisagawa ang maraming mga bagay na kinatuwaang gawin noong nakaraan … tulad ng paglulupak, panghuhuli ng “tubi-tubi” (tutubi), at marami pang napakasimpleng mga gawaing nagdulot ng masidhing kagalakan sa aming mga bata noong araw.

GUNITAIN! Ito rin ang paksa ng mga pagbasa natin sa kapistahang ito ng Corpus Christi. Ito mismong kapistahang ito ay nagdudulot ng maraming maaaring gunitain … ang prusisyong ginagawa nuon kahit sa loob lamang ng simbahan kapag pista ng Corpus Christi … ang puno ng debosyong pagsisimba ng mga taong-bayan sa Misa Rezada at Misa Cantada tuwing Linggo ng umaga … ang mataginting na pag-awit ng mga himig Latin tuwing magmimisa si Fr. Santiago, o si Fr. Sugay, at ang iba pang naging Pari sa aming maliit na bayan, sa patnubay ng Patrong si San Agustin!

Gunitain! Ito ang payo ng Aklat ng Deuteronomio: “alalahanin ninyo kung paano niya kayo pinatnubayan!” Ang pusong walang binabalikan ay pusong walang pinasasalamatan. Ang taong walang nagugunitang kabutihan ay wala ring kakayahang magkaloob ng pasasalamat. Ang taong marunong lumingon sa pinanggalingan ay higit na may pagkakataong makararating sa patutunguhan!

Ito ang Eukaristiya! Ito ang buod ng Eukaristiya – pasasalamat at ang pasasalamat ay magaganap sa pamamagitan ng paggunita!

Tingnan natin kung ano ang dapat nating kilalanin upang mapagpasalamatan … “tinuruan tayong magpakumbaba …” “binigyan ng manna …” “nagpalaya mula sa pagka-alipin.”

Di ba’t kasaysayan nating lahat ito? Di ba’t tayong lahat ay naging bihag ng kasalanan, ng pagkamakasarili, ng kamangmangan at kawalang kaalaman? Di ba’t lahat tayo ay nagdaan sa kahinaan, sa kapayakan, sa kawalang kakayahan?

Ito ang hinihingi ng kapistahan ng Corpus Christi … ang paggunita at ang pagkilala. “Hindi ba’t ang pag-inom natin sa kalis ng pagpapala na ating ipinagpapapsalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Kristo?”

Nguni’t dito nagkakaiba ang paggunita na ginagawa naming sa facebook, at ang tunay nag paggunita na ginagawa ng Simbahan. Ang pagbabalik-isip na ginagawa naming sa facebook, ay dulot lamang ng isang pagnanasang balikan ang mga bagay na nagbigay sa amin noon ng kasiyahang makabata, kasiyahang hindi na puedeng mangyaring muli. Tanging gunita lamang at alaala ang puede naming ibalik, o balikan, o balik-isipin.

Sa Eukaristiya, ang paggunitang ginaganap ng Simbahan at ng mga mananampalataya ay hindi lamang pag-alala. Ito ay isang paggunitang nauuwi sa paggawa. Ito ay isang pagbabalik-isip na dapat at nagiging makatotohanan sa buhay natin ngayon at sa buhay na hinaharap at darating.

Ang Eukaristiya ay pasasalamat … pasasalamat sa nagdaan, pangkasalukuyan, at pang hinaharap. Ginugunita natin ang pagsilang ng Panginoon, ang kanyang pagpapakasakit at pagkamatay … ang pag-aalay ng sarili para sa ating kaligtasan. Ginugunita rin natin ang kasalukuyan nating pamumuhay na kaniig ang Diyos sa mga sakramento ng Simbahan. At higit sa lahat, ang isipan natin ay nakatuon sa darating na luwalhati at ganap na kaligtasang nakalaan sa atin, sa langit na tunay nating bayan!

Gaano ko man gustuhin, ay batid kong hindi ko na maibabalik ang simple at masayang pamumuhay noon sa aking bayan. Wala nang masyadong tubi-tubi ngayon. Wala nang masyadong kabute at mamarang (isang uri ng kabute). Wala nang mga prutas na dati-rati ay pinipitas lamang naming kahit saan. Wala na rin halos pati ang estilo ng aming pananalita na may puntong walang katulad sa Katagalugan, liban sa aming karatig bayan na Batangas. Marami na ang naglaho at hindi na maibabalik.

Nguni’t sa Eukaristiya, sa Banal na Katawan at Dugo ni Kristo, walang naglalaho … walang nababago … walang napapawi o nabubura … “Ang kumain ng aking katawan at uminon ng aking dugo ay magkakamit ng buhay na walang hanggan.” Si Kristo ay Diyos, kahapon, ngayon, at magpasawalang hanggan!

Ang hinihingi niya sa atin ngayon ay ito: GUNITAIN ang lahat ng kanyang biyayang ipinagkaloob … at GAWIN ang nilalaman ng ating ginugunita at pinagyayaman! “Ang sinumang kumain sa akin, ay mabubuhay ng dahil sa akin!”

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: