frchito

MAGALAK, MAMILI, AT MAMAHINGA!

In Homily in Tagalog, Sunday Reflections, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Hulyo 3, 2011 at 10:07

Ika-14 na Linggo ng Karaniwang Panahon (A)
Julio 3, 2011

MAGALAK, MAMILI, MAMAHINGA!

Kagalakan ang payo sa atin ni propeta Zacarias sa araw na ito. Kagalakan ito na may batayan sa katotohanang ang Mananakop ay darating, at maghahatid ng kapayapaan, sa diwa ng kababaang-loob at hindi sa karahasan.

Dalawa namang patakaran o kalakaran ang inihahain sa atin ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: ang batas ng laman, at ang batas ng Espiritu. Ang kagalakang payo ni Zacarias ay makukuha natin sa wastong pagpili: ang pagsunod sa batas ng laman o ang pagtalima sa batas ng Espiritu.

Diwa naman ang kapayapaan at malayang pagtanggap ng anumang pasanin ang pahatid sa atin ng Ebanghelyo … ang paanyaya ng Panginoon ay ang mamahinga tayo sa kanya, sa kabila ng mga pasanin, pahirap, at mga iba-ibang uri ng hilahil na pinapangko ng marami sa atin, kundi lahat sa atin.

Magtatapat ako sa inyo … Bilang isang guro, edukador, pari at predikador, counselor at therapist, at isang tagapagturo sa mga nagpapari, di miminsan akong pinagdadaanan ng panghihinawa, pagkalungkot, at pagpanaw kung minsan ng pag-asa. Mahirap ang magdiwang at magsaya, habang alam mong ang bayan ay patuloy na humihirap, habang batid mong ang mga namumuno ay walang pinagkaiba sa dati sa paghahanap ng masisisi sa naunang pamunuan, at walang patid na pagyurak sa katotohanang moral na nagaganap sa ating lipunan.

Bago ko ipaliwanag ito, isa munang paumanhin. Ngayon lamang ako nagkaroon ng oras upang ito ay sulatin. Buong linggo akong wala sa aking opisina. Nasa Davao ako noong nagkaroon ng baha ruon at mahigit 20 ang namatay. Nasa bundok Gulugud Baboy naman ako ng dalawang araw na lumipas hanggang kahapon, sa Mabini, Batangas, kasama ng dati kong mga estudyanteng nagsikap maghanap ng pagkakaton upang ako ay masakasama sa isang trek na hindi gaanong mahirap para sa aking hindi na bata at hindi na bihasa sa mahabaan at matagalang mga pag-akyat sa kabundukan.

Mahirap ngayon ang maging pari, at mahirap maging katoliko. Halos lahat yata ng nagaganap ngayon ay parang tinatamaan ang katoliko, ang simbahang aking kinagisnan. Nuong kasagsagan ng diskusyon sa RH Bill, kataka-takang sunud-sunod ang mga fetus na itinatapon sa mga tanyag na simbahan. At bago ang talumpati ng presidente sa isang taon ng kanyang pagkahawak ng kapangyarihan, matunog na balita ang lumitaw tungkol sa pitong obispo diumano na tumanggap ng Pajero mula sa PCSO. Hindi pa man napatutunayan ang totoo, naunahan na ng balita ang katotohanan, at nagawa na ang danyos sa simbahan. Nakapagtatakang isipin na sa kabila ng mga pahayag ng mga obispo, mahigit kalahati na ng bayang Pilipino ay pumiling maniwala sa sinasabi ng mass media, sa propaganda ng mga taong may isinusulong na agenda.

Marami pang dahilan ang manghinawa … ang patuloy na pagbabago ng takbo ng panahon at klima, ang walang ampat na korupsyon sa lahat ng antas ng lipunan, sa kabila ng ipinagmamakaingay na “matuwid na daan” … ang walang patid na pagsasademonyo ng nakaraang administrasyon, na para bagang ang paglalahad ng bagay na alam na ng karamihan, ay makatutulong sa pag-angat ng antas ng pamumuhay ng Pilipinong laging naghihirap.

Maraming dahilan upang mawalan ng pag-asa … ang patuloy na pagkasira ng kalikasan, ang patuloy na panlilimas pati ng mga tuko upang magkapera lamang, o ang panlilimas ng mga corrals sa ating mga karagatan… ang patuloy na pambabraso ng China at ang pag-angkin nila sa mga islang pinagbabangayan pa rin ng ilang mga bansa.

Subali’t bilang Pari, tungkulin kong bigyang diin ang Magandang Balita ng kaligtasan. Nguni’t ang magandang balita ay hindi lamang puro pangako, at panay salita. Ito ay sinasaliwan dapat ng gawa ng bawa’t isa sa atin.

Dito ngayon papasok ang payo ni San Pablo sa ikalwang pagbasa – ang mamili tayo na mabilang, hindi sa mga sumusunod sa batas ng laman, kundi sa mga sumusunod sa batas ng espiritu. Ang pagsunod sa batas ng laman ay ang paninising walang patid, ang pagsunod lamang sa mga survey at ang paggamit ng mga tinatawag na mga “half truths” upang magulantang ang bayan at mamuhi sa simbahan. Half truth and balitang tumanggang ang pitong obispo ng pajero. Ang hindi nila sinasabi ay kung para saan iyon, at kung sino pang iba ibang religious groups ang tumanggap rin, upang tulong sa pagtulong sa mga maysakit at mahihirap. Ngunit sapagka’t nabalita na sa mga TV at radyo at pahayagan, naging totoo na ang isang kalahating katotohanan, at nauwi na sa pagkamuhi sa mga obispo at mga pari.

Magdiwang! Ito ang payo ni Zacarias. Mamili nang wasto! Ito naman ang payo ni San Pablo. Sumunod sa batas ng Espiritu, na naghahatid sa buhay.

Mamahinga sa akin! Ito naman ang pangako ni Kristong Panginoon. Ano ba ito? Ito ang kabatirang ang tagumpay ay nasa panig ng Diyos. HIndi kailanman magagapi ang simbahan sa anumang kapangyarihang nagpapahirap dito. Hindi kailanman magagapi ng pintuan ng impiyerno ang muog ng Simbahang itinatag ng Diyos.

Pag-asa ang bunga ng lahat ng ito. Pag-asa, sa kabila ang kawalang kakayahan natin kung minsan na magdiwang at magsaya, tulad sa panahon natin ngayon. Ito ang pangako ng Diyos. Ito ang katotohanang unti-unting nagaganap sa puso at isipan ng mga sumusunod sa batas ng Espiritu. Ito ang batas na naghahatid sa buhay na ganap, buhay na kaaya-aya, at buhay na ayon sa balakin at panagimpan ng Diyos para sa mga nagmamahal at tumatalima sa kanyang kalooban!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: