Ika-16 na Linggo ng Taon (A)
Julio 17, 2011
SA ILALIM NG KANYANG PANGANGALAGA!
Mahirap ngayon ang manindigan sa katotohanan … mahirap ang tumayo para sa kapakanang pangkalahatan, kung ang kultura ng nakararami ay kultura ng pansariling pagpapasya ng kung ano ang totoo.
Nagulantang na namang muli ang simpleng pananampalataya ng marami sa Simbahan. Gumising na lamang ang bayan sa malaking ingay na idinulot ng isang malaking balita na kalahati ay totoo at ang kalahati ay kasinungalingan – ang balitang may kinalaman sa “pajero” para sa pitong obispo na galing daw sa PCSO. Ang totoo: may pondong galing sa PCSO na ibinigay sa mga programa para sa mahihirap ng ilang mga diyosesis. Bahagi ng totoong ito na ito ay dati nang ginagawa sa ilalim ng mga nakaraang administrasyon, sapagka’t ang Simbahan, antemano, ay kapartner ng gobyerno sa pagtulong sa mga mahihirap. Ang totoo: sumulat nga ang isang obispo sa dating presidente na humihingi ng isang sasakyan para magamit sa malawak niyang sinasakupan.
Ang kasinungalingan: Pajero … ni isa sa kanila ay walang hiningi at walang naibigay na Pajero. Kasinungalingan: ang mga obispo ay gumawa ng isang bagay na ilegal dahil tumanggap sila ng tulong sa PCSO. And totoo ay dati na itong ginagawa. Kung may ilegal man, ang gumawa ng ilegal ay ang nag-alok, at nagbigay ng tulong na ito na sa katunayan ay gobyerno naman dapat ang gumagawa.
Nguni’t sa mundong ito na nabaliktad na ang wasto at naging mali, at ang mali ay nagiging tama, ang sinabing pakagat ng PR man ay siyang kumapit sa kamalayan ng nakararaming tao sa Pilipinas. Matapos dikdikin ng media ng maraming araw ang isyu tungkol sa Pajero, galing sa isang kasinungalingan ng namumuno sa PCSO, kumapit ang kasinungalingan, at natakpan ang higit na mahahalagang usapin tungkol sa pamemera ng PCSO at ang paggamit nito.
Napako sa krus ng bintang at pasaring ang mga obispo. Ang mga dati nang namumuhi sa simbahan ay nagkaroon ng dagdag na pasabog laban sa Kanya, at ang dati nang naniniwala sa katotohanang ang simbahan ay isang lupaing puno ng trigo at puno rin ng damong mapanira ay nasaktan, nadismaya, at nalungkot.
Nasugatan na namang muli ang katawang mistiko ni Kristo.
Sa pananaw ng mga pagbasa ngayon, ano ba ang totoong dapat nating bigyang-pansin? Una … puno ng kabanalan ang simbahan. Sa kabila ng pasabog ng media, sa kabila ng pagkamuhi ng ilan sa mga makapangyarihang tao, bagaman at hindi nababalita, tuloy ang trabaho ng mga taong simbahan para sa kapakanang pangkalahatan. Tuloy ang kanilang pagtulong sa mga pinakamahirap. Tuloy ang kababaang loob nilang paglilingkod, at pagtupad sa isinumpa nilang tungkulin noong sila ay inordenahan. Tuloy ang mababang loob na pagtuturo ng katotohanang moral ng mga dedikadong mga pari at madre at laiko na nagkaloob ng kanilang buhay para sa ikalalaganap ng paghahari ng Diyos. Sa kabila ng katotohanang mayroong mga pari at obispong hindi kagalang-galang, totoo pa ring mas marami ang mababa ang loob at walang kibong nagpapatuloy ng paglilingkod at totoo ring marami sa kanila ang gumagawa ng lahat ng ito hindi sapagkat naghahanap sila ng ganancia at pagpapasasa sa sarili.
Ngunit alam rin natin na naglipana ang mga diumano ay katoliko na namimili ng kung ano ang gusto lamang nilang paniwalaan. Alam rin natin na ang 6.9 milyong pisong halaga ng mga sasakyang nabanggit (na wala isa mang Pajero), ay kulang sa ginastos nila para sa PR practitioner upang magpasabog ng isang balitang patok na patok sa isang bayang nahirati na sa sensationalismo, at kulturang nagpapasabog ng balita, ngunit nagtatama nito kung sila ay napatunayang nagkamali.
Alam rin natin na kay raming mga patunay na ang balag ng korupsyon ay kalat sa lahat ng antas ng lipunan, ma pribado man o publiko. Alam ng lahat na nagkakawala ang mga pondo ng bayan, nguni’t wala isa man sa mga naglustay nito ang nakatatanda kung saan napunta ang pera. At alam rin natin kung paano ang bawat isa sa kanila ay biglang nagkakaroon ng kung ano anong karamdaman, at patuloy na nagpapahayag ng kanilang kawalang kaalaman sa mga pangyayari. Kamukat-mukatan natin ay ang perang naglaho ay pawang nasa alapaap na.
At dahil sa 6.9 milyon, napako sa krus ang mga obispong nagpapagal sa kani-kanilang mga diyosesis, na gumagawa ng mga bagay na gobyerno dapat ang gumagawa, bilang kanilang kontribusyon sa kapakanan ng mga mahihirap sa kanilang diyosesis.
Matindi ang laban sa panahong ito. Mahirap ngayon ang maging pari, lalu na’t ang mga ito ay sinasabuyan ng mga pasaring tungkol sa sasakyang SA-PARI at MITSUBISHOP. Ang kasinungalingang malimit naulit ay naging totoo. At wala isa man ang umamin kung sino ang nagsimula rito.
Ito ang para sa atin mga kapatid na Katoliko … Ang magandang balita para sa buhay natin ngayon. Ang simbahan ay tulad ng isang parang na tinamnan ng mabubuting binhi. Ngunit sa gabi ang kalaban ay nagpunla rin ng dawag at masamang damo. Ang Simbahan ay isang pamayanang binubuo ng banal at baluktot, mga taong tapat at mga taong pasaway, mga nilalang na naghahanap ng kabutihan at kagalingan ng kapwa, at mga kaluluwang walang ibang balak kundi ang magsamantala, at magpakasasa.
Ang dalawang mukhang ito ay nasa ating lahat. Lahat tayo ay makasalanan, bahagi ng tinawag ni San Agustin na massa damnata, ngunit tinatawagan ng Diyos sa kabanalan at kaganapan ng buhay kapiling NIya.
Mahirap maging pari ngayon… mahirap maging katoliko …. Ngunit sa pagtingin natin sa mahabang kasaysayan ng simbahan, wala sinuman sa nagsikap magapi at sumira sa Kanya ang nagtagumpay, sapagkat ang Simbahang tatag ng Panginoon ay nakasandig sa bato at muog ng katotohanan ng Diyos.
Hindi pa tapos ang Diyos sa paghubog sa Simbahang ito na patuloy pa rin niyang ginaganap, ginagabayan, hinuhubog at nilililok niya ayon sa kanyang balak. Nadismaya man tayo at nasugatan sa ating pananampalataya, hindi tayo nagagapi at nawawalan ng pag-asa, sa kabila ng mga palpak na nagawa ng ilan sa mga namumuno sa atin, mga pagkakamaling pinasabog, pinalaki, at pinalala ng mga tampalasan at mapanlinlang na mga kawani ng media at kawani ng gobyernong mayroon rin palang itinatagong kabulukan. Sa kabila ng lahat, patuloy pa rin tayong nasa ilalim ng Kanyang pangangalaga.
Poon, ikaw ay mabuti sa lahat ng nagsisisi! Patawarin mo kaming lahat.
Talamban, Cebu City
Philippines
July 16, 2011 5AM