frchito

PANUNTUNAN AYON SA KAHALAGAHAN

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon A on Setyembre 27, 2011 at 09:18

Ika-27 Linggo ng Taon(A)
Oktubre 2, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 5:1-7 / Fil 4:6-9 / Mt 21:33-43

Nakatutuwang tingnan ang mga sinasakang tunay na pinahahalagahan ng nagsasaka. Nakikita natin ito sa sarili nating bayan – mga palayang pinaghati-hati at pinaghanay-hanay, na pinagbubukud-bukod ng mga pilapil, mga tanimang sa biglang-tingin ay tila mga naggagandahang mga hanay ng mga pananim na parang isang kathang guhit na kumikinang sa pagsikat ng araw; mga taniman ng kape sa Cavite na sinusuyod araw-araw, at mga puno ng kapeng sinusuluyan rin at pinananatiling malinis tuwina.

Nakita ko ito sa ubasan sa Chateauneuf du Pape noong nakaraang dalawang Linggo, sa timog silangang Francia, sa rehiyon ng Rhone. Nakita ko rin ito sa Japon, sa Pampanga, sa rice terraces sa Ifugao, at sa maraming pang ibang lugar.

Kapag mahal mo ang iyong taniman, ito ay pinangangalagaan, pinagkakaabalahan. Di ba’t ito rin ang sinasaad sa pagbasa mula kay Isaias at sa ebanghelyo sa araw na ito? Para kay Isaias, ang ubasan ng Diyos ay itinuturing na kasintahan na lubhang sinisinta at inaaruga. Para sa ebanghelyo, ang ubasan ng Diyos ay lubha ring pinaggugugulan ng panahon, binakuran, ginawaan ng pisaan ng ubas, at pinagtayuan ng isang tore …

Malinaw pa sa araw ang katotohanang tinutumbok nito … ang minamahal mo ay inaaruga, inaalagaan, at pinag-uukulan ng lahat ng makakaya.

Gusto kong isipin na isa sa mga aral ng mga pagbasa ngayon ay walang iba kundi ito … mahal tayo bilang ubasan ng Panginoon, at sapagka’t tayo ay kanyang sinisinta, tayo ay kanyang inaaruga ang pinagmamalasakitan.

Kasama sa aming pagbisita sa Chateauneuf du Pape ang pagtikim sa kanilang alak mula sa ubas. Mula sa mga ubasang pinagmalasakitan, ipinatikim nila sa amin ang alak na kanila ring ipinagmamakaingay at pinahahalagahan. Ang bunga ng pag-aaruga ay kagandahan at kainaman. Ang alak na pinagpagalan ay alak na nagdudulot ng kagalakan. Bagaman at hindi ako eksperto sa alak (vino), masasabi kong ang aming natikman ay hindi basta-basta lamang, hindi katulad ng nabibili sa mga pangkaraniwang tindahan lamang.

Iba talaga kapag ang isang bagay ay pinaggugulan ng panahon, at pinag-ukulan ng kaukulang pagmamalasakit.

Masasabi nating ang pinagkaabalahan ay siyang nagdulot ng karampatang bunga ng kagalakan.

Karapat-dapat lamang, ika nga, na ang nagpagal at nagmalasakit ay tumanggap ng angkop na konsuelo o bunga mula sa kanyang pinagpaguran.

Malaki ang kinalaman ng aral na ito sa ating buhay. Marami tayong pinagkakaabalahan sa panahon natin. Nauubos ang oras natin maghapon sa social networking sites, sa facebook, (ngayon, sa Google Plus), sa Twitter, at marami pang iba. Kay rami nating pinaggugugulan ng panahon at lakas. Punong-puno ang buong araw natin sa susun-suson at patung-patong na mga bagay, na pagdating ng gabi, ay wala tayong maipakikitang bunga o kinahinatnan. Sa dami ng iba-ibang bagay na pinagpagalan, wala tayong masasabing isang mahalagang bagay na nagbunga ng karapat-dapat, sapagkat ang bawa’t minuto ay nasayang sa napakaraming mga maliliit na bagay na walang kapararakan.

Minsan na naman tayong pinaaalalahanan. Sa dinami-dami ng mga bagay at katotohanan sa paligid natin, kailangan natin na tukuyin kung alin ang tunay na mahalaga, alin ang ubasan na dapat paggugulan ng panahon at lakas, alin ang taniman na dapat nating pag-ukulan ng lahat at buo nating makakaya.

May mungkahi ang mga pagbasa sa araw na ito … ang ubasan na dapat nating pagpagalan at pagdulutan ng buo nating makakaya – ang ubasan ng Diyos, ang ubasan ng bahay ng Israel, ang pananampalatay natin, ang pagkabilang natin sa Inang Santa Iglesya, ang pagiging Katoliko natin.

Marami at sari-sari ang nagsisikap maglihis ng ating paningin at humila sa hanay ng ating pagpapahalaga. Nandyan ang computer, ang internet, ang mga teleseryes sa TV, ang facebook at twitter. Nakabibiglang mabatid na may mga kabataang halos maghapon at magdamag ay nauubos ang lahat ng oras sa internet o sa walang katapusang entertainment. Wala nang nagbabasa, at wala nang nag-aaral tulad noong araw na wala pang internet.

May mungkahing malinaw si San Pablo para sa atin … ano ba ang dapat nating bigyang-pansin? Ano ba ang dapat nating pag-ukulan ng atensyon? “dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig at kagalang-galang.”

Ito ang mga panuntunan na naaayon sa kahalagahan … mga tuntuning kaakibat ng kung ano ang ating pinagmamalasakitan!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: