Ika-28 Linggo ng Taon (A)
Oktubre 9, 2011
Mga Pagbasa: Isa 25:6-10 / Fil 4:12-14. 19-20 / Mt 22:1-14
Malapit sa puso nating lahat ang sinasaad ng mga pagbasa ngayon. Ang mga larawang ginamit ni propeta Isaias, ang mga maramdaming pananalita ni San Pablo at ang tigib ng sagisag na laman ng talinghaga sa ebanghelyo – ang lahat ay tumutuon sa isang tadhanang naghihintay para sa ating lahat.
Nagulantang ang buong mundo sa pagpanaw ni Steve Jobs. Ang isa sa mga pinakamayamang nilalang sa buong mundo na nakarating sa rurok ng tagumpay at sa kailaliman ng pagkabigo ay walang nagawa sa harap ng sakit na walang sinasamba at walang makahahadlang.
Tulad ni San Pablo, batid niya kung paano ang maghikahos at paano ang managana. Isinilang siyang hindi kinilala ng sariling magulang. Ipina-ampon at hindi kailanman inangkin ng sariling ama.
Nguni’t bagaman at siya ay hindi isang kristiyano, mayroong mga ginintuang aral siya para sa atin lahat. At ang pinakamahalaga rito ay ang malugod at maluwag na pagtanggap pati sa mga bagay na hindi katanggap-tanggap, tulad ng kamatayan. Sa kanyang talumpati sa Stanford noong 2005, hindi siya nangiming aminin na ang kabatirang siya ay mamamatay balang araw, ang siyang nagtulak sa kanya upang gumawa ng bagay na dakila, na ang ibig sabihin ay mahalin kung ano man ang kanyang ginagawa.
Sa kabila nito, hindi siya nag-atubiling gawin ang sininta ng kanyang puso, at pagsikapan ang kanyang minimithi.
Ayon kay Ronald Rolheiser, lahat ng tao ay may pangarap, may nasa, may panagimpan. Lahat tayo ay nag-aasam … ng ginhawa, ng karampatang yaman, ng isang magandang buhay, ng isang magandang kinabukasan. Ngunit sa likod ng lahat ng ating pag-aasam, ay ang dakilang nating pagnanasa at paghahanap para sa Diyos. Sa likod ng lahat ng ating naisin ay ang marubdob na pag-aasam natin sa Diyos.
Nguni’t kung ang pinakaaasam at ang pinakahinahanap natin ay ang Diyos, iisa ang ibig sabihin nito … na ang lahat ng bagay ay pumapangalawa lamang sa Kaniya! … na ang lahat ng anumang bagay ay hindi makapapantay sa Kaniya, at walang hihigit pa sa Diyos bilang katuparan ng lahat ng ating pangarap!
Dito pumamapasok ang halimbawa ni San Pablo. Matalino, maraming alam gawin, isang Romano, isang Judio, na kayang buhayin ang sarili … ito si San Pablo. Nakaranas siya ng kasaganaan. Nakaranas siya ng matinding kahirapan. Nguni’t sa kabila ng lahat ng ito ay namaulo at naghari ang pinakamahalaga niyang pangarap. Ito ang isinasagisag ng mga larawang dulot sa panulat ni Propeta Isaias – “isang piging para sa lahat na ang handa’y masasarap na pagkain at inumin.”
Ito ang larawan ng kung ano ang inaasam natin. Ang kasukdulan ng lahat ng ito ay ang pananatili sa piling ng Diyos, na siyang buong katiyakan nating inilahad matapos ang unang pagbasa: “Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong Mahal.”
Naunawaan ni Steve Jobs ito kahit hindi siya kristiano. Naunawaan niya na sa kabila ng kanyang yaman ay may hangganan ang lahat, may katapusan. Ito rin ang naunawaan nang lubos ni San Pablo – ang kakayahang pahalagahan ang dalawang bagay – ang paghihikahos at ang pananagana.
Sa huling hantong, hindi mahalaga kung ikaw ay hikahos sa makamundong bagay o nananagana sa material na yaman. Ang mahalaga ay mayroon tayong pinaninindigang pangarap, pangarap na bumabagtas sa makamundong karangyaan o yamang material.
Ang piging ay nakahanda na. Ang langit na buod at dulo at rurok ng panagimpan natin bilang kristiyano ay naghihintay para sa atin. Inaanyayahan ang lahat. Kumbidado ang tanan.
Subali’t kung ito ang ating pangarap at asam, ay mayroon tayong dapat gawin. Libre ang mangarap pero hindi libre ang bunga ng pangarap. May halaga ang lahat. May kabayaran ang lahat. At ang kabayaran nito ang siya natin dapat pag-ukulan ng pansin, ayon sa talinghaga sa ebanghelyo ni Mateo.
Naghanda ang Ama ng dakilang piging. Handa ba tayong magbayad ng angkop na halaga para makapasok at mapabilang? Dito makikita ang tunay … Dito mamamalas ang kaibahan at pagitan sa dalawang bagay: paghihikahos o pananagana!
Nasa atin ang pagpapasya. Nasa atin ang pamimili. At hindi Niya tayo bibiguin …
“Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal!”