frchito

BUO. GANAP. WALANG PAGTANGGI. WALANG PAGTATANGI. PAG-IBIG!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon A on Oktubre 17, 2011 at 13:45

Ika-30 Linggo ng Taon (A)
Oktubre 23, 2011

Mga Pagbasa: Exodo 22:20-26 / 1 Tes 1:5-10 / Mt 22:34-40

Natural at normal para sa atin ang makihalubilo sa taong kinasanayan na natin … mga taong kilala natin at kapalagayang-loob natin. Madaling mahalin ang kasa-kasama na natin at kabatak o “kakosa” natin sa maraming bagay. Madaling pagmalasakitan ang mga nakikita natin at nakakasama sa kasalukuyang panahon. Subali’t mahirap mahalin ang malayo sa atin … ang hindi natin nakikita o nakakasama … Mahirap magsabing mahal natin ang taong nakatira sa kabilang panig ng mundo, sa lugar na hindi natin kailanman mararating kundi sa panaginip lamang.

Natural at normal din ang magmahal sa sarili. Madaling mahalin ang sarili at unahin ang sarili. Sa isang banda, nararapat lamang, yamang ang sarili natin ang “pinakamalapit” sa atin. Dala-dala natin tuwina ang sarili natin. Kahit saan tayo pumunta at ano man ang gawin natin, ay “kasama” natin ang sarili.

Hindi kataka-taka na ang utos ng Diyos ay nakabatay sa pagmamahal sa sarili: “Ibigin mo ang kapwa tulad ng pagmamahal sa sarili.”

Himayin natin ito nang kaunti. Una, ang pagmamahal ay nagmumula sa sarili.
Di ba kasabihan sa Ingles, “charity begins at home.” Nagmumula ito at nababatay sa pag-ibig na lehitimo sa ating sarili.

Pero … wag tayong padahas-dahas. Hindi pa tapos ang istorya. Hindi pag-ibig kung hindi buo. Hindi pag-ibig kung hindi ganap. Hindi pag-ibig ang may pagtanggi, at lalung hindi pag-ibig kung may pagtatangi.

Himayin pa natin ito. Hindi natin puedeng sabihin na mahal natin ang sangkatauhan o pamayanan kung hindi natin isinasama rito ang hindi pa isinilang, ang walang kamuang-muang, ang mahihina, at walang kaya. Hindi natin maaaring sabihin na mahal natin ang sangkatauhan kung tumatanggi tayo sa mga hindi pa isinisilang, sa mga balo, mga biuda, mga ulila, at mga banyaga.

Di ba’t ito ang mensaheng pahatid ni Isaias? Na nangunguna sa kanyang listahan ang mga walang kaya, ang mahihina, at walang kapangyarihan?

Hindi ba’t ito rin ang pahatid ni Pablo na nakaranas ng “katakot-takot na hirap” dahil sa pagtanggap sa Mabuting Balita? Hindi ba’t pagdama at pakikiramay ang hatid ni San Pablo sa mga taong inusig dahil sa pagsunod nila sa kalooban ng Diyos?

Ito rin ang katumbas ng aking pakikidama at pakikipag dalamhati kasama ng mga nagdaranas ng kung ano-anong pahirap at pasakit dahil sa kanilang pagdedepensa sa turo ng Simbahan tungkol sa pagmamalasakit sa inosenteng buhay. Batid kong hindi lang panlilibak, kundi pagbabatikos ang kanilang sinasapit, mapasa facebook, mapasa mga lansangan, at sa mga pahayagan o chat rooms.

Malinaw sa tanghaling tapat ang turo ng Panginoon tungkol sa pag-ibig …

Ang pag-ibig ay dapat laging GANAP at BUO … magmahal sa Diyos ng buong puso, buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip.

Kung ito ay ganap at buo, ang pagtanggi sa kaninuman ay hindi pag-ibig na wagas. Pagtanggi kung hindi natin sakop sa pagmamahal ang mga walang kaya, at wala pang kaganapan ng pisikal na pamumuhay, kahit buhay na sa sinapupunan.

Kung ang pag-ibig ay walang pagtatangi, ito ay bumabalot at umiinog sa lahat, sa may kaya at walang kaya, may juicio o walang ganap pang juicio, malusog at buo ang pangangatawan, o manco o may kulang o anumang kapansanan. Tao rin ang hindi pa nakalalakad, nakapagsasalita, nakapangangatuwiran, o hindi pa iniluluwal sa kaliwanagan.

Sa maka syentipikong salita, ang anumang nagtataglay ng kabuuan ng “human genome” ay tao, hindi baboy, hindi hayop, hindi fetus lamang kundi tao. Tulad ko. Tulad mo. At malinaw ang utos tungkol sa buo, ganap, tunay, at wagas na pag-ibig. “Mahalin mo ang kapwa tulad ng pagmamahal sa sarili.”

Sa kabila nito, dapat kong sabihin ang katotohanang hindi natin mababago o mapapalitan. Kaakibat ng pag-ibig ang pagdurusa at pasakit. Sinabi rin ito ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: “Tinanggap ninyo ang Mabuting Balita at dahil dito’y nagdanas kayo ng katakot-takot na hirap.” Tulad ng dinadanas ng mga taong nagtatanggol sa opisyal na turo ng Simbahan tungkol sa pagmamalasakit sa inosenteng buhay. Tunay na kaakibat ng tunay, ganap, buo at wagas na pag-ibig ang tulad ng sinapit ng siyang nagmahal nang lubos at nagdipa ng kamay sa krus.

Ganoon katindi ang kanyang pag-ibig!

Tayo … hanggang saan ba ang hangganan ng ating pag-ibig?

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: