Ika-29 na Linggo ng Taon (A)
Oktubre 16, 2011
Mga Pagbasa: Is 45:1.4-6 / 1 Tes 1:1-5 / Mt 22:15-21
Sala-salabat at sanga-sanga ngayon ang hanay ng ating mga pagpapahalaga. Daan-daang milyon ang tumangis sa pagpanaw ni Steve Jobs. Daan-daang milyon ang masasabi nating tunay na humanga sa kakayahan at kontribusyon niya sa larangan ng teknolohiya.
Kasama ako sa maraming taong ito. Sa katunayan, ang aking mga paskil sa wordpress na ito ay nagagawa ko sa tulong ng mga bagay na bahagi na ng mundo ng teknolohiyang posmoderno na kinabibilangan natin lahat ngayon, tulad ng MacBook atbp.
Nguni’t sa higit na malalim na pagtingin sa mga bagay-bagay, isang tabak na doble ang talim ang lahat ng makabagong pamamaraang ito sa telekomunikasyon. Libo-libo ang mga “friends” sa facebook ng mga kabataan ngayon. Bulto-bultong oras ang ginugugol para manatiling “online” at makasalamuha ang mga “friends” subali’t malayo ang kalooban sa lahat ng mga ito. Panay ang “post” ng “status,” pero walang kaamor-amor o kaugnayan sa mga kasambahay. Alam ng buong mundo ng “twitter” kung ano ang kanyang kinain sa tanghalian, pero walang may alam sa pamilya kung ano ang tunay niyang niloloob at nararamdaman. Konektado sa lahat sa cyberspace, ngunit wala ni isang hibla ng kaugnayan sa mga buhay at tunay na taong kahulubilo sa tahanan!
Maraming “subscription” at mga sinusundang mga “likes” o “secret groups” sa facebook, nguni’t walang sinasanto at sinasamba liban sa mga diyus-diyusang ito ng cyberspace.
Kay raming diyus-diyusan … walang sinasaniban. Kay raming mga samahan o “yahoogroups” o “chat rooms” subali’t walang pinaniniwalaan.
Ito ang daigdig ng postmodernismo … maski ano, puede. “no matter what they tell us; no matter what they do … no matter what they teach us … what I believe is true!” Ito ang mantra ng mga kabataan ngayon … ako at ako lamang ang nararapat magpasya, wala nang iba pa. Nasa akin ang kapangyarihan at kakayahan upang ituring ang isang bagay bilang tama o mali … wala nang dapat makialam pa.
Ito rin ang mundong sa araw na ito ay pinagmumuni ng mga pagbasa, at pinagbubulay ng Panginoon. Wala siyang karibal. Wala siyang kapantay. Wala siyang katulad, at lalung walang katalo kung ang pag-uusapan ay ang kanyang pagka-Diyos!
Minsan uli tayong pinaaalalahanan ng Diyos: “Ako ang Panginoon, ako lamang ang Diyos at wala nang iba!”
Walang masama ang humanga kay Steve Jobs at marami pang ibang nagdulot ng matinding kagalakan at kaginhawahan sa mundo. Ako man ay humanga nang lubos sa kanya. Subali’t kailangan rin natin alalahanin na ang makataong paghanga ay hindi dapat mauwi sa pagluluklok sa kanila bilang mga diyus-diyusan ng ating buhay. Hindi dapat mauwi na, sa buong araw na ginawa ng Diyos, ay mas marami pang oras ang ginugugol natin sa altar ng kompyuter kaysa sa altar ng panalangin at pagmumuni-muni.
Marami na ngayong iba-ibang uri ng diyus-diyosan sa buhay natin. At ang karamihan ng mga ito ay dulot, hatid, at lako ng internet. Ano ang bunga? … mga batang walang inatupag kundi cyber games, tulad ng angry birds, atbp. … mga kabataang walang malamam gawin kundi ipangalandakan ang kanilang kinain, ang kanilang sama ng loob sa isang taong walang kinalaman ang daan-daang taong makababasa ng mga posting … mga kabalbalang ginagawa ng marami, at mga larawang hindi man karapat-dapat ipakita sa cyberspace.
Payo sa atin ni San Pablo … na paggugulan ng panahon ang mga “gawang bunga ng pananampalataya,” mga udyok ng pag-ibig,” at “ang matibay na pag-asa sa Panginoong Jesucristo.” (Ikalawang pagbasa).
Marami ang humanga sa mga payo ni Steve Jobs tulad ng pagsunod sa tinig na nasa kalooban, ang pagkakaroon ng pananampalataya sa sarili, ang pagsunod sa dikta ng sariling puso, at iba pa … Ang lahat ng ito ay tila isang secular na pag-asa … isang pag-asang walang tinutukoy na sinuman … isang pag-asang hindi nakatuon sa persona ng Diyos na nagpakilala ng sarili sa daigdig … isang pag-asang walang inuuwi at hinahantungan liban sa makamundong kaginhawahan at katiwasayan.
Oras na upang mamili tayo at ihanay ang mga pagpapahalaga nang wasto at tama. Sa ebanghelyo, malinaw ang turo ng Panginoon. May tungkulin tayo, aniya, kay Cesar, at may higit na tungkulin sa Diyos. Hindi Diyos si Cesar … hindi tunay ang mga diyus-diyosan na naglipana sa cyberspace, at sa mundo ng komersyo. Hindi diyos ang ating mga gadgets, ang mga iPod at iPad at mga netbooks at tablets at smartphones, upang paggugulan ng buong araw at buong gabi, at buong kamalayan.
Iisa ang Diyos … Siya lamang at wala nang iba. At sa Kanyang karangalan, handa nating pag-ukulan ng pansin ang mga ito: “ang gawang bunga ng pananampalataya, ang mga pagpapagal na udyok ng pag-ibig, at ang matibay na pag-asa sa Panginoong Jesucristo.”