frchito

Archive for Oktubre, 2011|Monthly archive page

BUNGA NG PANANAMPALATAYA, UDYOK NG PAG-IBIG, MATIBAY NA PAG-ASA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Oktubre 13, 2011 at 09:38

Ika-29 na Linggo ng Taon (A)
Oktubre 16, 2011

Mga Pagbasa: Is 45:1.4-6 / 1 Tes 1:1-5 / Mt 22:15-21

Sala-salabat at sanga-sanga ngayon ang hanay ng ating mga pagpapahalaga. Daan-daang milyon ang tumangis sa pagpanaw ni Steve Jobs. Daan-daang milyon ang masasabi nating tunay na humanga sa kakayahan at kontribusyon niya sa larangan ng teknolohiya.

Kasama ako sa maraming taong ito. Sa katunayan, ang aking mga paskil sa wordpress na ito ay nagagawa ko sa tulong ng mga bagay na bahagi na ng mundo ng teknolohiyang posmoderno na kinabibilangan natin lahat ngayon, tulad ng MacBook atbp.

Nguni’t sa higit na malalim na pagtingin sa mga bagay-bagay, isang tabak na doble ang talim ang lahat ng makabagong pamamaraang ito sa telekomunikasyon. Libo-libo ang mga “friends” sa facebook ng mga kabataan ngayon. Bulto-bultong oras ang ginugugol para manatiling “online” at makasalamuha ang mga “friends” subali’t malayo ang kalooban sa lahat ng mga ito. Panay ang “post” ng “status,” pero walang kaamor-amor o kaugnayan sa mga kasambahay. Alam ng buong mundo ng “twitter” kung ano ang kanyang kinain sa tanghalian, pero walang may alam sa pamilya kung ano ang tunay niyang niloloob at nararamdaman. Konektado sa lahat sa cyberspace, ngunit wala ni isang hibla ng kaugnayan sa mga buhay at tunay na taong kahulubilo sa tahanan!

Maraming “subscription” at mga sinusundang mga “likes” o “secret groups” sa facebook, nguni’t walang sinasanto at sinasamba liban sa mga diyus-diyusang ito ng cyberspace.

Kay raming diyus-diyusan … walang sinasaniban. Kay raming mga samahan o “yahoogroups” o “chat rooms” subali’t walang pinaniniwalaan.

Ito ang daigdig ng postmodernismo … maski ano, puede. “no matter what they tell us; no matter what they do … no matter what they teach us … what I believe is true!” Ito ang mantra ng mga kabataan ngayon … ako at ako lamang ang nararapat magpasya, wala nang iba pa. Nasa akin ang kapangyarihan at kakayahan upang ituring ang isang bagay bilang tama o mali … wala nang dapat makialam pa.

Ito rin ang mundong sa araw na ito ay pinagmumuni ng mga pagbasa, at pinagbubulay ng Panginoon. Wala siyang karibal. Wala siyang kapantay. Wala siyang katulad, at lalung walang katalo kung ang pag-uusapan ay ang kanyang pagka-Diyos!

Minsan uli tayong pinaaalalahanan ng Diyos: “Ako ang Panginoon, ako lamang ang Diyos at wala nang iba!”

Walang masama ang humanga kay Steve Jobs at marami pang ibang nagdulot ng matinding kagalakan at kaginhawahan sa mundo. Ako man ay humanga nang lubos sa kanya. Subali’t kailangan rin natin alalahanin na ang makataong paghanga ay hindi dapat mauwi sa pagluluklok sa kanila bilang mga diyus-diyusan ng ating buhay. Hindi dapat mauwi na, sa buong araw na ginawa ng Diyos, ay mas marami pang oras ang ginugugol natin sa altar ng kompyuter kaysa sa altar ng panalangin at pagmumuni-muni.

Marami na ngayong iba-ibang uri ng diyus-diyosan sa buhay natin. At ang karamihan ng mga ito ay dulot, hatid, at lako ng internet. Ano ang bunga? … mga batang walang inatupag kundi cyber games, tulad ng angry birds, atbp. … mga kabataang walang malamam gawin kundi ipangalandakan ang kanilang kinain, ang kanilang sama ng loob sa isang taong walang kinalaman ang daan-daang taong makababasa ng mga posting … mga kabalbalang ginagawa ng marami, at mga larawang hindi man karapat-dapat ipakita sa cyberspace.

Payo sa atin ni San Pablo … na paggugulan ng panahon ang mga “gawang bunga ng pananampalataya,” mga udyok ng pag-ibig,” at “ang matibay na pag-asa sa Panginoong Jesucristo.” (Ikalawang pagbasa).

Marami ang humanga sa mga payo ni Steve Jobs tulad ng pagsunod sa tinig na nasa kalooban, ang pagkakaroon ng pananampalataya sa sarili, ang pagsunod sa dikta ng sariling puso, at iba pa … Ang lahat ng ito ay tila isang secular na pag-asa … isang pag-asang walang tinutukoy na sinuman … isang pag-asang hindi nakatuon sa persona ng Diyos na nagpakilala ng sarili sa daigdig … isang pag-asang walang inuuwi at hinahantungan liban sa makamundong kaginhawahan at katiwasayan.

Oras na upang mamili tayo at ihanay ang mga pagpapahalaga nang wasto at tama. Sa ebanghelyo, malinaw ang turo ng Panginoon. May tungkulin tayo, aniya, kay Cesar, at may higit na tungkulin sa Diyos. Hindi Diyos si Cesar … hindi tunay ang mga diyus-diyosan na naglipana sa cyberspace, at sa mundo ng komersyo. Hindi diyos ang ating mga gadgets, ang mga iPod at iPad at mga netbooks at tablets at smartphones, upang paggugulan ng buong araw at buong gabi, at buong kamalayan.

Iisa ang Diyos … Siya lamang at wala nang iba. At sa Kanyang karangalan, handa nating pag-ukulan ng pansin ang mga ito: “ang gawang bunga ng pananampalataya, ang mga pagpapagal na udyok ng pag-ibig, at ang matibay na pag-asa sa Panginoong Jesucristo.”

PAGHIHIKAHOS O PANANAGANA?

In Uncategorized on Oktubre 7, 2011 at 09:25

Ika-28 Linggo ng Taon (A)
Oktubre 9, 2011

Mga Pagbasa: Isa 25:6-10 / Fil 4:12-14. 19-20 / Mt 22:1-14

Malapit sa puso nating lahat ang sinasaad ng mga pagbasa ngayon. Ang mga larawang ginamit ni propeta Isaias, ang mga maramdaming pananalita ni San Pablo at ang tigib ng sagisag na laman ng talinghaga sa ebanghelyo – ang lahat ay tumutuon sa isang tadhanang naghihintay para sa ating lahat.

Nagulantang ang buong mundo sa pagpanaw ni Steve Jobs. Ang isa sa mga pinakamayamang nilalang sa buong mundo na nakarating sa rurok ng tagumpay at sa kailaliman ng pagkabigo ay walang nagawa sa harap ng sakit na walang sinasamba at walang makahahadlang.

Tulad ni San Pablo, batid niya kung paano ang maghikahos at paano ang managana. Isinilang siyang hindi kinilala ng sariling magulang. Ipina-ampon at hindi kailanman inangkin ng sariling ama.

Nguni’t bagaman at siya ay hindi isang kristiyano, mayroong mga ginintuang aral siya para sa atin lahat. At ang pinakamahalaga rito ay ang malugod at maluwag na pagtanggap pati sa mga bagay na hindi katanggap-tanggap, tulad ng kamatayan. Sa kanyang talumpati sa Stanford noong 2005, hindi siya nangiming aminin na ang kabatirang siya ay mamamatay balang araw, ang siyang nagtulak sa kanya upang gumawa ng bagay na dakila, na ang ibig sabihin ay mahalin kung ano man ang kanyang ginagawa.

Sa kabila nito, hindi siya nag-atubiling gawin ang sininta ng kanyang puso, at pagsikapan ang kanyang minimithi.

Ayon kay Ronald Rolheiser, lahat ng tao ay may pangarap, may nasa, may panagimpan. Lahat tayo ay nag-aasam … ng ginhawa, ng karampatang yaman, ng isang magandang buhay, ng isang magandang kinabukasan. Ngunit sa likod ng lahat ng ating pag-aasam, ay ang dakilang nating pagnanasa at paghahanap para sa Diyos. Sa likod ng lahat ng ating naisin ay ang marubdob na pag-aasam natin sa Diyos.

Nguni’t kung ang pinakaaasam at ang pinakahinahanap natin ay ang Diyos, iisa ang ibig sabihin nito … na ang lahat ng bagay ay pumapangalawa lamang sa Kaniya! … na ang lahat ng anumang bagay ay hindi makapapantay sa Kaniya, at walang hihigit pa sa Diyos bilang katuparan ng lahat ng ating pangarap!

Dito pumamapasok ang halimbawa ni San Pablo. Matalino, maraming alam gawin, isang Romano, isang Judio, na kayang buhayin ang sarili … ito si San Pablo. Nakaranas siya ng kasaganaan. Nakaranas siya ng matinding kahirapan. Nguni’t sa kabila ng lahat ng ito ay namaulo at naghari ang pinakamahalaga niyang pangarap. Ito ang isinasagisag ng mga larawang dulot sa panulat ni Propeta Isaias – “isang piging para sa lahat na ang handa’y masasarap na pagkain at inumin.”

Ito ang larawan ng kung ano ang inaasam natin. Ang kasukdulan ng lahat ng ito ay ang pananatili sa piling ng Diyos, na siyang buong katiyakan nating inilahad matapos ang unang pagbasa: “Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong Mahal.”

Naunawaan ni Steve Jobs ito kahit hindi siya kristiano. Naunawaan niya na sa kabila ng kanyang yaman ay may hangganan ang lahat, may katapusan. Ito rin ang naunawaan nang lubos ni San Pablo – ang kakayahang pahalagahan ang dalawang bagay – ang paghihikahos at ang pananagana.

Sa huling hantong, hindi mahalaga kung ikaw ay hikahos sa makamundong bagay o nananagana sa material na yaman. Ang mahalaga ay mayroon tayong pinaninindigang pangarap, pangarap na bumabagtas sa makamundong karangyaan o yamang material.

Ang piging ay nakahanda na. Ang langit na buod at dulo at rurok ng panagimpan natin bilang kristiyano ay naghihintay para sa atin. Inaanyayahan ang lahat. Kumbidado ang tanan.

Subali’t kung ito ang ating pangarap at asam, ay mayroon tayong dapat gawin. Libre ang mangarap pero hindi libre ang bunga ng pangarap. May halaga ang lahat. May kabayaran ang lahat. At ang kabayaran nito ang siya natin dapat pag-ukulan ng pansin, ayon sa talinghaga sa ebanghelyo ni Mateo.

Naghanda ang Ama ng dakilang piging. Handa ba tayong magbayad ng angkop na halaga para makapasok at mapabilang? Dito makikita ang tunay … Dito mamamalas ang kaibahan at pagitan sa dalawang bagay: paghihikahos o pananagana!

Nasa atin ang pagpapasya. Nasa atin ang pamimili. At hindi Niya tayo bibiguin …
“Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal!”