frchito

Archive for Nobyembre, 2011|Monthly archive page

PASTULAN AT PAHINGAHAN; HINDI RANGYA AT KAPANGYARIHAN!

In Homily in Tagalog, Kristong Hari, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Nobyembre 16, 2011 at 11:22

DAKILANG KAPISTAHAN NI KRISTONG HARI
Nobyembre 20, 2011

Mga Pagbasa: Ez 34:11-12.15-17 / 1 Cor 15:20-26.28 / Mt 25:31-46

Hindi kaila sa lahat na magulo ang politika saanman. Sa Europa, halos magsipagbuwagan ang mga gobyerno dahil sa mas masahol pang sitwasyon ng ekonomiya. Sa mga bansang pinamumugaran ng mga diktador, malamang na hindi mapagkakatulog ang mga diktador na kapit-tuko pa rin sa kanilang poder, sa kanilang posisyon, at mapanlinlang na mga administrasyon. Ang mga inihalal na matindi ang mga pangako hinggil sa pagbabago ay di malayong hindi na muling manalo, sapagka’t wala namang nagbago sa takbo ng kanilang pamumuhay.

Mahirap ang tayo ng mga hari … Sa ilang mga bansang mayroon pang hari o reyna, ang malaking problema nila ay ang makakita ng karapat-dapat na kahalili. Sa Thailand, bagama’t napaka tanyag at popular si Haring Bhumibol, hindi kaila na ang kanyang anak, ang prinsipe, ay isang kabiguan para sa mga taga Thailand. Sa ilang mga bansa sa Africa, ang mga namumuno ay nanganganib na sapitin ang kahindik-hindik na sinapit ng diktador ng Libya, si Ghadafi.

Mahirap ang mamuno. Mahirap ang mangasiwa. Kahit saan, ang may putong na korona ay hindi matiwasay ang buhay … “uneasy lies the head that wears a crown,” ika nga. Mahirap ang maghari. Mahirap ang magkaroon ng karangalang umupo sa kataas-taasang trono. Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, ay nagtataka ako kung bakit nagkakandarapa ang mga bihasa sa katiwalian, at nag-uunahan upang maging presidente ng Pilipinas, na pagkatapos naman ng termino ay singkaran nang paghahanapan ng butas, para ipako sa krus, o kung hindi man ay ikulong sa piitan.

Ito ang telon sa likod ng entablado natin sa araw na ito. Ano ba ang eksena? Sino ba ang bida sa ating entablado sa liturhiya natin ngayon?

Mahirap man natin isipin, isang Hari ang nasa sentro ng ating eksena ngayon – si Kristong Hari!

Pero ano ba ang takbo ng kwento natin ngayon? Kwento ba ito na tulad kay Ghadafi, o tungkol sa kinamumuhiang si GMA? Kwento ba ito tungkol sa mga AFP generals na sa liit ng kanilang sweldo at laki ng kanilang pagkagahaman ay nakapag-tago ng daan-daang milyon, hindi lamang sa Pilipinas, kundi pati sa Amerika at sa buong mundo? Kwento ba rin ito tungkol sa isang mapaghiganting Presidente na walang inatupag kundi maghanap ng isisisi sa nauna at maghanap ng masisisi sa hindi niya kayang gawin? Kwento ba ito tungkol sa mga mapanlinlang at magulang at masibang mga pinuno na walang ginawa kundi mag-imbestiga at magpapogi sa harapan ng kamera at mag-ipon ng mga alipores upang maging kampon sa susunod na eleksyon?

Ang eksena natin ay tungkol sa hari ngunit kakaibang hari, kakaibang pinuno, na may kakaibang mga pinahahalagahan. Ito ay kwento ng isang hari na walang kaharian, isang pinunong walang inuutusan at kinukutusan (o kinokotongan). Ito ay Hari na ang paghahari ay hindi makamundo, at lalung walang kinalaman sa kamunduhan.

Ito ang pinunong ang pamunuan ay wala sa kapangyarihan, kundi sa panunungkulan, sa paglilingkod, at kahinahunan. Ito ang paghaharing ang pangunahing pakay ay ang tipunin, kupkupin, at arugain ang kanyang kawan.

Kawan! … hindi kaharian! Tupa! Hindi lupa at lugar na pinamumugaran!

Hindi kaila sa atin lahat na ang Israel mismo ay hindi pinalad sa kanilang mga pinuno. Sa salin-saling mga namuno sa Israel, na pawang nakabiyak ng puso ng mga Israelita, Diyos na mismo ang nangako at nagwika at nagpamalas nang kung ano ang kahulugan ng mamuno – na walang iba kundi ang maglingkod, manungkulan, at magpa-alipin: “Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan. Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, at babantayan ang malulusog at malalakas.”

Ang mga haring makamundo ay may mga kaharian, may pinaghaharian, may mga taong nasa kanilang pinangingibabawan.

Sa kapistahang ito ng Kristong Hari, hindi ang kanyang pagiging nasa itaas o nasa ibabaw ang pokus, ang tinutukoy at binibigyang-halaga ng liturhiya. Hindi ito tungkol sa kanyang kapangyarihan, kundi tungkol sa ating kakayahang magpasailalim at sumunod sa Kanyang kalooban.

Kailangan natin ng Hari – hari ng puso at kaisipan bago maging hari ng sangkalupaan. Ang trahedya sa panahon natin ay ito … Gusto nating maging hari, pero ayaw natin ang paghahari ng Diyos. Gusto natin ang Panginoong Jesucristo, pero ayaw natin ang krus na kanyang pinasan. Gusto natin ng luwalhati, pero ayaw natin ng pighati. Gusto natin ng tagumpay, pero ayaw natin ang pagpupunyagi.

Oo … si Kristo ay Hari … Pero hindi ang kanyang pagiging Hari ang mahalaga ngayon. Ang pinakamahalaga para sa atin ngayon ay ito … anong uri ba tayong tagasunod? Anong uri ba tayong mga tagasunod sa Haring siya mismo ang nagpakita kung ano ang kahulugan ng maka Kristiyanong panunungkulan … “Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan.”

Mabuhay ang paghaharing ito ni Kristong Panginoon!

SA PANIG NG KALIWANAGAN, HINDI NG KADILIMAN!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Nobyembre 10, 2011 at 08:57

Ika-33 Linggo ng Taon (A)
Nobyembre 13, 2011

Mga Pagbasa: Kaw 31:10-13.19-20.30-31 / 1 Tes 5:1-6 / Mt 25:14-30

Hindi ko alam kung ang aking mga tagabasa ay nakaranas nang umakyat ng bundok sa kadiliman ng gabi. Kapag walang buwan, at masinsin ang kakahuyan sa kabundukan, ang pag-akyat sa bundok sa gabing madilim ay isang mapanganib at nakatatakot na gawain. Hangga’t maaari, ipagpapaliban na ng isang mountain climber ang pagtahak ng landas paakyat sa pagdatal ng araw at kaliwanagan.

Noong kami ay mga bata pa sa aming munting bayan sa Mendez, Cavite, noong ang kuryente ay dumarating lamang sa loob ng 12 oras sa bawa’t araw, walang mga ilaw ang mga daan, at kapag walang buwan, ang kapaligiran ay tunay na balot ng matinding kadiliman.

Mahirap ang paapu-apuhap sa dilim. Mahirap ang pakapa-kapa saanmang balot ng kadiliman. At mapanganib ang maglakad paakyat ng bundok nang walang ilawan. Ito marahil kung bakit ang mga gumagawa ng kabuktutan ay laging kumikilos sa gitna ng kadiliman, at ayaw kumilos sa ilalim ng sikat ng araw.

Nguni’t hindi lamang material at pisikal na ilaw ang pinahahalagahan natin sa usaping ito. Malinaw ito sa mga pagbasa natin sa araw na ito. Sa kulturang Pinoy, ang Nanay ay tinaguriang “ilaw ng tahanan.” Sa aklat ng Kawikaan na ginamit sa unang pagbasa, maituturing na maningning na ilawan ang isang asawang uliran at mabuti. Higit pa sa kagandahang kumukupas ang liwanag na makikita sa isang asawang mabuti at kapaki-pakinabang.

Kadiliman at kaliwanagan din ang ipinaghahambing ni San Pablo sa ikalawang pagbasa. Ang mga handa sa pagdating at pagbabalik ng Panginoon ay hindi aniya nabubuhay sa kadiliman, kundi sa kaliwanagan.

Sa ebanghelyo, ang talinghagang ating narinig ay may kinalaman sa tatlong alipin na pinagkatiwalaan ng yaman ng kanilang amo. Bukod sa iba pang mga kahulugan na malimit nating marinig tungkol dito, maari din nating maunawaan ito bilang isang paghahambing ng taong nabubuhay sa dilim o sa kaliwanagan.

Ang unang alipin ay binigyan ng limang libong piso; ang ikalawa ng dalawang libo, at ang ikatlo ng isang libong piso. Ang naunang dalawa ay nanatili sa liwanag … ikinalakal nila ang ipinagkatiwala sa kanila … pinarami at pinatubo … pinalaki at pinagyaman … Nguni’t ang tumanggap ng iisang libo ay nanatili sa dilim … ibinaon, itinago, ipinagkait … at higit sa lahat, pinagbintangan pa ang kanyang amo sa pagiging ganid at mapagkamkam. Sa halip na pagyamanin, ang pera ay pinanatiling tulog sa kadiliman ng kawalang-tiwala at paghuhusga sa sariling amo.

Nais kong isipin na sari-saring kadiliman ang bumabalot sa atin ngayon tuwing ayaw nating pagyamanin ang angking yaman natin na galing lahat sa Diyos.

Alam natin kung gaano kalaking kadiliman ang bumabalot sa lipunan natin ngayon … Pinaka masahol na airport diumano ang NAIA sa buong mundo. Pang-apat na pinakamahirap magnegosyo sa Pilipinas kumpara sa lahat ng bansa sa buong mundo. Pinaka delikado ang bansa natin para sa mga mamamahayag … Isa tayo sa pinaka malaki ang nawawala taun-taon sa korupsyon at katiwalian, sa lahat ng antas ng lipunan, ma pribado man o publiko. Ang kumuha lamang ng isang business permit sa bansa natin ay paggugugulan ng isang negosyante ng mahabang oras at maraming pera, at ang batas o patakaran ay napapalitan lagi sa pag-upo ng mga bagong administrasyon. Pati mga kontratang ginawa ng nakaraang administrasyon ay biglang nakakansela o napawawalang-bisa, dahil bago ang nakaupo sa Malacanan.

Mahirap maglakad sa dilim sa gitna ng kagubatan, nguni’t lalong mahirap ang kumilos at magpakabuti sa lipunang balot na balot ng sari-sari at iba-ibang uri ng kadiliman!

Mahirap ang magpaka Kristiyano kung alam mong mayroong mga taong kinamumuhian ang mga tagasunod ni Kristo at hindi lamang nilalapastangan, kundi pinapaslang, at pinupugutan ng ulo ng mga taong relihiyon din ang sinasabing dahilan ng kanilang pagkamuhi. Kay hirap maging tapat sa lipunang pinamumugaran ng mga taong handang pumatay sa ngalan ng kanilang diyos.

Ilang beses din ako naka-akyat ng bundok sa matinding kadiliman. Sa isang pagkakataon, papalapit na kami sa tuktok ng bundok Pulag habang rumaragasa ang signal number 3 na bagyo! Sa pagkakataong ito, malaki ang tulong ng mumunting mga ilawan, mga lente o lamparang de baterya na siyang naggagabay sa gitna ng kadiliman.

Nais kong imungkahi na ang ilawang ito ay ang pag-asa na patuloy na naggagabay sa ating lahat. Mahirap magpaka tino at magpaka Kristiyano, nguni’t posible ito … Kaya natin ito … kung mayroong lamang tayong tangang ilaw ng pag-asa.

Huwag sana natin kalimutan ang turo ni San Pablo … “Nguni’t hindi kayo nabubuhay sa kadiliman … Kayong lahat ay kabilang sa panig ng kaliwanagan – sa panig ng araw – hindi sa panig ng kadiliman o ng gabi.”

Ahon na at bumangon tungo sa kaliwanagang ito!