frchito

Archive for 2011|Yearly archive page

BIYAYANG KABIG; BIYAYANG KALOOB!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon A on Hulyo 8, 2011 at 17:35

Ika-15 Linggo ng Taon(A)
Julio 10, 2011

Madalas ang ulan sa bayan natin sa mga araw na ito. Noong nakaraang dalawang Linggo, nasa Davao ako, at pati doon, sa lugar na dati-rati ay hindi binibisita ng bagyo, ay biglang nagkaroon ng baha matapos ang tatlong oras na walang puknat na pag-ulan sa gabi, na ikinasawi ng mahigit na 25 katao, na karamihan ay batang natutulog.

Noong mga bata kami, hinihintay namin ang unang pagpatak ng ulan. Tinatawag na “agua de Mayo,” ang unang ulan sa buwan ni Maria, buwan ng mga bulaklak, ay itinuturing na mapagpagaling, ulan ng biyaya, at ulan na nagdudulot ng tubig sa tigang na lupa at tuyot na katawan, at naghahatid ng kagalingan sa anumang kapansanan.

Ayon sa unang pagbasa ngayon galing kay Isaias, ito ay sagisag rin ng biyayang galing sa langit, na hindi nagbabalik sa langit nang hindi nagbubunga ng kabutihan, kagalingan, at bunga sa lupang ibabaw. Sagisag ito ng Salita ng Diyos, na hindi nagbabalik sa langit nang hindi nagbubunga nang marami.

Mabisa ang ulan. Nagbubunga ng buhay… at lalung mabisa ang Salita ng Diyos … nagbubunga ng panibagong buhay sa mga nakaririnig nito at pinagyayaman ito.

Nguni’t hindi kaila sa lahat sa atin, na ang ulan ay sagisag rin ng isang palitan ng biyaya … Galing sa itaas, ang ulan ay nagiging ulap na muling pumapailanlang, upang bumalik muli bilang ulan. Ang ulan ay biyayang kabig, biyayang bigay, biyayang bumaba mula sa itaas. Subali’t sa kanyang pagdatal sa lupa, ang ulan ay nagbubunga, nagpapayabong sa halaman. Sagisag rin ito ng biyayang kaloob, ang sukli ng daigdig sa kalangitan sa biyayang kinabig, sa biyayang tinanggap.

Alam ng maraming lumaki nang malapit sa kalikasan ang batas na ito ng kalikasan … bigayan, palitan, suklian. Sa buhay natin, hindi tama ang panay pakabig lamang. Walang nabubuhay nang sagana na walang inatupag kundi ang bumali, ang kumabig, at ang tumanggap. Ang buhay ay isang daang may paroon at parito, dalawang daloy, pailaya at paibaba, pakanluran at pasilangan.

Ito ang nais kong bigyang-diin sa araw na ito.

May 22 taon na ang nakalilipas nang ako ay nagsikap umakyat sa Mt Apo. Hindi kami nakatuloy noong 1989, nang kami ay pinigil ng mga sandatahang mga taong-bundok. Noong nakaraang dalawang Linggo ay tinangka kong muling tingnan ang siyudad kung saan ang aming balaking marating ang tuktok ay nabigo. Noong panahong yaon, ang isa sa mga hindi madaling kalimutang karanasan ay ang pagkakita namin ng Philippine Eagle na lumilipad, sa itaas, kung saan ang kanilang tirahan ay unti-unting nauubos, napapawi, dahil sa mga bundok at gubat na nakakalbo.

Isa iyong sagisag ng kung ano ang nagaganap kung makalimutan ng tao ang batas ng kalikasan, ang batas ng bigayan, ang batas ng pagtanggap at batas ng pagkakaloob at pagsusukli ayon sa kung ano ang tinanggap.

Wala na akong nakikita at naririnig na kagang sa bayan namin. Ang huli kong pagkakataon kung kailan nakarinig ako ng huni ng kagang ay noong lumitaw ang mga ito sa Maryland at Virginia, USA noong taong 2004. Sapagka’t marami nang lugar sa Pilipinas ang pinagsamantalahan ng tao, at hindi na sumunod sa batas ng bigayan at palitan, unti-unting naubos ang mga bagay na dati rati ay palasak sa bayan natin.

Isa itong pagunita sa atin tungkol sa buhay natin bilang Kristiyano … buhay na palitan at bigayan, suklian at pagkakaloob ayon sa kung ano rin ang tinanggap. Ito ang buhay ng isang taong marunong kumilala at tumanaw ng utang na loob. Ito ang buhay ng isang Kristiyanong, hindi lamang puro pakabig kundi ang mga palad ay bukas rin upang magbigay-sukli sa biyayang galing sa itaas.

Puno ng kaguluhan ang buhay natin ngayon. Ito ay sapagka’t nahirati na tayo sa kaswapangan, pagkamakasarili, at pagkakanya-kanya. Walang nang kabute at mamarang sa parang dahil sa sinira na natin ang kalikasan. Wala nang tubi-tubi … wala nang mga patango at mga tikri, at mga alitaptap. Wala nang makunan ng tubig na malamig at matamis na dumadaloy sa bukal, at hindi sa gripo. Masyado nang masikip ang mga kabahayan at kabihasnan.

Nguni’t hindi ito ang tunay na trahedya. Ang trahedya ay hindi na rin tayo marunong makipagtulungan sa nagsasabog ng binhi. Tulad na batuhan at dawagan, ang lupang tigang na hindi na marunong makipagtulungan ay hindi nakapagkakaloob tulad ng kung ano siya tumanggap.

Ang tanong sa atin ngayon ay ito … anong uri ng lupa baga tayo, at anumang uri, tayo ba ay handang kumabig lamang o magkaloob rin ng sukli sa bukal ng biyaya na ating Panginoon at Diyos? Tayo ba ay parating lupang tigang, lupang uhaw na walang kakayahang magbunga o lupang handang tumanggap at handa ring magkaloob ng sukli sa Kanyang pinagmulan ng lahat ng kabutihan?

MAGALAK, MAMILI, AT MAMAHINGA!

In Homily in Tagalog, Sunday Reflections, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Hulyo 3, 2011 at 10:07

Ika-14 na Linggo ng Karaniwang Panahon (A)
Julio 3, 2011

MAGALAK, MAMILI, MAMAHINGA!

Kagalakan ang payo sa atin ni propeta Zacarias sa araw na ito. Kagalakan ito na may batayan sa katotohanang ang Mananakop ay darating, at maghahatid ng kapayapaan, sa diwa ng kababaang-loob at hindi sa karahasan.

Dalawa namang patakaran o kalakaran ang inihahain sa atin ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: ang batas ng laman, at ang batas ng Espiritu. Ang kagalakang payo ni Zacarias ay makukuha natin sa wastong pagpili: ang pagsunod sa batas ng laman o ang pagtalima sa batas ng Espiritu.

Diwa naman ang kapayapaan at malayang pagtanggap ng anumang pasanin ang pahatid sa atin ng Ebanghelyo … ang paanyaya ng Panginoon ay ang mamahinga tayo sa kanya, sa kabila ng mga pasanin, pahirap, at mga iba-ibang uri ng hilahil na pinapangko ng marami sa atin, kundi lahat sa atin.

Magtatapat ako sa inyo … Bilang isang guro, edukador, pari at predikador, counselor at therapist, at isang tagapagturo sa mga nagpapari, di miminsan akong pinagdadaanan ng panghihinawa, pagkalungkot, at pagpanaw kung minsan ng pag-asa. Mahirap ang magdiwang at magsaya, habang alam mong ang bayan ay patuloy na humihirap, habang batid mong ang mga namumuno ay walang pinagkaiba sa dati sa paghahanap ng masisisi sa naunang pamunuan, at walang patid na pagyurak sa katotohanang moral na nagaganap sa ating lipunan.

Bago ko ipaliwanag ito, isa munang paumanhin. Ngayon lamang ako nagkaroon ng oras upang ito ay sulatin. Buong linggo akong wala sa aking opisina. Nasa Davao ako noong nagkaroon ng baha ruon at mahigit 20 ang namatay. Nasa bundok Gulugud Baboy naman ako ng dalawang araw na lumipas hanggang kahapon, sa Mabini, Batangas, kasama ng dati kong mga estudyanteng nagsikap maghanap ng pagkakaton upang ako ay masakasama sa isang trek na hindi gaanong mahirap para sa aking hindi na bata at hindi na bihasa sa mahabaan at matagalang mga pag-akyat sa kabundukan.

Mahirap ngayon ang maging pari, at mahirap maging katoliko. Halos lahat yata ng nagaganap ngayon ay parang tinatamaan ang katoliko, ang simbahang aking kinagisnan. Nuong kasagsagan ng diskusyon sa RH Bill, kataka-takang sunud-sunod ang mga fetus na itinatapon sa mga tanyag na simbahan. At bago ang talumpati ng presidente sa isang taon ng kanyang pagkahawak ng kapangyarihan, matunog na balita ang lumitaw tungkol sa pitong obispo diumano na tumanggap ng Pajero mula sa PCSO. Hindi pa man napatutunayan ang totoo, naunahan na ng balita ang katotohanan, at nagawa na ang danyos sa simbahan. Nakapagtatakang isipin na sa kabila ng mga pahayag ng mga obispo, mahigit kalahati na ng bayang Pilipino ay pumiling maniwala sa sinasabi ng mass media, sa propaganda ng mga taong may isinusulong na agenda.

Marami pang dahilan ang manghinawa … ang patuloy na pagbabago ng takbo ng panahon at klima, ang walang ampat na korupsyon sa lahat ng antas ng lipunan, sa kabila ng ipinagmamakaingay na “matuwid na daan” … ang walang patid na pagsasademonyo ng nakaraang administrasyon, na para bagang ang paglalahad ng bagay na alam na ng karamihan, ay makatutulong sa pag-angat ng antas ng pamumuhay ng Pilipinong laging naghihirap.

Maraming dahilan upang mawalan ng pag-asa … ang patuloy na pagkasira ng kalikasan, ang patuloy na panlilimas pati ng mga tuko upang magkapera lamang, o ang panlilimas ng mga corrals sa ating mga karagatan… ang patuloy na pambabraso ng China at ang pag-angkin nila sa mga islang pinagbabangayan pa rin ng ilang mga bansa.

Subali’t bilang Pari, tungkulin kong bigyang diin ang Magandang Balita ng kaligtasan. Nguni’t ang magandang balita ay hindi lamang puro pangako, at panay salita. Ito ay sinasaliwan dapat ng gawa ng bawa’t isa sa atin.

Dito ngayon papasok ang payo ni San Pablo sa ikalwang pagbasa – ang mamili tayo na mabilang, hindi sa mga sumusunod sa batas ng laman, kundi sa mga sumusunod sa batas ng espiritu. Ang pagsunod sa batas ng laman ay ang paninising walang patid, ang pagsunod lamang sa mga survey at ang paggamit ng mga tinatawag na mga “half truths” upang magulantang ang bayan at mamuhi sa simbahan. Half truth and balitang tumanggang ang pitong obispo ng pajero. Ang hindi nila sinasabi ay kung para saan iyon, at kung sino pang iba ibang religious groups ang tumanggap rin, upang tulong sa pagtulong sa mga maysakit at mahihirap. Ngunit sapagka’t nabalita na sa mga TV at radyo at pahayagan, naging totoo na ang isang kalahating katotohanan, at nauwi na sa pagkamuhi sa mga obispo at mga pari.

Magdiwang! Ito ang payo ni Zacarias. Mamili nang wasto! Ito naman ang payo ni San Pablo. Sumunod sa batas ng Espiritu, na naghahatid sa buhay.

Mamahinga sa akin! Ito naman ang pangako ni Kristong Panginoon. Ano ba ito? Ito ang kabatirang ang tagumpay ay nasa panig ng Diyos. HIndi kailanman magagapi ang simbahan sa anumang kapangyarihang nagpapahirap dito. Hindi kailanman magagapi ng pintuan ng impiyerno ang muog ng Simbahang itinatag ng Diyos.

Pag-asa ang bunga ng lahat ng ito. Pag-asa, sa kabila ang kawalang kakayahan natin kung minsan na magdiwang at magsaya, tulad sa panahon natin ngayon. Ito ang pangako ng Diyos. Ito ang katotohanang unti-unting nagaganap sa puso at isipan ng mga sumusunod sa batas ng Espiritu. Ito ang batas na naghahatid sa buhay na ganap, buhay na kaaya-aya, at buhay na ayon sa balakin at panagimpan ng Diyos para sa mga nagmamahal at tumatalima sa kanyang kalooban!