Ika-15 Linggo ng Taon(A)
Julio 10, 2011
Madalas ang ulan sa bayan natin sa mga araw na ito. Noong nakaraang dalawang Linggo, nasa Davao ako, at pati doon, sa lugar na dati-rati ay hindi binibisita ng bagyo, ay biglang nagkaroon ng baha matapos ang tatlong oras na walang puknat na pag-ulan sa gabi, na ikinasawi ng mahigit na 25 katao, na karamihan ay batang natutulog.
Noong mga bata kami, hinihintay namin ang unang pagpatak ng ulan. Tinatawag na “agua de Mayo,” ang unang ulan sa buwan ni Maria, buwan ng mga bulaklak, ay itinuturing na mapagpagaling, ulan ng biyaya, at ulan na nagdudulot ng tubig sa tigang na lupa at tuyot na katawan, at naghahatid ng kagalingan sa anumang kapansanan.
Ayon sa unang pagbasa ngayon galing kay Isaias, ito ay sagisag rin ng biyayang galing sa langit, na hindi nagbabalik sa langit nang hindi nagbubunga ng kabutihan, kagalingan, at bunga sa lupang ibabaw. Sagisag ito ng Salita ng Diyos, na hindi nagbabalik sa langit nang hindi nagbubunga nang marami.
Mabisa ang ulan. Nagbubunga ng buhay… at lalung mabisa ang Salita ng Diyos … nagbubunga ng panibagong buhay sa mga nakaririnig nito at pinagyayaman ito.
Nguni’t hindi kaila sa lahat sa atin, na ang ulan ay sagisag rin ng isang palitan ng biyaya … Galing sa itaas, ang ulan ay nagiging ulap na muling pumapailanlang, upang bumalik muli bilang ulan. Ang ulan ay biyayang kabig, biyayang bigay, biyayang bumaba mula sa itaas. Subali’t sa kanyang pagdatal sa lupa, ang ulan ay nagbubunga, nagpapayabong sa halaman. Sagisag rin ito ng biyayang kaloob, ang sukli ng daigdig sa kalangitan sa biyayang kinabig, sa biyayang tinanggap.
Alam ng maraming lumaki nang malapit sa kalikasan ang batas na ito ng kalikasan … bigayan, palitan, suklian. Sa buhay natin, hindi tama ang panay pakabig lamang. Walang nabubuhay nang sagana na walang inatupag kundi ang bumali, ang kumabig, at ang tumanggap. Ang buhay ay isang daang may paroon at parito, dalawang daloy, pailaya at paibaba, pakanluran at pasilangan.
Ito ang nais kong bigyang-diin sa araw na ito.
May 22 taon na ang nakalilipas nang ako ay nagsikap umakyat sa Mt Apo. Hindi kami nakatuloy noong 1989, nang kami ay pinigil ng mga sandatahang mga taong-bundok. Noong nakaraang dalawang Linggo ay tinangka kong muling tingnan ang siyudad kung saan ang aming balaking marating ang tuktok ay nabigo. Noong panahong yaon, ang isa sa mga hindi madaling kalimutang karanasan ay ang pagkakita namin ng Philippine Eagle na lumilipad, sa itaas, kung saan ang kanilang tirahan ay unti-unting nauubos, napapawi, dahil sa mga bundok at gubat na nakakalbo.
Isa iyong sagisag ng kung ano ang nagaganap kung makalimutan ng tao ang batas ng kalikasan, ang batas ng bigayan, ang batas ng pagtanggap at batas ng pagkakaloob at pagsusukli ayon sa kung ano ang tinanggap.
Wala na akong nakikita at naririnig na kagang sa bayan namin. Ang huli kong pagkakataon kung kailan nakarinig ako ng huni ng kagang ay noong lumitaw ang mga ito sa Maryland at Virginia, USA noong taong 2004. Sapagka’t marami nang lugar sa Pilipinas ang pinagsamantalahan ng tao, at hindi na sumunod sa batas ng bigayan at palitan, unti-unting naubos ang mga bagay na dati rati ay palasak sa bayan natin.
Isa itong pagunita sa atin tungkol sa buhay natin bilang Kristiyano … buhay na palitan at bigayan, suklian at pagkakaloob ayon sa kung ano rin ang tinanggap. Ito ang buhay ng isang taong marunong kumilala at tumanaw ng utang na loob. Ito ang buhay ng isang Kristiyanong, hindi lamang puro pakabig kundi ang mga palad ay bukas rin upang magbigay-sukli sa biyayang galing sa itaas.
Puno ng kaguluhan ang buhay natin ngayon. Ito ay sapagka’t nahirati na tayo sa kaswapangan, pagkamakasarili, at pagkakanya-kanya. Walang nang kabute at mamarang sa parang dahil sa sinira na natin ang kalikasan. Wala nang tubi-tubi … wala nang mga patango at mga tikri, at mga alitaptap. Wala nang makunan ng tubig na malamig at matamis na dumadaloy sa bukal, at hindi sa gripo. Masyado nang masikip ang mga kabahayan at kabihasnan.
Nguni’t hindi ito ang tunay na trahedya. Ang trahedya ay hindi na rin tayo marunong makipagtulungan sa nagsasabog ng binhi. Tulad na batuhan at dawagan, ang lupang tigang na hindi na marunong makipagtulungan ay hindi nakapagkakaloob tulad ng kung ano siya tumanggap.
Ang tanong sa atin ngayon ay ito … anong uri ng lupa baga tayo, at anumang uri, tayo ba ay handang kumabig lamang o magkaloob rin ng sukli sa bukal ng biyaya na ating Panginoon at Diyos? Tayo ba ay parating lupang tigang, lupang uhaw na walang kakayahang magbunga o lupang handang tumanggap at handa ring magkaloob ng sukli sa Kanyang pinagmulan ng lahat ng kabutihan?