frchito

Archive for Pebrero, 2012|Monthly archive page

BAGONG LANDASIN TAHAKIN; LUMA AY LIMUTIN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon B on Pebrero 15, 2012 at 20:24

Ika-7 Linggo ng Taon (B)
Pebrero 19, 2012

Mga Pagbasa: Isa 43:18-19.21-22.24-25 / 2 Cor 1:18-22 / Marco 2:1-12

Iisang larawan ang naglalaro sa isipan ko habang sinusulat ko ang pagninilay na ito, (sa harapan ng TV habang nanonood sa pinaka bagong telenovela sa Pilipinas, ang impeachment trial!). Ang larawang ito ay may kinalaman sa “landas,” o “butas” o pamamaraan o daanan.

Una sa lahat, isa munang kumpisal … sa buhay natin ngayon, marami tayong dahilan upang tanggapin ang mapait na katotohanang ang daan ay kumikipot sa maraming antas at aspeto ng buhay natin. Marami tayong halimbawa rito: ang hanging nahahaluan na ng kung ano-anong lason … ang tubig na hindi na tayo ngayon nakatitiyak kung ang kadalisayan ang pag-uusapan; ang palasak na katiwalian sa loob at labas ng pamahalaan, sa bawa’t sulok ng lipunan natin na pinamumugaran ng taong malalayang tulad natin lahat.

Kumikipot ang daan, naglalaho ang lagusan … at tila sa maraming pagkakataon, wala tayong masulingan; wala tayong mapuntahan. Parang ang lahat ng landas ay nababarahan, nahaharangan.

Ito ang katatayuan ng paralitiko sa ebanghelyo. Marami ang nangangailangan kay Jesus. Marami ang umaasa, at lalung marami ang naghihintay. Puno na ang tahanan, wala nang lagusan, at wala nang madaanan patungo sa loob.

Ito ang nagbibigay sa akin ng kalungkutan. Kumikipot, hindi lamang ang lagusan, kundi, pati halos lahat ng iniikutan natin sa buhay, sa mundong ito na nababalot ng sari-saring mga kasakiman at pagpapahirap sa kapwa.

Subali’t sa kabila ng lahat ng ito, ang araw na ito na ginawa ng Panginoon, ay may taglay na magandang balita para sa ating lahat na kung minsan ay pinapanawan na ng pag-asa.

Narito ang buod ng magandang balitang ito: “Ako’y magbubukas ng isang landasin sa gitna ng ilang, maging ang disyerto ay patutubigan.” Mga kataga itong nakapagpapainit ng puso at damdamin, mga pangakong bitaw ni Isaias sa Lumang Tipan, na naging makatotohanan sa Bagong Tipan.

Tuwing tayo ay magtitipon sa araw ng Linggo, ito ang pinakaaabangan natin, ang tunghayan ang mga nagaganap sa kapaligiran sa panahong kasalukuyan upang ito ay masinagan ng liwanag ng ebanghelyo, at magkaroon ng katuturan, pati ang mga bagay na tila walang katuturan, tila walang kahulugan.

Kasama rito ang katotohanang ang mga daanan natin ay kumikipot … katumbas sa daanan ni Juan Bautista na baku-bako at liku-liko.

Subali’t ito bang pagkakaloob ng Diyos ng daan ay isang pananagutan lamang ng Diyos? Siya lamang ba ang dapat gumawa ng paraan upang ang “patubig” na pangako niya para sa ilang ay masaganang dumaloy?

Hindi ito ang aking basa sa mensahe ng ebanghelyo. Totoo na magbubukas ang bubong. Totoo na gagawa siya ng daan. Subali’t ito ay magaganap kung mayroong pagkukusa at pakikipagtulungan ang tao. Mabubuksan lamang ang bubungan kung mayroong magagandang-loob na handang tumulong sa paralitiko, handang magbuhat sa kanya pataas ng bubong, at handa ring gumawa ng lagusan sa kisame. Hindi Diyos lamang ang taya dito. Hindi puedeng Siya lamang ang gagawa ng paraan.

Malinaw na kailangan rin nating magtaya, mamuhunan, at kumilos. Maliwanag na nasa Diyos ang awa, subali’t nasa atin ang gawa.

Pero mayroon pang isang mahalagang bagay tayong pakatandaan. Ang pagkipot ng daanan, ang pagkasira ng kalikasan, ang pagbabago ng klima sa buong mundo ay nababatay sa iisang katotohanan lamang. Walang iba ito kundi ang ating pagkamakasalanan. Ang lahat ay nagmumula, nag-uugat, at nagsasanga-sanga lamang dahil sa kasalanan ng tao.

Hindi lamang isang kwentong nakapagpapagaan ng damdamin ang narinig natin sa mga pagbasa. Kailangan rin nating gumawa. Kailangan natin ang maging tapat, at hindi mga taong nagsasalawahan sa tuwina, at namamangka sa dalawang ilog, na ang sagot ay hindi mo maintindihan kung “oo” o “hindi.” Kailangang matibay at buo ang loob sa paglapit sa Panginoon, tulad ng paralitikong, gumawa ng lahat, at nagsikap nang walang puknat, makatagpo lamang si Jesus, maski na sirain at butasin ang bubong at kisame ng bahay.

Nguni’t ano ang tugon ni Jesus? Hindi lamang kagalingan. Hindi kagya’t pagpapagaling sa paralisis. Ang una niyang ginamot ay ang batayan at ugat ng lahat ng nagpapakipot sa landas ng buhay, sa lahat ng nagbabara sa daraanan ng biyaya ng Diyos. Pinatawad niya muna ang kasalanan ng paralitiko. At matapos nito ay kanyang sinabihan: “tumindig ka, dalhin ang higaan, at lumakad ka.”

Ito ang bagong landasin na kaloob ng Diyos. Ito ang bagong daan, hindi dating daan, na dapat natin bigyang pansin. At para matahak ang bagong landasing ito, kailangan nating iwaksi, isiphayo, at limutin ang lahat ng luma, ang lahat ng masama, ang lahat ng kasangga ng kabutihan at kaganapan ng buhay na dulot ni Kristong Panginoon.

Hala! Tumindig na! Tahakin ang bagong landasin; ang lahat ng luma ay limutin!

KATUBUSAN, KALUGURAN … NOW NA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Tagalog Homily, Taon B, Uncategorized on Pebrero 9, 2012 at 21:07

Ika-6 na Linggo ng Taon B

Pebrero 12, 2012

Mga Pagbasa: Lev 13:1-2.44-46 / 1 Cor 10:31-11:1 / Mc 1:40-45

 

Mahaba-haba na ring panahon ang itinigil ko sa mundong ibabaw. Hindi na ako isang bisirong nanginginain sa parang, na tila walang kapapaguran sa mga nagaganap sa kapaligiran. Marami-rami na rin akong napagdaanan … mga pagsubok sa nakalipas na panahon, na naging tuntungan ko at ng marami pa, upang patuloy na umasa, patuloy na magtiwala, na, sa kabila ng lahat, ay may pinilakang alapaap na nagkukubli sa likod ng madidilim na ulap ng pagkabigo at pagkasiphayo ng tigib ng pag-asang mga pangarap sa panahong lumipas.

 

Lagi kong bukambibig sa aking mga estudyanteng tinuturuan … tila yata ako ay isinilang sa ibang bansa. Ngayon, sabi nga nila, “it’s more fun in the Philippines … holdufun, kidnafun, carnafun,” atbp … nang ako ay lumalaki sa probinsiya, na hindi lalampas sa 60 kilometro ang layo sa Maynila, panay kaluguran ang aking nararanasan. Sariwang hanging … sariwang gulay, na pipitasin mo lamang kapag “nasulak” (kumukulo) na ang tubig, mga pansahog sa nilulutong hindi na kailangang bilhin, kundi hinahanap sa bakuran, o hinihingi sa “kahanggan” o kapitbahay.

 

Isang malaking kaluguran ang mamuhay noon sa Pilipinas … walang maruming usok, walang nakasusulasok na buga ng maiingay na traysikel o kuliglig, na walang sinusundang batas trapiko.

 

Nguni’t isa sa hindi makatkat sa aking isipan ay ang kaluguran maski na sa mga sandaling may sakit ako bilang bata. Habol ako ng hagod ng lola ko, sa likod, sa batok at sa mga masasakit na kasu-kasuan. Wala siyang dulot liban sa saltin (crackers) at Tru-orange, o nilugaw na walang lasa, pero hindi iyon ang mahalaga …

 

Ang mahalaga ay ang hagod sa likod … ang mahalaga ay ang damang katubusang nagmumula sa kalugurang ako ay mahal na mahal, at pinagmamalasakitan. Mababaw ang aking kaligayahan, kumbaga. Nakukuha sa hagod, nadadala sa haplos, na sagisag ng kaligtasang  dulot ng kabatirang ikaw ay may kaugnayan, may kaniig na nagmamahal sa iyo nang walang pasubali.

 

Ito marahil ay isang malinaw na larawan ng magandang balita sa araw na ito.

 

Lahat tayo ay nagdadaan sa iba-ibang uri ng kapansanan. Lahat tayo ay nagkakasakit. Lahat tayo ay nanghihinawa, napapagod, nawawalan kung minsan ng pag-asa, at nanlulumo sa kawalan ng kaluguran sa ating pamumuhay sa lipunan nating punong-puno ng suliranin.

 

Inaamin ko … masahol pa sa ketong ang pinagdadaanan ko. Mabigat ang aking damdamin sa mga pasakit na hatid ng mga trahedyang nagaganap na tila sunod-sunod sa bayan natin … Sendong … lindol … at ang kawalan ng kaisahan sa lipunan, ang magulong mga usaping ang puno at dulo ay kasakiman, at pagkagahaman sa kapangyarihan ng tao … bawa’t isa sa atin, pati na rin ang mga naglilingkod sa atin.

 

Ang ketong ng kasalanan ay patuloy na nagdudulot ng kawalan ng kaluguran sa buhay natin at ng buong lipunan. Kailangan natin ng hagod ng Diyos. Kailangan natin ng haplos ng Kanyang mapanligtas na dampi ng mga kamay na naghahatid ng katubusan, bukod sa kaluguran!

 

Ito ang magandang balitang pinanghahawakan ko. Ito ang nakalulugod na hagod ng mga kamay na mapagligtas ni Kristong nagpagaling sa ketongin sa ebanghelyo. Ito ang katubusang ating inaasam, balang araw …. Pagdating ng tamang panahon!

 

Nguni’t kailangan natin bumaling sa Kanya. Sa unang pagbasa, ito ang utos ni Moises … ang may ketong ay dapat raw pakita sa pari, upang mabigyan ng babala ang iba, ang lumayo sa angking karumihan ng isang ketongin. Sa ikalwang pagbasa, payo sa atin ni Pablo, na anuman ang gawin natin, anuman ang sapitin natin, kumain man tayo o uminom, ang lahat ay dapat laging patungkol sa kanya.

 

Kailangan natin bumaling sa Panginoon, tulad ng ketongin. Kailangan natin manikluhod at magmakaawa. Now na … sabi nga ng mga bata ngayon.

 

Now na … sa panahong tayo ay nagkakawatak-watak sa magkakaibang mga pananaw…

 

Now na … sa panahong tayo ay sinasagian ng matinding pangamba at takot dulot ng trahedyang natural o gawa natin mismo … Now na … sapagka’t gaya nga ng sinaad sa Lucas 7:16, narito at dumating na, isang dakilang propeta, sugo ng Diyos sa bayan niya.”

 

Now na … lumapit tayo sa kanya at hayaan siyang hagurin tayo, at haplusin ng kalugurang hatid ng ganap niyang katubusan!