frchito

Posts Tagged ‘Katubusan’

MAY “K” KA BA?

In Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Uncategorized on Pebrero 27, 2016 at 07:57

1600px-Ficus_Carica_1

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]
Ikatlong Linggo ng Kwaresma Taon K
Pebrero 28, 2016

MAY “K” KA BA?

Noong bata pa si Sabel, ika nga, ang Royal Tru-Orange ay merong pulp bits daw. At tunay ngang merong parang tunay na kahel sa inuming nabanggit. Ang totoo ay may patunay, may nakikita at nalalasap na anumang nagbibigay patotoo sa sinasabing tunay na orange.

Noong nagpakilala ang Panginoon kay Moises, may katumbas ng pulp bits. May apoy na nagdaig na hindi nauubos. Nagpamalas ang Diyos sa anyo ng apoy sa palumpong na hindi natutupok. Pero hindi apoy ang aking paksa sa pagninilay na ito.

Ang gusto ko sanang bigyang-pansin sa araw na ito ay ang KALINGA AT KATUBUSAN na dulot ng Diyos na siyang dahilan kung bakit siya nagpakita kay Moises. Malinaw ito sa unang pagbasa. Nakita raw, aniya, ng Diyos ang matinding paghihirap ng mga Israelita sa mga kamay ng mga Egipcio. Narinig daw niya, diumano, ang kanilang mga iyak at pighati. Kung kaya’t hindi siya nag-atubiling bumaba upang sila ay iligtas.

Ito ang tunay na pag-ibig ng Diyos … parang Royal tru-orange. May pulp bits. May patunay. May patotoo. Pero hindi lamang katotohanan ang hatid sa unang pagbasa. May isa pang K – KALINGA.

Sinugo ng Diyos si Moises. At nang tanungin ni Moises kung sino siya, sinabi niya: Ako’y si Ako nga. Sabihin mong sinugo ka ni Ako Nga , ng Diyos ng iyong mga ninuno, ng Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob.”

Ang kalingang ito ay bunga, hindi lamang ng mga katagang madamdamin, kundi bunga ng tunay na awa at habag ng Diyos. “Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos, kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.”

Pero ang tunay na kalinga ay meron rin karampatang tungkulin – ang pananagutan. Ito naman ang sabi ni Pablo sa mga taga Corinto: “Ang mga nangyaring ito ay babala sa atin upang huwag tayong magnasa ng mga masasamang bagay, gaya ng ginawa nila.” Ang pag-ibig rin natin sa Diyos ay dapat tunay, hindi lang dama. May K rin – katotohahan, na katumbas ng pulp bits.

Noong kami ay mga bata pa, may isang malaking lalaking bigla na lamang dumating sa aming maliiit at tahimik na bayan. Wala siyang matuluyan. Hindi niya alam ang kanyang pinagmulan. Ang alam lamang niya ay tumakas siya sa Death march sa Bataan, at liban dito ay wala na siyang ibang natatandaan sa sarili. Ang Kakang Gorio ay dumating na lamang sa aming bahay at humingi ng tulong sa mga magulang ko.

Pinatuloy siya sa amin. At ang kapalit ng pagmamahal at kalinga na ipinagkaloob sa kaniya ay ang masipag at masinop niyang pagtulong sa sinasaka ng aking Ama sa Tagaytay. Naging masipag siya at mapagmalasakit. Nagsikhay at nagbanat ng buto, bukod sa nag-alaga sa aming mga bata.

Ang kalinga at pagmamahal na tinanggap niya ay namunga ng pagmamalasakit. Tulad ng punong igos na inalagaan, siya ay nagsukli ng bunga, at nagpamalas ng tunay na pag-ibig na may K – karangalan, katapatan, kasipagan at pagmamalasakit sa aming pamilya.

Hindi na kailangang taningan ng mga magulang ko ang Kakang Gorio. Namunga siya nang marami. Isa siyang malinaw na halimbawa ng hinihingi sa atin ngayon ng Diyos – ang mamunga dahil sa K ng Diyos. Dahil sa kalinga at malasakit ng Diyos, tayo ay hinihingan rin ng bunga para sa ibang tao at para sa daigdig na iniikutan natin.

Sabi natin matapos ng unang pagbasa: Ang ating mahabaging Diyos ay nagmamagandang-loob. Nagpakita siya ng K – kalinga at katapatan sa kanyang mga kinilala bilang mga anak ni Abraham.

Ano ang sukli natin sa kanya? Ano ang bunga ng lahat ng ito para sa ikabubuti ng ibang tao? May K rin ba tayo?

Advertisement

KATUBUSAN, KALUGURAN … NOW NA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Tagalog Homily, Taon B, Uncategorized on Pebrero 9, 2012 at 21:07

Ika-6 na Linggo ng Taon B

Pebrero 12, 2012

Mga Pagbasa: Lev 13:1-2.44-46 / 1 Cor 10:31-11:1 / Mc 1:40-45

 

Mahaba-haba na ring panahon ang itinigil ko sa mundong ibabaw. Hindi na ako isang bisirong nanginginain sa parang, na tila walang kapapaguran sa mga nagaganap sa kapaligiran. Marami-rami na rin akong napagdaanan … mga pagsubok sa nakalipas na panahon, na naging tuntungan ko at ng marami pa, upang patuloy na umasa, patuloy na magtiwala, na, sa kabila ng lahat, ay may pinilakang alapaap na nagkukubli sa likod ng madidilim na ulap ng pagkabigo at pagkasiphayo ng tigib ng pag-asang mga pangarap sa panahong lumipas.

 

Lagi kong bukambibig sa aking mga estudyanteng tinuturuan … tila yata ako ay isinilang sa ibang bansa. Ngayon, sabi nga nila, “it’s more fun in the Philippines … holdufun, kidnafun, carnafun,” atbp … nang ako ay lumalaki sa probinsiya, na hindi lalampas sa 60 kilometro ang layo sa Maynila, panay kaluguran ang aking nararanasan. Sariwang hanging … sariwang gulay, na pipitasin mo lamang kapag “nasulak” (kumukulo) na ang tubig, mga pansahog sa nilulutong hindi na kailangang bilhin, kundi hinahanap sa bakuran, o hinihingi sa “kahanggan” o kapitbahay.

 

Isang malaking kaluguran ang mamuhay noon sa Pilipinas … walang maruming usok, walang nakasusulasok na buga ng maiingay na traysikel o kuliglig, na walang sinusundang batas trapiko.

 

Nguni’t isa sa hindi makatkat sa aking isipan ay ang kaluguran maski na sa mga sandaling may sakit ako bilang bata. Habol ako ng hagod ng lola ko, sa likod, sa batok at sa mga masasakit na kasu-kasuan. Wala siyang dulot liban sa saltin (crackers) at Tru-orange, o nilugaw na walang lasa, pero hindi iyon ang mahalaga …

 

Ang mahalaga ay ang hagod sa likod … ang mahalaga ay ang damang katubusang nagmumula sa kalugurang ako ay mahal na mahal, at pinagmamalasakitan. Mababaw ang aking kaligayahan, kumbaga. Nakukuha sa hagod, nadadala sa haplos, na sagisag ng kaligtasang  dulot ng kabatirang ikaw ay may kaugnayan, may kaniig na nagmamahal sa iyo nang walang pasubali.

 

Ito marahil ay isang malinaw na larawan ng magandang balita sa araw na ito.

 

Lahat tayo ay nagdadaan sa iba-ibang uri ng kapansanan. Lahat tayo ay nagkakasakit. Lahat tayo ay nanghihinawa, napapagod, nawawalan kung minsan ng pag-asa, at nanlulumo sa kawalan ng kaluguran sa ating pamumuhay sa lipunan nating punong-puno ng suliranin.

 

Inaamin ko … masahol pa sa ketong ang pinagdadaanan ko. Mabigat ang aking damdamin sa mga pasakit na hatid ng mga trahedyang nagaganap na tila sunod-sunod sa bayan natin … Sendong … lindol … at ang kawalan ng kaisahan sa lipunan, ang magulong mga usaping ang puno at dulo ay kasakiman, at pagkagahaman sa kapangyarihan ng tao … bawa’t isa sa atin, pati na rin ang mga naglilingkod sa atin.

 

Ang ketong ng kasalanan ay patuloy na nagdudulot ng kawalan ng kaluguran sa buhay natin at ng buong lipunan. Kailangan natin ng hagod ng Diyos. Kailangan natin ng haplos ng Kanyang mapanligtas na dampi ng mga kamay na naghahatid ng katubusan, bukod sa kaluguran!

 

Ito ang magandang balitang pinanghahawakan ko. Ito ang nakalulugod na hagod ng mga kamay na mapagligtas ni Kristong nagpagaling sa ketongin sa ebanghelyo. Ito ang katubusang ating inaasam, balang araw …. Pagdating ng tamang panahon!

 

Nguni’t kailangan natin bumaling sa Kanya. Sa unang pagbasa, ito ang utos ni Moises … ang may ketong ay dapat raw pakita sa pari, upang mabigyan ng babala ang iba, ang lumayo sa angking karumihan ng isang ketongin. Sa ikalwang pagbasa, payo sa atin ni Pablo, na anuman ang gawin natin, anuman ang sapitin natin, kumain man tayo o uminom, ang lahat ay dapat laging patungkol sa kanya.

 

Kailangan natin bumaling sa Panginoon, tulad ng ketongin. Kailangan natin manikluhod at magmakaawa. Now na … sabi nga ng mga bata ngayon.

 

Now na … sa panahong tayo ay nagkakawatak-watak sa magkakaibang mga pananaw…

 

Now na … sa panahong tayo ay sinasagian ng matinding pangamba at takot dulot ng trahedyang natural o gawa natin mismo … Now na … sapagka’t gaya nga ng sinaad sa Lucas 7:16, narito at dumating na, isang dakilang propeta, sugo ng Diyos sa bayan niya.”

 

Now na … lumapit tayo sa kanya at hayaan siyang hagurin tayo, at haplusin ng kalugurang hatid ng ganap niyang katubusan!