frchito

Posts Tagged ‘Kaisahan’

PUSPUSIN ANG KALOOBAN NG TANAN!

In Uncategorized on Mayo 25, 2012 at 20:39

Image

Linggo ng Pentekostes

Mayo 27, 2012

 

Di miminsang sumasagi sa buhay natin ang panghihinawa. Di maikakailang ang buhay natin ay parang gulong … minsan nasa ibabaw, minsan nasa ilalim. Di natin maitatatwa ang katotohanang minsan, tayo ay nagkakamali ng palagay, nalilihis ng landas, at nabubulagan sa mga bagay-bagay at mga pangyayari sa buhay.

Nangyari ito sa mga Judio nang si Jesus ay maluwalhating pumasok sa Jerusalem. Nagbunyi sila at nagsaya. At bakit hindi? Dumarating ang Hari ng Israel. Pumapasok ang manliligtas, ang maghahatid sa kanila palabas sa mga matatalim at matatalas na kuko ng mang-uusig. Hosana sa Anak ni David! Hosana sa kaitaasan! Ito ang kanilang sigaw at awit.

Subali’t ang kanilang galak ay napalitan ng galit at pagkamuhi sa loob ng ilang araw. Ang osana ay naging ipako. Ang pagbubunyi at nauwi sa pagkamuhi.

Nagkamali ang marami. Nagbago ang simoy ng hangin. Napako sa krus ang inaasahang manliligtas.

Subali’t ang maling akala ay puede laging itama at iwasto. Naganap ito nang muling nabuhay si Jesus. Tama ang kanilang paniwala. Si Jesus nga ang Mesiyas. Mali ang kanilang tinanggap na totoo. Siya ay manliligtas nga, nguni’t sa kaparaanang hindi nila inaasahan.

Napalitan ng tuwa ang kanilang naramdaman nang muling nabuhay si Jesus. Isang panibagong pag-asa. Isang panibagong tulak … Isa pang muling panimula sa pagtahak tungo sa kaliwanagan.

Ang aking Ama, sa pagdapit sa paglubog ng araw ng kaniyang buhay ay isang diabetiko. Bagama’t maingat siya sa kaniyang pagkain, may mga pagkakataong biglang nanghihina, biglang parang nauupos na kandila. Sa mga sandaling ito, kailangan niya ng isang mabilis na turok, kumbaga … Sa pagbagsak ng level ng sugar sa dugo, ay walang solusyon liban sa madaliang pag-inom ng anumang matamis – coke o candy, upang manumbalik ang lakas. Sa katawang naghihina, ang katapat ay isang pampalakas, pangpanumbalik ng katatagan ng katawan.

Mababa ang level ng blood sugar ng bayan natin ngayon. Kay raming pagkamuhi. Kay raming pagbibintang at kay rami ring pagkokondena. Matinis ang mga hiyawan ngayon, ang mga pukulan, ang bintangan, at mga paratangan. Wala tayo halos tiwala sa isa’t isa, at ang bayan natin ay parang isang kandilang tila nauupos, humuhulagpos, at inuubos ang lakas na panloob, at napapalitan ng galit at poot.

Mababa rin ang blood sugar ng aking espiritwalidad ngayon. Nagsasawa ako sa maraming bagay. Nanghihinawa ako sa paggawa ng mabuti yamang pati ang mabuti mong nais ay binabasahan ng masamang intension. Nanlalamig at nanlulumo ang kalooban ko sa pagkamalas kung paano ang lahat ay sumisigaw para sa katotohanan, gayong nakapagpasya na sila kung ano ang totoo, at gayong napagdesisyunan na nilang ang totoo ay kung ano ang akma sa kanilang napili na at naako.

 

Sa kabila ng lahat ng ingay, at nagpupuyos na damdamin, tuloy pa rin ang korupsyon, kasinungalingan, at panlilinlang sa lipunan.

Nais kong isipin na isang matinding tulak ang kailangan natin lahat sa araw na ito.

Pero nais ko ring isipin na ang kapistahan natin ngayon ay walang iba kundi ito – ang isang iniksyon sa kalooban, ang isang turok sa kaibuturan ng kaluluwa at puso natin, upang muling bumangon, upang muling lumakas, at muling magsikap tungo sa kaisahan.

Nagkawatak-watak ang mga disipulo nang si Kristo ay napako sa krus. Kahit noong muling nabuhay, mayroon pa ring nag-alinlangan, nag-atubili, at nagkubli sa Senakulo. Sa takot nila, nagtago sila sa kwarto sa itaas, malayo sa tao, malayo sa mga mapagtanong at mapag-usisa.

Dito, sa grupong nahihintakutan, at pinanawan ng lakas, dumating at bumaba ang Espiritu sa bawa’t  isa.

Sa isang grupong tila nawalan ng tapang, bumaba ang apoy na nagpa-alab sa kanilang puso. Sa grupong hindi man lang magkaisa sa iisang salita, sa iisang puso at kaisipan ay dumatal ang Espiritu ng Kaisahan.

Kailangan ka namin, O Banal na Espiritu. Kailangan namin ang iyong kaisahan, ang iyong kalakasan at ang iyong kaliwanagan. Malayo pa kami sa kaisahan. At lalu kaming malayo sa kapayapaan. Nagkawindang windang ang bayan namin dahil sa politika. Nagkasira-sira ang samahan namin dahil sa pagkamakasarili at kasakiman. Pati mga magkakamag-anak ay nagka-away-away dahil sa kasakiman sa pera. Ang buhay political namin ay nauwi na lamang sa pagsasamantala sa mga mangmang at mga mahihirap at walang kaya.

Halina Espiritu Santo. Halina at muli kaming bigyan ng lakas. Patatagin ang pagnanasa namin sa kabutihan. Pag-igihin at pag-ibayuhin ang kalooban namin. Puspusin Mo ang kalooban ng tanan!

Tai, Mangilao, GUAM – Mayo 25, 2012

BANTAY-GABAY O BANTAY-SALAKAY?

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Agosto 29, 2011 at 13:14

Ika-23 Linggo ng Taon(A)
Setyembre 4, 2011

Mga Pagbasa: Ezekiel 33:7-9 / Roma 13:8-10 / Mateo 18:15-20

Mahirap ang magmalasakit sa kapwa. Kung minsan, sa iyong pagmamalasakit, ikaw pa ang masama sa bandang huli. Sa aking hindi na maikling kasaysayan, na mas mahaba na ang nagdaan kaysa sa darating pa, may ilan rin naman akong karanasan tungkol dito. Gumawa ka ng maganda at may magsasabi ng kung anong hindi maganda, na hindi man lamang sumagi sa iyong guni-guni … Di ba talangka mentality ang tawag dito?

Nguni’t tulad ni Exequiel sa unang pagbasa, may taong inaatangan ng pananagutan sa kapwa, para sa kapakanan ng iba, at hindi ng sarili. Si Exequiel ay siyang naatangan upang maging isang bantay, isang gabay, isang may malasakit para sa bayan ng Diyos.

Nakakalungkot na ang sinasapit ng Simbahang Katoliko ay puro paninira at paninisi … Sa kanyang kagustuhang maging bantay-gabay ng tunay at wagas na kapakanan ng sangkatauhan, sari-saring bansag ang ipinupukol sa kanya. Sa kanyang pagnanais na pangalagaan ang pangkalahatang kapakanan, at higit na malawak na kabutihan ng bayan, inuusig siya at sinisiil, pati ng mga taong nagsasabing sila raw ay katoliko.

Pananagutan ang kanyang pasan … Ngunit iba ang pananagutan at ang sagutin. Sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, ipinapayo niya na wala dapat tayong sagutin sa isa’t isa, liban lamang sa iisang bagay – ang pag-ibig. Wala raw tayo dapat anumang utang sa kapwa, kundi ang pagkakautang ng pag-ibig.

Sa totoo lang, ito ang talagang mahirap gawin. Sinuman sa inyo na nakakabasa nito at nakarananas ng aking naranasan ay sasang-ayon sa akin … Mahirap mahalin ang nagpapahirap sa iyong buhay. Mahirap patawarin ang nag-uusig sa iyo nang walang habas at walang dahilan. Mahirap ngumiti kapag ikaw ay niyayapakan o niyuyurakan kahit wala kang ginawang masama.

Malamang na tulad ni Jeremias, si Exequiel ay nakatikim rin ng lahat ng ito.

Sa ating panahon, hayagan na at palasak ang lahat ng uri ng pagkamakasarili at paghahanap ng sariling kapakanan lamang. Mayroon ngayong tinatawag na “narcissism epidemic” o laganap na kultura ng pagkamakasarili, ayon sa mga sikolohistang tanyag at bihasa. Ang kalinangan ngayon ng kabataan ay umiinog sa paghahanap ng sariling ginhawa at pagpapasasa. Walang iniisip na komunidad, o samahan, o ang pangangalaga sa kapakanan ng kapwa.

Sa panahon natin, kay raming nagsasabing sila raw ay naglilingkod sa bayan. Nguni’t hindi maglalaon at napapagtanto nating sila ay hindi bantay-gabay kundi mga bantay-salakay – mga taong nagsasamantala sa kamangmangan o kahinaan ng iba.

Wala nang lalayo pa sa kalinangang isinusulong ng Simbahan at ng Ebanghelyo. Hindi pagsasarili ang turo ng ebanghelyo, kundi ang pagsasama-sama. “Kung saan may dalawa o tatatlo na nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.

Hindi madali ang magpatawad. Subali’t lalung mahirap kung tayo ay lubos na makasarili. Ang pagkamakasarili ay nakikita sa kakulangan ng kakayahang makita ang pananaw ng kapwa, ang kawalang kakayahang makaunawa ng paningin ng iba, at ang patuloy na pagsisikap upang bumagsak o malugmok ang iba sa paghihirap.

Sa araw na ito, gusto nating alalahanin ang lahat ng mga bantay-gabay: ang mga namumuno, ang mga may pananagutan, ang mga nanunungkulan, ang mga may hawak na kapangyarihan, ang mga naglilingkod sa kapwa sa pamamagitan ng pamumuno saan man, sa pamahalaan man o sa simbahan.

Hiling natin sa Diyos na matulad nawa silang lahat sa halimbawa ni Exequiel, sa halimbawa ni Hesukristo, sa halimbawa ng Beato Juan Pablo II, at marami pang iba.

Nguni’t hiling rin natin na tayo na nasa ilalim ng mga naglilingkod ay matutong magbuklod hindi bunsod ng pagsalungat sa namumuno, kundi ang matuto sa paanan ng Panginoong Hesukristo na siyang nagpapaalaala sa atin: “Saanman may dalawa o tatlo na nagkakatipon sa ngalan ko, naroon akong kasama nila.”

Ito ang isa sa mga palatandaan ng pagiging tunay na bantay-gabay – ang pamumuno kasama at sa ngalan ng Panginoon, at hindi ng sarili.

P.S. Hindi ako tiyak na makakapag-post sa darating na tatlong linggo dahil sa isang mahabang lakbayin na palipat-lipat ang lugar sa Europa. Gayunpaman, sisikapin ko pa ring gawin ito.