Unang Araw ng Simbang Gabi (K)
Disyembre 16, 2012
Mga Pagbasa: Sofonias 3:14-18a / Filipos 4:4-7 / Lucas 3:10-18
TIWALA SA ISANG DAIGDIG NA TILA PAKAWALA!
Simbang gabi na naman. Noong isang taon, sinikap kong gumawa ng isang pagninilay sa bawa’t araw ng simbang gabi, kahit ako ay nasa Guam at walang simbang gabing pinoproblema noong panahong iyon.
Sa taong ito ng pananampalataya, nais ko sanang bigyang pansin ang may kinalaman sa pagpapayaman ng ating pananampalataya. Bakit ba, maitanong naman ninyo?
Maraming dahilan … Una sa lahat, ayon sa mga pag-aaral, kung hindi tayo magigising sa katotohanan, sa loob ng apatnapung taon, hindi na tayo kasing maka-Diyos tulad panahong nagdaaan, o panahong pangkasalukuyan. Dama na natin ang katotohanang namiminto sa ating lipunan. Alam ng lahat ito … Hirap nang magsimba, hirap nang makinig, hirap nang magnilay at magtiwala ang mga kabataan sa nagaganap sa Misa, o sa mga turo ng Simbahan.
Ikalawa, ang kultura o kalinangan ng bayan natin, lalu na’t may kinalaman sa mga kabataan ay tila pakawala. Wala nang batas. Wala nang tama o mali. Ang tama o mali ay isa lamang imposisyon mula sa labas. Ang totoo at tama ay batay sa puso ng bawa’t isa. Boyzone culture, ika nga … whatever they teach us, what I believe is true!
Maraming tanda na ang kultura ngayon ay pakawala. Wala nang nagigimbal na anumang kakaiba, anumang hindi palasak, o anumang hindi ayon sa takbo ng pagpapahalaga ng lipunan. Nang pumasok ang mga call centers, nabago ang kultura. Nabago ang kahulugan ng pakikipag –kaibigan. Nabago rin ang mga alituntunin ng pakikisalamuha sa kapwa. Sa daigdig ng social networking, nabago rin ang kahulugan ng salitang “friend.”
Tingnan natin sumandali ang mundo ni Sofonias. Hindi alam ng marami ito, pero si Sofonias ang unang nagwika tungkol sa kakila-kilabot na araw ng pagdatal ng ganap na araw – kahindik-hindik na takot ang sagisag na binanggit niya sa pagdating ng Mananakop. Ang araw na yaon ay isang kagimbal-gimbal na araw na kung tawagin sa Latin ay “dies irae,” ang araw ng matinding galit ng Diyos.
Parang pakawala rin ang kanyang mga salitang nakatatakot … bagay sa isang sitwasyong tila pakawala rin, at walang kahulugan.
Subali’t si Sofonias ang nagwika ng mga katagang puno ng pag-asa, puno ng kagalakan, puno ng pangako. May tiwala pa rin siya, bagama’t ang panahon ay tila pakawala!
Tingnan rin natin si San Pablo. Kung ang bagyong Pablo ay isang matinding pakawala ng tadhana na pumatay sa marami, si San Pablo naman ay nakaranas ng mapait na pagkakulong, kung saan siya nagwika rin ng matimyas at matatamis na salita rin ng wagas na kagalakan: “Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko: magalak kayo.” Sa isang katatayuang lubos na pakawala at tila walang kabuluhan, nakuha pa niyang mangaral, magtiwala, at sumampalataya.
Ano ba sa inyong pakiwari ang gusto kong tumbukin dito?
Simple lang po. Nasa taon tayo ng pananampalataya. Isang taon kung kailan gusto nating liwanagin, linangin, at palalimin ang ating pananampalataya. Hindi na puede ngayon ang mababaw na pang-unawa. Sa panahon natin, talamak ang kababawan. Marami sa atin ay konting konti lamang ang kabatiran at pagkaunawa sa pananampalataya. Kung kaya, ang daming naliligaw, nasasapawan, at nayuyurakan dahil sa kababawan.
Ano bang mensahe ang pahatid kaya sa atin ni Sofonias, ni Pablo at ni Juan Bautista?
Nais kong isipin na ito rin ang pahatid ni San Pedro Calungsod. Hindi sapat ang malaman kung ano ang turo ng simbahan. Dapat rin natin itong gawin. Hindi sapat ang magwika tungkol sa darating na araw ng Panginoon, tulad nang ginawa ni Sofonias. Nagwika rin siya ng wagas na pag-asa, kagalakan, at matimyas na katuwaan sa darating na katuparan ng pangako.
Marami tayong pinagdadaanang problema. Ang dami ng namatay at naghihirap pa rin sa Compostela Valley. Sa kaguluhang nangyayari, parang pakawala ang mundo sa kahirapan, sa kaguluhan, at kawalang kaayusan, tulad ng naganap sa Connecticut, kung saan higit sa 20 ang namatay.
Sa unang araw ng simbang gabi, nais ko sanang makibagay tayo sa turo at aral nina Sofonias, Pablo at Juan. Pakawala man ang panahon, tiwala pa rin ang ating tugon!
Huwag tayong manghinawa. Patuloy nawa tayong sumulong tungo sa isang makabagong pagbangon, sa taong ito ng pananampalataya.