Ika-6 na Araw Simbang Gabi (K)
Disyembre 21, 2012
Mga Pagbasa: Awit 2:8-14 / Lucas 1:39-45
PIGLAS-PUNYAGI NG PAG-IBIG!
Parang isang soft-porn na nobela ang unang pagbasa. Isang usang-gubat na nag-aasam masilayan ang napupusuan ang nagpupuyos, nagpupumiglas, nagtatatalon, naglululukso, makita lamang ang minamahal. Walang anumang maaaring makahadlang sa isang pusong nagmamahal. Gagawa at gagawa ng paraan upang makapiling ang mahal sa buhay. Bakas ang kagalakan … kitang-kita ang kaligayahan.
Di ba’t ito ang dahilan kung bakit sa mga araw na ito ang mga eroplanong galing sa iba’t ibang sulok ng mundo na lulan ay mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa, ay punong puno ng masasayang mga Pinoy na pauwi upang makapiling ang pamilya sa mga araw ng kapaskuhan?
Sinumang may pitak sa puso para sinuman ay may puwang rin sa isipan at gawain. Hindi lamang lukso ng puso ang dama, pati mga kamay at lahat ng bag ay puno rin ng pasalubong. Ang pag-ibig at pagtatalaga ng sarili sa mahal sa buhay ay laging may patunay, laging may patibay.
Mahigit kalahati na tayo ng simbang gabi. Ang mga naka-aguanta magpahangga ngayon ay may matibay na panata na nagpapakita ng isang uri ng dedikasyon sa pananampalatayang Kristiyano.
Hindi natin maipagkakaila ang kalungkutang dumating sa atin nang matalo sa botohan ang matagal nang ipinaglalaban ng simbahan. Sumandali tayong natigilan, nanlumo, nanghina, nguni’t hindi kailanman nanghinawa o pinanawan ng pag-asa.
Nais kong isipin na maging ngayon, sa gitna ng isang sa biglang wari ay malaking pagkatalo, para pa ring isang usang gubat na nagtatalon at nagpupumiglas dala ng masidhing pagnanasa at pag-asang makikita niya at makakamit ang pinakamimithing objeto ng kanyang puso.
Nais kong isipin na tayong mga tagasunod ng Panginoon ay hindi kailanman nawalan ng matimyas na pag-asang balang araw, sa wastong panahon, at ayon sa takdang tadhana ng Diyos, ay mararating natin ang lupang pangako ng kaligtasan.
Napakagandang larawan ang hatid sa atin ng dalagitang si Maria, na tila isa ring usang gubat na naglulukso at nagpumiglas upang makapunta sa tirahan ni Zacarias at Elizabet, upang makatulong sa kanyang pinsan. Maging ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabet ay nagtatalon sa tiyan ni Elizabet … sanggol, tao, hindi isang katipunan lamang ng mga celula na puedeng kitlin sa anumang sandali ng kanyang pagiging tao.
Kahapon ay binigyang-diin natin ang kahulugang malawak ng pananampalataya. Ito ay isa, hindi sanga-sanga. Ito ay may kinalaman sa isang samahan, bunga ng iisang pinaniniwalaan. Ito rin ay isang pagtaya o pagkakaloob ng sarili sa pinaniniwalaan. Ito ay isang pamumuhunan, ang pagsusuong ng kabuuan ng ating pagkatao sa katotohanang nagpupumiglas sa ating puso, kaisipan at buong kalooban.
Mahalagang turo ng Porta Fidei na ang pananampalataya ay isang aktong personal at pangkomunidad rin (I Believe at We Believe). At pagsampalataya ay pagbibigay sang-ayon sa nilalaman, sa tinatawag nating simbolo ng pananampalataya, na napapaloob sa Credo. Ito ang nilalamang sinasang-ayunan ng taong sumasampalataya.
Sa madaling salita, hindi kailan man tama na ang tao ay magsabing naniniwala sa turo ng Simbahan, pero hindi sumasama sa pamayanan. Hindi rin tama na gawing ukay-ukay ang Simbahan, tulad ng sinabi natin noong isang araw, at mamili lamang ng angkop sa ating sariling paniniwala. Ang pagsampalataya sa Diyos at sa kanyang Iglesya at hindi utay-utay, kundi pakyawan. Kung tinanggap mo si Kristo ay dapat ring tanggapin ang Simbahan. At kung sinabi mong tanggap mo ang turo ng Simbahan, ay tanggap mo ang lahat, pati na at lalu na ang turo tungkol sa kabanalan ng buhay, ano mang estado ng kanyang paglaganap, mula sa simula hanggang sa natural na wakas nito.
Hindi larong bata ang pananampalataya. Hindi ito isang simbang landian o simbang ligawan tulad ng nagaganap ngayon sa maraming simbahan sa buong Pilipinas. Hindi maikakailang simbang tabi ang pakay na napakaraming mga kabataan tuwing sasapit ang paghahanda sa Pasko. Nagtatalon na parang usang-gubat, nguni’t hindi alam kung bakit dapat sila nagpupumiglas at nagtatatalon sa kagalakan.
Talo tayo sa botohan. Pero hindi kailanman matatalo ang katotohanan. Kung anuman, ay nagising tayo sa isang malaking katotohanan, na una: hindi na puede ang business as usual, ang pabandying-bandying na pagsisimba, na walang kalakip na desisyon at dedikasyon na pag-aralan rin ang kontento o ang nilalaman ng kabuuan at kaganapan ng pananampalatayang Katoliko.
Hala! Magpumiglas tayo! Mag-aklas tayo sa saloobin at kagawiang ito na mababaw na pagsama, pahapyaw na pagtaya, at pang-ibabaw lamang na pagsang-ayon at pagtanggap sa turo ng Simbahan. Isabuhay natin at isagawa ang tunay na bagong ebanghelisasyon na lubhang kinakailangan sa panahong darating.
Walang pag-ibig na hindi nagpumiglas. Walang pag-ibig na hindi nagpunyagi. At walang katotohanan at kagandahang hindi pinagbabayaran nang malaki. Kasama rito ang pananampalataya natin – biyaya, kaloob at pananagutan.