frchito

Archive for Enero, 2013|Monthly archive page

AKING PINILI AT KINALULUGDAN!

In Catholic Homily, Pagbibinyag kay Jesus, San Juan Bautista on Enero 12, 2013 at 12:36

baptism_of_the_lordPagbibinyag sa Panginoon

Enero 13, 2013

Mga Pagbasa: Is 42:1-4.6-7 / Gw 10:34-38 / Lc 3:15-16.21-22

ANG AKING PINILI AT KINALULUGDAN!

Tapos na ang Pasko. Wala na dapat mga palamuti, mga parol, at lahat ng may kinalaman sa paskong pambata at pangkomersyo. Pero hindi natatapos ang hiwaga ng Pasko – lalu na’t kung ang pinag-uusapan ay ang kahulugan ng pagiging tao ng Diyos tulad natin, upang tayo ay maging Diyos tulad Niya.

Noong isang Linggo, ipinagdiwang natin ang isang aspeto ng hiwaga ng kanyang pagpapakilala sa daigdig – ang Epipaniya. Ngayon, ang ikalawang aspeto ng kanyang pagpapahayag o pagpapakilala ang siya nating pinagninilayan – ang kanyang pagbibinyag.

Pero may kaakibat na kwento ito … Isang kwentong hindi gaanong nabibigyang-pansin – ang kwento tungkol sa isang taong naghatid, nagturo, nangaral tungkol sa kanya, nakakilala, nakakita, nakaunawa, ngunit sa takdang panahon ay kumalas, nagparangya, umurong, upang higit na makilala ang dapat makilala ng madla – ang Panginoong Jesucristo, ang Mananakop at tagapagligtas.

Mahirap para sa ating lahat ang maging supporting actor lang, ika nga. Matindi ang maging taga-dala lamang ng portfolio ng tanyag na tao, taga-paypay lamang kumbaga, at sunud-sunuran lamang sa kung saan pupunta ang mahalagang taong pinaglilingkuran. Hindi natin gusto ang dakilang taga karga lamang ng maleta.

Pero ito ang ginampanan ni Juan Bautista. Ito ang pinanindigan niya at nang dumating ang siyang pinakahihintay, ay hindi siya nag-atubiling magsabi: ‘hindi ako ang Kristo. Mayroong darating na higit na dakila kaysa akin, at hindi man lang ako karapat-dapat magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas.”

Ilan sa atin ang nakakakilala ng tama at wasto, at handang bitawan ang pinanghahawakan nating totoo (sa ating akala)? Ilan sa atin ang matahimik at simpleng uurong na lamang sa eksena at hahayaan ang bida ang siyang makita sa gitna ng entablado? Ilan sa atin ang handang magparangya at magbigay, makilala lamang ang tunay na Diyos, ang iisang Diyos, at wala nang iba?

Sabi ng mga dalubhasa sa ating panahon, ang ating henerasyon daw ay gumagawa ng milyon-milyong mga narsisista, mga taong makasarili, at walang iniisip kundi ang sariling ginhawa, sariling kapakanan, sariling larawan at sariling luho. Lubha itong palasak lalu na sa facebook, kung saan wala kang makikita kundi ang walang kupas na kagalingan, walang patid na kagandahan o kagwapuhan ng mga kabataang tila walang kaubusan ang pera at tila laging nasa starbucks at lahat ng kinakain at ginagawa ay naka-post sa facebook.

Gumagawa tayo ngayon ng isang salinlahi ng mga taong puro pagkamakasarili ang natututunan.

Hindi ito ang turo ng araw na ito ng binyag ng Panginoon. Hindi ito ang pakita ni Juan Bautista, at lalung hindi ito ang gusto para sa atin ng Diyos.

Hindi nagdoble-isip ni Juan na magsabi … “Hindi ako ang Kristo.” Nang medyo naguluhan ang mga tao, mga tagasunod niya dahil nakita nilang may marami na ring tagasunod si Jesus, hindi siya nag-atubili… Hindi nagulumihanan, bagkus nagwika: “May darating na higit na dakila kaysa sa akin.”

At bakit higit na dakila?

Siya na sana ang magwika sa pamamagitan ng Kanyang Salita … “ito ang lingkod ko na aking itataas, na aking pinili at kinalulugdan.” Natupad ito sa araw ng binyag ni Kristo kung saan ating narinig: “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Lahat tayo ay nag-aasam makita ang Diyos … ngayon pa man, kundi balang araw. Naghahanap tayo kahit man lamang mga tanda na siya ay tunay, at hindi isang kathang-isip lamang.

Sa aking karanasan, laging may nagaganap, nangyayari sa ating buhay na patunay na ang Diyos ay tunay at buhay, at laging tila may nagdadaig na palumpong na nagpapakitang ang Diyos ay naggagabay pa rin ngayon sa buhay nating lahat, tulad nang Siya ay nagpakita kay Moises. Pero, tanging ang may pananampalataya lamang ang nakakakita, at nakakatunghay. Ang lahat ng iba ay walang pansin, walang nakikita, hindi dahil sa hindi totoo ang Diyos, kundi sapagka’t pulpol ang mata nila ng pananampalataya.

Ito ang tanong natin ngayon. Anong uri ba ng salamin ang suot natin at hindi natin nakikita ang pagpapahayag ng Diyos? Diyos baga ang may suliranin o tayo?

Nakita ni Juan Bautista ang Panginoon. Hindi siya nag-atubiling ituro siya sa lahat ng tao: “Narito ang Kordero ng Diyos!” Nang mabinyagan niya si Jesus, narinig niya at nakita ang pahayag mismo ng Diyos Ama: “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Ano ang nakikita mo? Meron ka bang napapansin? Meron pa bang dapat hanapin pa bukod sa kanyang ipinangako at natupad na: “Ito ang lingkod ko na aking itataas, na aking pinili at kinalulugdan.”baptism_of_the_lord

BUMANGON AT MAGLIWANAG!

In Epipaniya, Homily in Tagalog, Tagalog Homily, Taon K on Enero 3, 2013 at 10:59

epiphanyausEPIPANIYA (DAKILANG PAGPAPAHAYAG NG DIYOS)

Enero 6, 2013

Mga Pagbasa: Is 60:1-6 / Efeso 3:2-3a, 5-6 / Mt 2:1-12

BUMANGON AT MAGLIWANAG!

Noong araw, ang Pasko ay laging maaliwalas, malamig, at walang anumang ulap na lumalambong sa himpapawid. Maganda ang sikat ng araw, pero hindi mainit. Sa panahon natin, makulimlim, kahit sa araw na ito. Sa nakaraang dalawang taon, binagyo at hinagupit ng matinding paghihirap ang mga taga Mindanao, bago sumapit ang pasko.

Pero hindi lamang klima ang nagdidilim. Pati kabatiran at kamalayan nating mga Pinoy ay tila nalulukuban ng madidilim na alapaap. Hindi pa rin tayo nagkakaisa. Maraming mga isyu ang nagdudulot ng pagkakahati-hati natin. Ang kulay politika ay patuloy na nababalot ng hidwaan at pagkakanya-kanya … pana-panahon o weder-weder lang, ika nga, na wari baga’y ang lahat ay nakadepende kung sino ang naghahari, at puedeng mabago ang takbo ng lahat, segun sa takbo ng dibdib at isipan ng bagong naghahari.

Bukod sa rito, sa panahon natin, ang tama ay nagiging mali at ang mali ay nagiging tama, dahil sa makapangyarihang social networking at mass media. Ang turo ng Simbahan ay nagiging katawa-tawa, kalibak-libak, at ang tumatayo at naninindigan para sa katotohanang moral ay pinagbibintangang makaluma, hindi angkop sa modernong panahon, at kung hindi naman ay itinutulad sa mga Taliban na mapagdiin sa sariling isipan at uri ng pamumuno.

Tapos na ang lahat ng dakilang bagay na nagpalambot sa puso natin. Tapos na ang Pasko sa isipan ng marami, at kung ang susundin natin ay ang mundo ng komersyo, ang dapat paghandaan na ay ang Valentine’s Day, para kumita muli ang mga malls. Nguni’t sa araw na ito, pista ng pagpapakita o pagpapahayag ng Panginoon (Epipaniya), ay paskong-pasko pa rin, bagama’t wala na ang mga imaheng siyang kinagisnan nating nagbibigay-diwa sa pasko.

Magandang isipin na ang epipaniya ay naganap sa kasimplehan, sa kapayakan. Wala na ang larawan ng nagkakantahang mga anghel. Wala na rin ang nagtatakbuhan at nagmamadaling mga pastol. Wala na ang mga hayop sa sabsaban – mga larawang magandang ipakita sa pamamagitan ng makikintab ng mga palara at mga kumu-kuti-kutitap ng mga munting ilawan, at ang nasa gitna ay isang kyut na munting sanggol, na napaliligiran ni Maria at Jose, at iba pa.

Ang nakikita natin ngayon ay isang di kilalang bayan, ang Betlehem, at di kilalang siyudad ang Jerusalem. Nakikita natin ang larawan ng mga Mago na papalapit, naglalakbay, naghahanap, at sa isang sandali ay nakatagpo, hatid ng isang maliwanag na tala.

Marahil ay dapat nating tularan ang mga Mago – naglakbay, naghanap, nagsikap! Marahil ay dapat nating bigyang-pansin ang ating tala – na naghahatid sa kung ano ang dapat nating makita at malaman tungkol sa Diyos at sa ating sarili.

Marami ang dapat nating maunawaan tungkol sa Diyos. Marami rin ang dapat nating malaman tungkol sa ating sarili bilang tao. Maraming mga kadiliman sa buhay nating ngayon ang dapat masinagan ng tala ng katotohanan, at tala ng tunay na kalayaan. Maraming kadiliman ang dulot ng mundo ng pamamahayag, na tulad ng lahat ng aspeto ng ating kulturang Pinoy, ay nabahiran na rin ng korupsyon. Maraming mga bahagi ng ating lipunan ay hindi nalalayo sa Belen na napaligiran ng kadiliman at kasalanan!

Tayo ang mga pinaghahanap ng tala. Tayo ang nangangailangan ng kanyang liwanag. At ang paghahanap ng mga mago ay siya ring dapat nating paghahanap rin at pagsisikap upang mapanuto ang ating bayan sa malinaw at tumpak na daan.

Pag-asa ang turo ng mga pagbasa … hindi kalungkutan at kawalang tiwala sa gitna ng kadiliman. Ito ang nais nating dalhin pauwi mula sa simbahang ito: “
Bumangon at magliwanag na tulad ng araw!”

Bumangon! Nadapa tayo at nasadlak sa maraming pagkakamali at kasalanan … lahat tayo. Magliwanag! Nabalot tayo ng dilim ng pangamba, kawalang tiwala at pag-asa at maging pagtatampo sa Diyos na tila walang kapangyarihang pumuksa sa katiwalian.

Bumangon at magliwanag, kapatid! Hindi pa huli ang lahat at hindi kailanman magagapi ang Diyos. Bagama’t siya ay nakikitan nating isang sanggol na bagong silang, may pangakong nakalaan para sa akin at sa iyo: “Poon, maglilingkod sa Iyo tanang bansa nitong mundo!”