frchito

Archive for Agosto, 2013|Monthly archive page

APOY SA LUPA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Propeta Jeremias, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Agosto 17, 2013 at 11:38

getdataIka-20 Linggo ng Taon K
Agosto 18, 2013

APOY SA LUPA

Kahindik-hindik ang mga balitang dumarating sa atin sa mga nakaraang araw. Isa na rito ang pagragasa ng matinding katiwalian sa libel na hindi natin inaasahan – kung paanong ang kaban ng bayan ay pinaghati-hatian ng mga tampalasan, lalu na’t ang ilan sa mga ito ay tinatawag nating “kagalang-galang” na “mambabatas.”

Nguni’t nakababahala rin sa biglang wari ang mga pagbasa natin ngayon. Nariyan si Jeremias na itinapon sa isang putikang balon, dahil lamang na hindi siya nagsalita ayon sa kagustuhan ng hari, dahil hindi niya sinabi ang gustong marinig ng makapangyarihan.

Narinig rin natin sa ikalawang pagbasa ang tungkol sa pangangailangan “magpatuloy tayo sa takbuhing nasa ating harapan.” Narinig rin natin na dapat natin “iwaksi ang kasalanan at anumang bumabalakid sa atin.”

Pero ang higit na matindi ay ito: apoy raw ang dala ng Panginoon sa mundo, at pagkakawatak-watak sa pami-pamilya saanman.

Tahimik at payapa ang daloy ng tubig kapag malalim ang ilog at walang balakid sa agos. Nguni’t kapag may mga batong bumabalakid sa agos, ang tubig ay nagiging maingay, bumibilis, at rumaragasa. Kung minsan, nasusubok ang tibay at tatag ng bato o ng pader kapag rumagasa na ang tubig. Kung minsan, gusto mo man tumayo at manindigan, ang bilis at dami ng tubig ay kaya kang tinagin at anurin pag nagkataon.

Mahirap ang sumansala sa agos. Mahirap ang sumalungat sa takbo o kalakaran ng lipunan. Kapag dalawang batong buhay ang nag-umpugan, nagkiskisan at nagsalpukan, nagbubunga ito ng mga alipato, mga maliliit na apoy na puedeng pagmulan ng isang sunog.

Walang apoy na magaganap kung walang pagsalungat, kung walang salpukan o balakid. Pero ito ba ang gusto ng Panginoon sa atin ngayon? … ang makisakay na lamang at magpa-anod sa agos? … ang hindi magbigay balakid sa takbo ng masama at di tama?

Masakit ang sinapit ni Jeremias sa kanyang pagsansala. Ipinakain sa balon. Itinakwil. Mahirap ang ipagpatuloy ang takbuhin tungo sa katarungan at kapakanang pangkalahatan. Mas madali ang magpadala. Mas madali ang manatiling bulag, pipi, at bingi sa harap ng mali at hindi makatarungan. Mas madali rin ang magpadala na lamang sa kalakaran at manatiling busal ang bibig sa harap ng katiwalian.

Parang hindi ito ang hamon sa atin ngayon. Ang hamon sa atin ay ang ipagpatuloy ang takbuhin, ang tularan si Jeremias, at ang maghatid ng apoy sa daigdig at hayaang magkawatak-watak ang anuman kung ito lamang ang tanging paraan upang itaguyod ang wasto, ang tama, ang makatarungan, at ang naghahatid sa kabanalan at kapakanang pangkalahatan.

Sabi nga nila, hiwalay kung hiwalay … puti at de color … tama at mali … at maghalo na kung maghahalo ang balat sa tinalupan, kung ito ay kinakailangan! Apoy sa daigdig and hatid sa atin ng Panginoong ating tagapagligtas. At kung ang mga balita ang pagbabatayan natin, ito ang lubha nating kailangan ngayon.

NANG DAHIL SA PANANALIG

In Catholic Homily, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Agosto 10, 2013 at 13:43

imagesIka-19 na Linggo ng Taon K Agosto 11, 2013

NANG DAHIL SA PANANALIG

Naging tanyag maraming taon nang nakalilipas ang kanta ni Anthony Castelo … “Nang dahil sa pag-ibig,” aniya … at mahaba ang listahang kasunod sa mga unang katagang ito. May mga bagay na kapag taglay mo ay marami kang mararating. Kapag may hirap, may ginhawa, sabi nila. Kapag may isinuksok, ay may madudukot (noong uso pa ang alkansiya); kapag may itinanim ay may aanihin.

Labing-anim na taong gulang pa lamang ako nang magsimula ako mag-ipon ng mga libro. Naging kagawian ko ang magbasa nang magbasa. Marami sa mga unang mga libro ko ay naipamigay ko na, o nai-donate sa library ng seminaryo. Alam kong sa aking pagtuturo magpahangga ngayon, ay marami sa aking tinatawag na “stock knowledge” ay dinudukot ko sa mga nabasa ko magmula pa noong una.

Alam ko ring napakaraming tao na ang kanilang tinatamasa ngayon ay bunga ng kanilang pagpupunyagi, pagsisikap, at pagsisikhay. Sa normal na takbo ng buhay, ang yaman ay pinaghihirapan, pinaggugugulan nang panahon at pagpapagal (liban kung galing ito sa “pork barrel” kung kaya’t may ilan na ang yaman ay bigla at kataka-taka).

Ang kwento mula sa ikalawang pagbasa ay kwento ng isang taong binigyan kumbaga ng puhunan. Pinagkalooban si Abraham ng isang natatanging pagkakataong lumisan mula sa bayang sinilangan. Tinawag siya upang maging Ama ng maraming angkan, tungo sa lupang pangako para sa bayan ng Diyos. Pero ang puhunan ay hindi itinatago, hindi ibinabaon. Ang puhunan ay nagbubunga ng pangako kung ginagamit, o pinagyayaman.

Ito ang ginawa ni Abraham. Nakipagtulungan siya sa Diyos, at nagbunga nang sagana ang punlang ipinagkaloob ng Diyos: Nang dahil sa pananalig, tumalima si Abraham … nanirahan siya bilang dayuhan … tumira sa tolda … nagkaanak siya … Higit sa lahat, handa siyang ipagkaloob ang kanyang anak na si Isaac nang hilingin ng Diyos.

Madaling isipin na ang pananalig sa Diyos ay walang iba kundi ang pag-aasam, at paghihintay, ang takbo ng isipang sapat na na tayo ay humiling sa Diyos at magbantay lamang ng katuparan. Pero hindi ito ang sinasaad ng ebanghelyo … “Maging handa kayo at sindihan ang inyong mga ilawan,” ang paalaala ng Panginoon sa atin. Hindi sapat na tayo ay may ilawan o may puhunan.

May pananagutan tayo na gamitin nang tama ang lahat ng ito. Palasak na sa ating lipunan ang umasa sa gobyerno. Kung walang nangyayari, madali ang manisi. Kung bunton ang basura, galit tayo sa dapat nangongolekta ng basura. Nakakalimutan natin na kaya bunton ang basura ay dahil rin sa ating lahat, na nagtatapon kahit saan ng basura.

May maituturo sa atin si Anthony Castelo … Nang dahil sa pag-ibig, ang Diyos ay naging tao. Nang dahil sa pag-ibig, nagdaan siya sa matinding pagdurusa hanggang sa pagkapako at pagkamatay sa krus. Nguni’t ngayo, ay turong mahalaga ay galing kay Abraham. Nang dahil sa pananalig ay naganap ang maraming bagay … Nguni’t ito ay isang pananalig na hindi lamang pagiging hinalig … walang pananagutan, walang sariling pagsisikap, parang si Juan Tamad na nakanganga lamang maghapon.

Bilang Pinoy, ito yata ang sakit nating lahat. Sanay umasa at maghintay, at bihasang manisi na lamang. Maraming angal, maraming salita, ngunit kulang sa gawa. Naghihintay at umaasa ngunit walang pinagsisikapan at ginagawa. Gising na bayan! Sindihan ang kandila at magbantay! Mahirap kaya ang maiwan sa labas pagdating ng panahon!