frchito

GANAP … WAGAS … TUNAY … G PLUS!

In Uncategorized on Hulyo 25, 2015 at 10:16

little_boy_s_lunch_feeds_five_thousand_by_surealworld-d8qt6c9

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-17 Linggo Taon B

Hulyo 26, 2015

GANAP … WAGAS … TUNAY … G PLUS!

Uso ngayon ang mga bitaminang ang pangalan ay laging may + (plus). Pati ang Google ay may Google+ na gamit ko rin at ng marami sa atin. Pati buwis natin ngayon may “plus” – VAT, na kung tawagin ay value added tax. Sa madaling salita, dagdag sa dagdag, parang “siksik, liglig, at nag-uumapaw.”

Napansin nyo ba? Lahat may plus, pero sa bentahan ng bigas, walang plus? Di ba’t noong araw, ang salop ay kinakalos? Pag puno na ang salop ay dapat raw kalusin.

Panay plus plus ang turo ng pagbasa ngayon. Nagsipagsunuran kay Elias ang maraming tao. Sa kanilang pagiging starstruck, nakalimutan ata magbaon ng pagkain. Nagutom, kahit busog sila sa showbiz. Di bale na magutom basta makarinig lang ng magagandang pangaral mula kay Elias.

Pero, mayroong isang marunong magbiyahe … May baon siyang tinapay na gawa sa mga unang ani sa parang. Lahat ng unang ani ay para sa Diyos, o para sa kinatawan ng Diyos. Nang magutom ang madla, ipinagkaloob niya kay Elias as kanyang mga monay. At ang kanyang kaloob ay naging simulain ng isang himala – ang pagbibigay ng Diyos ng dagdag pa … siksik, liglig at nag-uumapaw. Hindi lang si Senador Recto ang marunong sa VAT … Ang Diyos ay higit pa … at G Plus ang kanyang inialay … Grace Plus …

Baling naman tayo sa ebanghelyo. Walang sinabing nagutom ang mga taong sumunod sa Panginoon. Gusto lamang nila makakita pa ng mga himala, dagdag sa nakita na nila. Plus, plus na naman … talagang mahilig ang tao sa discount, sa sale, sa dagdag at sa higit pa.

Pero binigla na naman tayo ng Diyos. Nagbigay siya nang higit pa sa hinanap ng tao. Hindi lang siya pang “that’s entertainment,” … Hindi lang siya pang excursion, kundi pang-pamilya pa! 5,000 libong kalalakihan daw ang sumama. O mga nanay, papayag ba kayong maiwan sa bahay? O mga bata, iiwan ba kayo ng mga nanay nyo sa bahay? Kung kaya’t suma total, humigit-kumulang sa 15 libo katao ang naroon!

Pero hindi lang siya namudmod ng filet-o-fish sandwich. Nagpakita siya ng isa pang dagdag na tanda … ang G Plus! Grasya at higit pa! Hindi lang pagkaing nakabubusog ng tiyan, kundi pagkaing nagbibigay ng buhay na walang hanggan!

Ito ang aral sa atin ngayon. Wag tayo masiyahan sa isang sandwich kahit gaano kasarap. Wag tayo matuwa kasi may binatilyong ang baon ay hindi niya kaya ubusin! Wag tayo masaya na dahil sa tayo ay nabusog ng isang araw.

Mayroon tayong ibang klaseng kagutuman. Mayroon tayong iba pang hanap – ang tunay na siksik, liglig, at nag-uumapaw.

At ang tunay na hanap natin ay buhay na walang hanggan – galing sa pagkaing naghahatid sa buhay na walang hanggan.

Walang sinuman ang makapagbibigay nito liban sa Diyos. Walang sinuman ang makapagsasabing basta nag-abuloy tayo ng sapilitan ng ikapu ay mananatiling matatag ang simbahan. Kahit na gumawa tayo na sampung Philippine Arena, kung wala tayong pagkaing galing sa Diyos, busog man tayo sa tiyan, mayaman man at magara ang mga simbahan, at hindi ang tunay na kaloob ng Diyos an gating pinagyayaman, ay wala tayong mararating.

Eto ang ating dasal sa araw na ito: “Nililingap mo ang mga walang inaasahan kundi ikaw. Hindi maidarangal at hindi magiging banal ang sinumang sa iyo’y napapawalay. Dagdagan mo ang iyong kagandahang-loob … upang mapakinabangan naming ang mga biyaya mo sa lupa bilang pagkakamit naming sa makalangit mong pagpapala.”

Hindi lang tinapay ang kanyang kaloob, bagkus ganap, wagas at tunay … G PLUS!

Buhay na walang hanggan!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: