[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]
Ika-16 na Linggo Taon B
IKAW NA, PANGINOON! IKAW LANG!
Lahat tayo ay nakaranas ng kagipitan sa buhay. Sa hinaba-haba ng aking karanasan bilang guro at pari, wala pa akong nakitang taong laging sagana, kumbaga, at wala ni ano mang kakulangan sa buhay. Lahat tayo ay nakaranas nang kapusin, kulangin, o kalusin.
Sa mga sandaling tayo ay kinakapos, hindi ba’t naghahanap tayo ng matatakbuhan? Hindi ba’t nagsisikap tayong gumawa ng paraan upang mapunan ang pangangailangan?
Ito ang istorya ng ating buhay. Ito rin ang naging kasaysayan ng buhay ng bayan ng Diyos. Napatapon. Nagkalat. Tinikis at sinikil ng mga dambuhalang bayan at imperyong ang tanging pakay ay sakupin at lamangan ang maliit na bayan ng Israel.
Sino sa atin ang hindi nakaranas ng tila pinagkaitan tayo ng tadhana? Sino sa atin ang hindi nakaramdam ng paninikil at paninikis ng kapwa at ang pagtatangi sa mga walang kakayanan? Hindi ba’t ito ang asal na ipinakikita ngayon ng Tsina (China) na ang tingin sa atin ay parang bangaw lamang na dapat pitikin? Hindi ba’t ito rin ang tila baga pagtingin ng mga namumuno sa atin, na kinukuha ang balana sa mga sarbey at mga pautot sa mass media, sa mga pahayagan at telebisyon?
Para tayong mga tupang nagkalat, na walang pastol at gabay, at pasuling-suling at walang tiyak na patutunguhan.
Subali’t ito mismo ang bayang pinagpakitaan ng Diyos ng tanging pag-ibig at pangangalaga: “”Ako na ang magtitipon sa nalabi sa aking mga tupa mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila.”
Diyos na mismo. Siya na!
Di ba’t tayong lahat ay hindi malayo sa sinasabi ni Pablo sa kanyang liham sa Efeso? … “Dahil sa inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus, kayong dating nasa malayo ay nailapit sa pamamagitan ng kanyang kamatayan.”
Diyos na lamang talaga. Siya na!
Madilim ang daang tila tinatahak ng bayan natin. Bukod sa naka ambang malakas na lindol, ay mayroon pang ibang mas masahol na lindol ang naka-amba sa harapan natin … ang lindol ng halalan at ang maruming sistema political sa bayan natin … ang lindol ng China na tila tiyak sa kanilang maitim na balakin na samsamin ang puede nilang samsamin dahil lamang sa gusto nila … ang lindol ng mga teroristang ang pakay ay paluhurin ang Kristianismo sa harapan ng kanilang relihiyong walang pakundangan sa karapatang pantao ng kalayaang sumamba at maniwala sa gusto nila.
Madilim ang daang tinatahak natin.
Hindi rin natin tiyak ang kahihinatnan ng takbo ng kasaysayan.
Sa Linggong ito, batid kong kailangan ko ng isang matibay na pundasyon upang maharap ko ang darating na mga pagsubok.
At ito ang nais kong isiping pahatid sa atin ng Diyos:
- Pastol ko’y Panginoong Diyos
- Hindi na ako magdarahop.
- Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan at inaakay sa tahimik na batisan
- Sa matuwid na landasin, ako ay inaakay.
- Kahit na ako ay tumatahak sa karimlan, hindi ako matatakot pagka’t ika’y kaagapay.
Ikaw na Panginoon! Ikaw lang Panginoon! Wala nang iba pa. Wala na aking aasahan pa liban sa iyo. Pagka’t tinutunghayan mo kami ngayon, at nahahabag ka sa aming tila mga tupang walang pastol.
Ikaw na, Panginoon! Ikaw lang!