[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]
Julio 12, 2015
PAGPAPAKATOTOO SA SARILI
Puro peke ang laman ng balita ngayon … pekeng bigas, pekeng bihon, pekeng kendi, pekeng politico … Mayroon pang balita tungkol sa nalason sa fast food.
Saan na kayang kangkungan tayo pululutin niyan? Maitanong kaya natin kay Erap.
Pero ngayon, meron pang isang peke ang aking pakay … si Amasias, na tila nainsecure o nainggit kay Amos. Medyo naungasan yata si Amasias kaya walang abog-abog na sinabihan ang propeta: Bulaan kang propeta! Magbalik ka na sa Juda.”
Ang inggit nga naman … parang mga politico natin na ngayon ay nagkakandarapa para sa susunod na halalan, na mahigit isang taon pa bago maganap.
Pero, sandali lang at tingnan natin kung sino si Amos. Mukhang si Amasias lang naman ang may problema. Alam ni Amos kung sino siya: “Hindi ako propeta – hindi ko ito hanapbuhay. Ako’y pastol at nag-aalaga ng mga punong igos.”
Hindi hambog si Amos, at lalong hindi agaw o nakaw eksena. Hindi mapapel, ika nga. Hindi siya naghanap nang anumang higit sa kanya. At hindi niya kailangang magyabang kundi tanggapin lamang ang kung anong iniatang sa kanyang balikat.
Ano nga ba ang ipinatong sa kanya ng Panginoon?
Si Amos na mismo ang nagsabi – isang katotohanang walang halong pag-iimbot, pagyayabang, at pang-aalipusta: “Ngunit inialis ako ng Panginoon sa gawaing iyon at inutusang magsalita para sa kanya sa mga taga-Israel.”
Ang Diyos, hindi si Amos ang tumawag, at nagsugo.
Sa ebanghelyo, ganoon din ang nangyari. Ewan natin kung ano ang mga unang inasahan ng mga apostol nang sila ay sumunod kay Jesus. Pero sa sandaling ito, walang dudang ang kanilang misyon ay hindi upang maghari at maging makapangyarihan, kundi ang maglingkod at mangalaga sa mga maysakit, sa mga inaalihan ng demonyo, at mga dukha.
Sa mundong ito na napapalibutan tayo ng mga mapagbalatkyong politico , pinuno, artista, at mga cewebrities, kelangan natin magpakatotoo. Sa mundo ring ito na puno ng pekeng pagkain, pekeng Milk Tea, at pekeng bihon at bigas, kelangan natin ng higit pang katotohanan.
At ito ang totoo, para sa ating lahat … Hindi tayo ang namili, tumawag at nagsugo sa ating sarili. Lahat tayo ay tinawag, hinirang, at isinugo ng Diyos upang gumawa ng misyon sa kanyang ngalan, hindi sa ganang sarili natin.
Magpakatotoo sana tayong lahat …tulad ng Diyos na ngayon ay ating tinatawagan: “Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.”
Thanks po sa muling pag-update. Sana po ma-update din ang July. Salamat po.
okey na po pala. Maraming salamat po ulit. God bless!
Amen! Salamat po.