[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]
Ika-18 Linggo ng Taon B
Agosto 2, 2015
HANAP AY HIGIT PA!
Mahirap paligayahin ang tao, kung minsan. Kasama ako diyan. Sala sa init; sala rin sa lamig. Laging kulang; laging kapos. Biniyayaan na’t lahat, ay tumatawad pa, himihirit pa. Ito ang kwento ng mga Israelitang pinalaya na nga sa pagka-alipin ay nakuha pang umangal nang makitang ang pagkain nila ay kapos sa lasa, kulang sa rekado, at paulit-ulit araw-araw. Mabuti pa raw noong sila ay alipin sa Egipto!
Bilib rin ako sa mga pinakain ni Jesus ng tinapay na sebada at isda. Gaya nga ng sinabi ko, humirit pa. Naghanap pa. At hindi sila naglakad bagkus sumakay sa mga bangka, nagtungo sa Capernaum at hinanap si Jesus.
Iba talaga ang nakatikim ng biyaya. Pero diniretso sila ni Jesus: “Hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga kababalaghang nakita ninyo, kundi dahil sa nakakain kayo ng tinapay at nabusog.”
Mali ba at masama ang mag-asam nang higit pa? Kasalanan ba ang maghanap pa ng dagdag at higit na matayog na pangarap?
Hindi naman. Pero bago natin bigyang liwanag ito, tunghayan muna natin ang sinasaad sa ikalawang pagbasa galing kay San Pablo. Iminumungkahi niya sa mga taga Efeso na iwanan na ang “dating pamumuhay,” “hubarin ang dating pagkatao, na napahamak dahil sa masasamang pita.”
Hindi masama ang maghanap pa at mag-asam nang higit pa. Sa katunayan, ito ang turong hatid ni Kristo ngayon sa mga taong ang hanap lamang ay libreng tsibog at libreng McDo.
Ito rin ang pamulat ni Moises sa mga umangal dahil sa pagkain nilang paulit-ulit at walang sapat na rekado sa ilang. OK lang ang mag-asam, basta’t alamin natin na ang hinahanap natin ay ang tamang adhikain.
Malinaw ang turo ni Moises: “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ng Panginoon.”
Lahat tayo ay naghahanap ng higit, ng mas matayog, ng mas mainam, at ng mas kaaya-aya. Sa likod ng lahat ng paghahanap na ito ay ang tunay na hantungan ng lahat ng ating hinahanap – ang Diyos at ang kanyang kaloob ng buhay na walang hanggan.
Kung nagkamali man ang mga nagsipagsunuran kay Jesus sa Capernaum, ay malamang na kahit iilan man lamang sa kanila ang natuto at nakabatid nang tama … na ang nasa likod ng lahat ng ating hanap ay walang iba kundi ang Diyos mismo na nagpunla ng uhaw at gutom sa kaibuturan ng puso natin.
At sa araw na ito, malinaw kung ano ang tugon ng Panginoon sa ating lahat na nagugutom at nauuhaw sa tunay na buhay, sa Diyos mismo.
Malinaw ang kanyang tugon. Sa kahilingang mabigyan tayo ng pagkaing dulot at hatid ng Panginoon, ito ang kanyang tugon: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom, at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.”
Ano pa ba ang hahanapin natin?