frchito

ANG TUNAY NA DAPAT ITANGI, ITABI, AT IWAKSI!

In Uncategorized on Setyembre 26, 2015 at 11:42

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-26 na Linggo_KP_B

Setyembre 27, 2015

ANG TUNAY NA DAPAT ITANGI, ITABI AT IWAKSI!

Wala pa akong alam na relihiyon na hindi nagsabing walang ibang taong hindi nila kapanalig ang maliligtas. Lalu na ang mga terorista, na nagpupunla ng lagim sa lahat ng lugar sa buong mundo sa ngalan ng diyos nila at sa ngalan ng kanilang relihiyon.

Kasama na rito ang isang may bagong sine ipalalabas sa isang buwan. Tiyak akong meron silang hindi sasabihin, at meron naman silang pagagarbohin o kaya bibigyang-diin kahit malayo sa katotohanan.

Hindi rin naiba ang mga kasama ni Moises. Pinagdiskitahan nila si Eldad at Medad, sapagka’t kahit hindi sila kasama sa orihinal na bilang ay nagbigay propesiya ang dalawa, nang walang lisensya, ika nga.

Pero hindi lamang ito ang okasyon ng pagtatangi-tangi ng tao at pagtingin nang mababa sa kapwa. Nariyan ang mga nakaririwasa sa buhay na mababa ang tingin sa mga dukha, tulad nang sinabi ni Santiago sa ikalawang pagbasa.

Mismong ang mga disipulo ni Kristo Jesus ay nabahiran ng parehong pagtatangi. Umangal ang isa sa kanila sapagka’t mayroon daw na hindi nila kabilang na nagpapalayas ng demonyo sa ngalan ng Panginoon.

Tayo nga namang mga taong hangal at makasalanan. Kasama ako sa larangang ito. Kabilang ako sa mga mapangmata at mapagtangi. Kabilang rin ako sa mga medyo mainggitin at hindi makatiis na mayroong umaangat sa atin.

Medyo malagim ang payo ng Panginoon. Putulin daw natin ang kamay o paa kung ito ang naghahatid sa kasalanan at kayabangan. Bagama’t ito ay isang talinghaga na hindi naman dapat unawain nang tahasan at gawin ayon sa titik na binabanggit, ito ay may malalim na kahulugan na dapat limiin ng lahat … kasama ako, ikaw, at tayong lahat.

Malimit, mali ang pinuputol natin. Talbos lang, ika nga. Kapag talbos lang ng kamote ang puputulin, at hindi ang ugat, walang mangyayari. Lalago at lalago pa rin ang kamote. Marami sa atin ay nagdidiyeta. Bawas dito; bawas doon. Konting alak, konting taba lang, pero tuloy ang pagbili ng baboy, bacon, wine at beer. Bawas ngayon, kaing lubos at wagas bukas. Pigil ngayon; bigay-hilig bukas at makalawa.

Bawas muna ang inggit sa kapit-bahay na may magarang bagong kotse. Bawas tsismes muna ngayon at wag pag-usapan ang buhay ng may buhay ngayon; panay pula at backstabbing naman ulit bukas.

Parang tanggal talbos lamang, putol lamang ng suloy, pero patuloy ang paglago ng ugat at ng puno.

Ugat at puno ang tinutukoy ng Panginoon, hindi talbos. At ang ugat at puno ng lahat ay nasa puso ng tao, wala sa kamay at daliri. Hindi tayo tiyak na maliligtas kung isasara natin ang pinto ng langit sa lahat ng hindi natin kakosa, kakampi o kapanalig, tulad nang hindi tataas ang rating ng kabilang estasyon, kung wala tayong alam gawin kundi siraan ang kabila.

Sabi nga ni Kahlil Gibran, iligtas nyo ako sa isang taong gumagawa ng sariling pader, sa pamamagitan ng paninira ng bakod sa kabila.

Hindi nagiging tama ang isang relihiyon at pananampalataya sa pamamagitan ng pagdedeklarang mali ang lahat ng iba.

Ito ang dapat itangi, itabi at iwaksi … ang namumugad sa puso ng bawat tao … ang kasalanang nag-uugat sa pagnanasa at kawalang kasiyahan sa kung ano ang mayroon kang kaloob ng Poong Maykapal.

Huwag magtangi. Huwag magsaisang-tabi. Magwaksi … mula sa kalooban, hindi sa labasan.

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: