frchito

GAYA-GAYA RIN PAG MAY TIME! JUAN-DUB FOREVER!

In Simbang Gabi 2015, Uncategorized on Disyembre 10, 2015 at 06:19

stjohn

N.B. Tulad ng aking nakagawian, sisikapin kong gumawa ng pagninilay sa buong Simbang Gabi sa loob ng siyan na araw. Narito ang unang hulog.

SIMBANG GABI 2015 Unang Araw, Disyembre 16, 2015

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

GAYA-GAYA RIN PAG MAY TIME! JUAN-DUB FOREVER!

Ang Simbang Gabi ay siyam na araw kung kailan ang mga bida ng kasaysayan ng kaligtasan ay ating pinararangalan. Ang unang eksena natin ay hawak ni Juan Bautista. Hindi siya bida sa unang araw lamang. May ilang pagkakataon nating maririnig siya sa mga pagbasa at sa mga homiliya.

Pero ngayon, hayaan natin ang sarili nating tumiwalag muna kahit sandali sa kalye serye ng bayan, at ibaling ang ating atensyon sa katauhan ni Juan.

Si Juan ay walang yaya at lalong walang yabang. Hindi siya nakapasok sa isang malaki at dambuhalang arena upang magpasikat, subali’t sikat rin siya at higit pa sa Philippine Arena ang tinapakan.

Wala siyang marangyang damit galing sa UNIQGLO at H&M, pero fashionista rin si Juan … ang isinuot niya ay walang katulad, walang kagaya, at walang sinuman ang makagaya.

Wala siyang Buffet 101 at Vikings, pero ang pagkain niya ay hindi natikman ng mga taong marangya noong araw – tipaklong at pulut pukyutan.

Pero wala rito ang kadakilaan ni Juan. Ang kanyang tunay na kadakilaan ay galing mismo sa kanyang ipinakilala at itinanghal – walang iba kundi si Jesus na ating hinihintay: “Siya ay isang ilaw na nagdaig at nagliwanag!”

Pero walang saysay ang isang sermon kung ang gagawin natin ay manonood na naman ng katumbas ng isang kalye serye. Walang bisa ang Misa natin kung ang pag-uusapan natin tuwing sermon ay ang kadakilaan at luwalhati ng Dyos at ng kanyang mga masugid na taga-sunod.

Dapat tayong pumasok sa eksena. Dapat nating makita ang ating mga sarili sa kwentong napapaloob sa Banal na Kasulatan. Dapat tayong magising sa katotohanang ang Misa – at ang Simbang Gabi – ay hindi lamang Simbang Tabi, o Simbang Ligaw, o Simbang Uso dahil sa karamihan ng mga Pinoy ngayon ay handang makipag puyatan hanggang matapos ang panata.

Ang Misa ay hindi lamang isang santong dasalan, at lalong hindi isang santong paspasan. Naparito tayo upang matuto. Naparito tayo upang higit na magmahal sa Diyos, na sa totoo lamang ay kung minsan ay mahirap mahalin.

Mahirap mahalin ang Diyos kung wala tayong marangyang pamasko. Nagtatampo rin tayo paminsan-minsan. Mahirap mahalin ang Diyos sapagka’t ika nga, hindi araw-araw ay pasko, at may araw na tayo ay parang nasa Biyernes Santo. Mahirap mahalin ang Diyos sapagka’t hinihingi niya ang ating pagsunod at pagtalima sa wastong araw pang moralidad. Mahirap mahalin ang Diyos lalo na’t nagtatampo tayo at ang Pilipinas ay nananatiling kulelat sa ibang bansa sa maraming bagay.

Sa MRT at LRT pa lamang ay talagang iiyak na kayo sa hirap, sa pawis, at sa pagod sa kapipila. Sa trapik na trapik pa lamang ay talagang maghihintay kayo, hindi ng Pasko, kundi ang mabawasan ang mga trisikad at kariton at tindahan at palengke na sumakop na sa lahat ng lansangan.

Oo, aminin natin … mahirap ang buhay natin, at mas mahirap pa siguro sa buhay ni Juan Bautista sa ilang.

Pero di man tayo sagana … di man tayo halimbawa ng isang bayang nagpapasasa sa kagandahan at kaginhawahan ng buhay ay ito naman ang aking masasabi …

May pag-asa tayong maging tulad ni Juan … May pagkakataon tayong ibahin ng lahat ng lahi sa buong mundo. Lahat ng lahi ay nahirati na sa paghahanap ng higit pa, ng mas marami, ng mas masarap at mas maganda. Lahat ng lahi ay pumapatay sa kanilang mga supling na lampas sa isa o dalawa, o gagawa ng lahat para lamang maka-angat, kahit pandaraya at panlalamang.

Oo, magulo ang politica natin at maraming ganid sa mga namumuno.

Pero may tao pa ring nananatiling tapat. Para silang mga Juan Bautista na ang tingin ng lahat ay weirdo at baliw. Katulad sila ni Juan na kahit kakaiba ang suot at ang pagkain ay kung ano ang kinukuha sa gubat, ay isang taong iginalang, hindi lamang ng balana, kundi pati na rin kanyang Panginoon.

May pag-asa tayong mga Pinoy – ang hindi makilala bilang isang bansang mayaman at sagana, kundi ang bayan ng mga tapat, may moralidad, may takot sa Diyos at pagmamalasakit sa kapakanang pangkalahatan.

Hala, huwag lang tumulad kay Aldub at kay Kabayo! Tumulad kay Juan, sapagka’t siya ay isang ilawang nagdaig at nagliwanag ng tama, ng wasto, at ng kaaya-aya sa kalooban ng Diyos! Gaya-gaya rin tayo pag may time!

At ngayon na ang oras upang gumaya at tumulad kay Juan! Juan –dub forever!

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: