[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]
SIMBANG GABI 2015 IKATLONG ARAW
Disyembre 18, 2015
PANGAKO, PINAKO, INAKO
Si Jeremias ay puno ng pangako, tulad ng lahat ng mga propeta. Darating ang panahon, aniya, kung kailan uusbong ang isang suloy na makatarungan mula sa lahi ni David.
Ang pangakong ito ay ipinako sa kaganapan nang dumating si Kristong isinilang sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ni Maria, at pati na rin si Jose, na nangalaga sa sanggol.
Ang isa sa malinaw na aral ng Kasulatan ay ito … kapag nangako ang Diyos, ito ay hindi napapako sa kawalan. Kapag nagwika ang Diyos, ito ay nagaganap at nagkakatotoo. Hindi sinungaling ang Diyos, at hindi siya nagbibitaw ng pangakong hindi niya kayang tuparin.
Ito ang malinaw na paksain sa mga pagbasa ngayon.
Nangako siya sa katauhan ng propeta Jeremias. Natupad ito nang di maglaon ayon sa panulat ni Mateo.
Pero hindi ganoon kasimple lang ang nangyari, sapagka’t ang katuparan ay nangailangan ng katuwang, ng pakikipagtulungan, at pakikisama ng ilan pa.
Ito naman ang ipinakita ni Maria at ni Jose. Sa kabila ng pag-aalinlangan, ang pangako ng Diyos ang namaulo at naghari. At para matupad ito at maganap, ipinako nila ang sarili sa kaganapan ng pangako. Sa madaling salita, inako nila ang kalooban ng Diyos.
Sa ating panahon, sanay tayo sa mga baling pangako. Bihasa tayo sa mga pangakong nakakalimutan … mga utang at hiniram na hindi ibinabalik, mga pangakong regalong hindi natatanggap … mga binitawang salitang hindi pinaninindigan.
Marami ngayon ang nawawalan ng tiwala, hindi lamang sa Diyos, kundi pati na rin sa relihiyon, na tila ang relihiyon baga ang basehan at batayan at dahilan kung bakit nagkakagulo sa mundo.
Ang katotohanan ay ito. Hindi relihiyon ang dahilan kung bakit may masamang tao, kundi ang taong may kakayahang magpasya kung ano ang gusto niyang gawin.
Hindi ang Diyos ang may kagagawan kung bakit may giyera, may patayan at may terorismo. Tayo mismong mga tao ang may kakayahang mamili at magpasya kung anong daan ang tatahakin natin.
Ang aral ay malinaw para sa atin … Ang matutong panghawakan ang mga pangako ng Diyos. Ang matuto ring ipako ang kalooban sa mga pangakong ito na may tiyak na katuparan.
Pero ito ang pinakamahalaga … ang akuin natin ang kalooban at kagustuhan ng Diyos, ang tumulad sa kanyang katapatan, at ang hindi magnais ng anumang kaguluhan para sa sarili at sa daigdig na ginagalawan natin.