frchito

Archive for 2015|Yearly archive page

BUKLURANG ITINATAGUYOD AT PINAGSISIKAPAN

In Uncategorized on Oktubre 3, 2015 at 11:28

936969_169380516571294_619643326_n

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-27 Linggo ng Taon B

Oktubre 4, 2015

BUKLURANG ITINATAGUYOD AT PINAGSISIKAPAN

Mahirap ang mag-sermon sa araw na ito. Maraming pari ang magwiwika laban sa diborsyo. Ito ang tila pinakamadaling pag-usapang paksa, pagka’t tila ito ang tinutumbok ng mga pagbasa.

Pero kapag isang pagbabawal ang pinaksa, at hindi ang higit na malaking larawang bumabalot sa bawal, ang utos o bawal ay nagiging parang imposisyon. Upang ito ay magkaroon ng kahulugan, ay kailangan nating ikwadro o ikahon sa higit na malaking talakayin o isyu.

Nais kong isipin na ang malaking isyung ito ay hindi lamang tungkol sa kasal. Ang higit na malaking larawan na dapat natin tunghayan ay ang dignidad pantao, ang dangal ng tao, babae man o lalake, ayon sa balak, pangarap at hangarin ng Diyos.

Pundasyon o haligi ng dangal na ito ang katotohanang ang tao ay nilikha “ayon sa wangis at larawan ng Diyos.” At tulad ng Diyos, ang tao ay tinatawag sa pakikipag-ugnayan, sa pakikipagtalastasan, sa pakikipagkaisa sa kapwa. Ito ay ipinahihiwatig ng salita ni Adan na nagwika: “Sa wakas narito ang isang tulad ko, laman ng aking laman, buto ng aking buto.”

Magtapatan tayo … Hindi madali ang maging tao. At lalong hindi madali ang magpakatao. Tingnan na lamang natin ang nagaganap sa buong mundo: ang milyon-milyong refugees na walang masulingan, takot, at gutom at pagod at halos mamatay sa paghahanap ng mapupuntahan. Tingnan na lamang natin ang politika nating tila pinamumugaran ng mga ganid, makasarili, at walang pakundangan sa dangal ng babae at ng mga batang nakakakita sa kanilang mga ginagawa.

Wala ni isa man sa aking tagabasa ang makapagkakailang mahirap ang gumawa ng tama at lalong mahirap ang magtama sa mga gumagawa nang mali.

Pero sa kabila ng lahat, ayon sa sulat sa mga Hebreo, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, at “niloob Niya na si Jesus ay mamatay para sa ating lahat.”

Ito ang buod ng magandang balita sa araw na ito. Hindi pokus ng mga pagbasa ang pagbabawal sa diborsyo, bagkus ang pokus ay ang dakilang habag at pagmamalasakit ng Diyos para sa dangal ng tao, babae man at lalaki. Ang sunod na pokus dito ay ang panawagan ng Diyos sa tao upang makipag-isa, makipag-ugnay, at makibahagi sa pangkalahatang dangal na ito ng tao.

Ang pinakamalalim na kaisahang nais ng Diyos ay ipinahiwatig niya sa kaisahan ng babae at lalaki sa kasal. Hindi lamang ito isang civil union. Hindi lamang ito isang kasunduan. Hindi lamang ito isang seremonya, sapagka’t ito ay pakikipagkaisang ninais at binalak ng Diyos, at itinaas sa dignidad ng isang sakramento.

Ang sakramento, ang pag-bubuklod na ito ay mula mismo sa balak ng Diyos para sa tao. Hindi ito batay sa survey o sa kagustuhan ng mababaw na kultura ng showbiz at mainstream media.

At sapagka’t mahal ng Diyos ang tao, at pinagmamalasakitan niya ang dangal ng tao, hindi lamang ito isang pagpirma sa papel o seremonyang puedeng urungan at iwaksi kapag nagsawa na sa isa’t isa: “Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”

Dangal ng tao ang pakay niyang liwanagan. At bahagi ng dangal na ito ang katapatan sa pangako at sa kasunduan.

Hindi ito madali, tulad nang hindi madali ang magpakatapat at magpakatao. Kailangan magsikap, magpagal, maghirap o magdusa para sa mga bagay na pinahahalagahan, tulad nang ginawa ni Kristo alang-alang sa ating kaligtasan.

Ang kasal, tulad ng lahat ng gawain ng tao, tulad rin ng ginawa ni Kristo, ay isang buklurang pinaghihirapan, itinataguyod, at pinagsisikapan.

Kaya ba natin ito? Kung kaya ng bata, kaya ito ng matanda. Pero may dapat tayong gawin: “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos.”

ANG TUNAY NA DAPAT ITANGI, ITABI, AT IWAKSI!

In Uncategorized on Setyembre 26, 2015 at 11:42

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-26 na Linggo_KP_B

Setyembre 27, 2015

ANG TUNAY NA DAPAT ITANGI, ITABI AT IWAKSI!

Wala pa akong alam na relihiyon na hindi nagsabing walang ibang taong hindi nila kapanalig ang maliligtas. Lalu na ang mga terorista, na nagpupunla ng lagim sa lahat ng lugar sa buong mundo sa ngalan ng diyos nila at sa ngalan ng kanilang relihiyon.

Kasama na rito ang isang may bagong sine ipalalabas sa isang buwan. Tiyak akong meron silang hindi sasabihin, at meron naman silang pagagarbohin o kaya bibigyang-diin kahit malayo sa katotohanan.

Hindi rin naiba ang mga kasama ni Moises. Pinagdiskitahan nila si Eldad at Medad, sapagka’t kahit hindi sila kasama sa orihinal na bilang ay nagbigay propesiya ang dalawa, nang walang lisensya, ika nga.

Pero hindi lamang ito ang okasyon ng pagtatangi-tangi ng tao at pagtingin nang mababa sa kapwa. Nariyan ang mga nakaririwasa sa buhay na mababa ang tingin sa mga dukha, tulad nang sinabi ni Santiago sa ikalawang pagbasa.

Mismong ang mga disipulo ni Kristo Jesus ay nabahiran ng parehong pagtatangi. Umangal ang isa sa kanila sapagka’t mayroon daw na hindi nila kabilang na nagpapalayas ng demonyo sa ngalan ng Panginoon.

Tayo nga namang mga taong hangal at makasalanan. Kasama ako sa larangang ito. Kabilang ako sa mga mapangmata at mapagtangi. Kabilang rin ako sa mga medyo mainggitin at hindi makatiis na mayroong umaangat sa atin.

Medyo malagim ang payo ng Panginoon. Putulin daw natin ang kamay o paa kung ito ang naghahatid sa kasalanan at kayabangan. Bagama’t ito ay isang talinghaga na hindi naman dapat unawain nang tahasan at gawin ayon sa titik na binabanggit, ito ay may malalim na kahulugan na dapat limiin ng lahat … kasama ako, ikaw, at tayong lahat.

Malimit, mali ang pinuputol natin. Talbos lang, ika nga. Kapag talbos lang ng kamote ang puputulin, at hindi ang ugat, walang mangyayari. Lalago at lalago pa rin ang kamote. Marami sa atin ay nagdidiyeta. Bawas dito; bawas doon. Konting alak, konting taba lang, pero tuloy ang pagbili ng baboy, bacon, wine at beer. Bawas ngayon, kaing lubos at wagas bukas. Pigil ngayon; bigay-hilig bukas at makalawa.

Bawas muna ang inggit sa kapit-bahay na may magarang bagong kotse. Bawas tsismes muna ngayon at wag pag-usapan ang buhay ng may buhay ngayon; panay pula at backstabbing naman ulit bukas.

Parang tanggal talbos lamang, putol lamang ng suloy, pero patuloy ang paglago ng ugat at ng puno.

Ugat at puno ang tinutukoy ng Panginoon, hindi talbos. At ang ugat at puno ng lahat ay nasa puso ng tao, wala sa kamay at daliri. Hindi tayo tiyak na maliligtas kung isasara natin ang pinto ng langit sa lahat ng hindi natin kakosa, kakampi o kapanalig, tulad nang hindi tataas ang rating ng kabilang estasyon, kung wala tayong alam gawin kundi siraan ang kabila.

Sabi nga ni Kahlil Gibran, iligtas nyo ako sa isang taong gumagawa ng sariling pader, sa pamamagitan ng paninira ng bakod sa kabila.

Hindi nagiging tama ang isang relihiyon at pananampalataya sa pamamagitan ng pagdedeklarang mali ang lahat ng iba.

Ito ang dapat itangi, itabi at iwaksi … ang namumugad sa puso ng bawat tao … ang kasalanang nag-uugat sa pagnanasa at kawalang kasiyahan sa kung ano ang mayroon kang kaloob ng Poong Maykapal.

Huwag magtangi. Huwag magsaisang-tabi. Magwaksi … mula sa kalooban, hindi sa labasan.