frchito

TUMINGALA AT MAGTIWALA

In Kwaresma, Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K, Uncategorized on Pebrero 19, 2016 at 17:48


[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]
Ika-2 Linggo Kwaresma Taon K
Pebrero 21, 2016

TUMINGALA AT MAGTIWALA!

Ako’y isang maliit na tao. Kalimitan, ako ay tumitingala, hindi tumutungo. Sa dami-dami ng mga nagawa kong camping at pag-akyat sa bundok, isa sa matinding alaala ko sa lumipas ay ang pagtingala sa langit na puno ng bituin, lalo na’t hindi nalalambungan ng alapaap ang kalangitan.

Pagtingala at paghanga sa langit ang paksa ko ngayon. Ito rin ang habilin ng Diyos kay Abram nang tawagin Niya si Abram mula sa Ur tungo sa lupang pangako: “Masdan mo ang mga bituin. Mabibilang mo ba yan?”

Tiwala at hindi puro tingala lang sa langit ang ginawa ni Abram, kung kaya’t di naglaon, pinalitan ng Diyos ang kanyang pangalan bilang Abraham. Ay siya’s naging Ama ng di mabilang na salin-lahi, ayon sa pangako ng Diyos.

Kung minsan, panay tingala ang gawa natin … kapag puro tingala na walang gawa, ang tawag diyan ay tunganga … nganga, sa ating makabagong salita ngayon.

Hindi puro nganga ang ginawa ni Abram. Sinunod niya ang tagubilin ng Diyos at tumungo sa lupaing pangako ng Diyos.

Tulad ng tagubilin ni Pablo sa mga taga Filipos, hindi puedeng mamuhay “bilang mga kaaway ng krus ni Kristo”, tulad ng mga taong “ang dinidiyos ay ang kanilang katawan.”

Sa buhay natin, madalang na ang may kakayahan at oras upang tumingala at humanga sa mga tala. Hindi na natin nakikita ang mga bituin. Napapalibutan na tayo ng ibs-ibang uri ng balakid upang hindi na natin makita ang mga bituin.

At pati ang langit at ang isinasagisag nitong kaligtasan ay tila naglalaho na sa ating paningin. Sa halip na makakita tayo ng pag-asa, panay kadiliman ang pumapaligid sa atin … puro katiwalian at kasakiman ang tumatawag ng ating pansin. Sa halip na liwanag, ay maiitim na alapaap ang bumabalot sa kalawakan.

Alam kong masamang balita ito. Alam kong halos ay ilampaso sa sahig ng kawalang-katiyakan ang pag-asa natin, at ang kakayahan nating makatunghay pa ng liwanag.

Pero, ito naman ang pahatid sa atin sa araw na ito. Kung paanong tinawag si Abram, ganoon din naman, tayo ay tinatawagan upang patuloy na tumingala sa langit, at tumingin sa mga tala at bituin, at ituon ang paningin natin sa kalangitan kung saan nagmumula ang kaligtasan.

Sa kabila ng kadiliman, ang Diyos ay nananatiling liwanag sa dilim. Sa likod ng patuloy na pagyapak sa ating pag-asa, ang Diyos ay walang tinag na sumusubaybay sa ating kinabukasan.

At pinatotohanan niya ito nang nagbagong-anyo si Kristong Kanyang Anak at Panginoon. Tinawag niya si Pedro, Juan at Santiago upang unang makasaksi sa dakilang pagbabagong-anyong ito.

At kahit na hindi nila halos malabanan ang antok at tulog, naganap ang bagay na dapat makita ng lahat – ang kanyang pagbabagong-anyo na pahimakas ng kung anong tadhana ang naghihintay para sa mga taong marunong tumingala, kumilala, at magtiwala.

Mahirap ang buhay, alam ko at alam ng Diyos. Maraming problema … alam ko at batid ng Diyos … Mahirap magpaka Kristiayano ngayon …. Alam ko … magsabi ka lamang ng isang bagay na hindi popular at ikaw ay ipapako sa krus ng social media. Hihiyain ka, at tatawagin ka ng lahat ng uri ng masasakit na pangalan. Ito marahil ang dahilan kung bakit marami ang nauuwi na lamang sa pagtunganga at walang patumanggang pag-nganga sa harap ng maraming suliranin at pagsubok.

Alam nyo, pati si Pedro, Santiago at Juan ay halos tumunganga lamang. Matapos magbagong-anyo si Kristo ay lumambong sa kanila ang madilim na ulap. Sila ay natakot. Pero sa likod ng ulap na ito ay naganap ang dakilang pagpapahayag: “Ito ang aking Anak, ang aking hinirang. Siya ay inyong pakinggan.”

Hala! Bawal ang tumunganga. Bawal ang nganga. Tumingala sa langit at magtiwala! “Panginoo’y aking tanglaw; siya’y aking kaligtasan.”

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: