frchito

Posts Tagged ‘Ikalawang Linggo ng Kwaresma Taon K’

TUMINGALA AT MAGTIWALA

In Kwaresma, Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K, Uncategorized on Pebrero 19, 2016 at 17:48


[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]
Ika-2 Linggo Kwaresma Taon K
Pebrero 21, 2016

TUMINGALA AT MAGTIWALA!

Ako’y isang maliit na tao. Kalimitan, ako ay tumitingala, hindi tumutungo. Sa dami-dami ng mga nagawa kong camping at pag-akyat sa bundok, isa sa matinding alaala ko sa lumipas ay ang pagtingala sa langit na puno ng bituin, lalo na’t hindi nalalambungan ng alapaap ang kalangitan.

Pagtingala at paghanga sa langit ang paksa ko ngayon. Ito rin ang habilin ng Diyos kay Abram nang tawagin Niya si Abram mula sa Ur tungo sa lupang pangako: “Masdan mo ang mga bituin. Mabibilang mo ba yan?”

Tiwala at hindi puro tingala lang sa langit ang ginawa ni Abram, kung kaya’t di naglaon, pinalitan ng Diyos ang kanyang pangalan bilang Abraham. Ay siya’s naging Ama ng di mabilang na salin-lahi, ayon sa pangako ng Diyos.

Kung minsan, panay tingala ang gawa natin … kapag puro tingala na walang gawa, ang tawag diyan ay tunganga … nganga, sa ating makabagong salita ngayon.

Hindi puro nganga ang ginawa ni Abram. Sinunod niya ang tagubilin ng Diyos at tumungo sa lupaing pangako ng Diyos.

Tulad ng tagubilin ni Pablo sa mga taga Filipos, hindi puedeng mamuhay “bilang mga kaaway ng krus ni Kristo”, tulad ng mga taong “ang dinidiyos ay ang kanilang katawan.”

Sa buhay natin, madalang na ang may kakayahan at oras upang tumingala at humanga sa mga tala. Hindi na natin nakikita ang mga bituin. Napapalibutan na tayo ng ibs-ibang uri ng balakid upang hindi na natin makita ang mga bituin.

At pati ang langit at ang isinasagisag nitong kaligtasan ay tila naglalaho na sa ating paningin. Sa halip na makakita tayo ng pag-asa, panay kadiliman ang pumapaligid sa atin … puro katiwalian at kasakiman ang tumatawag ng ating pansin. Sa halip na liwanag, ay maiitim na alapaap ang bumabalot sa kalawakan.

Alam kong masamang balita ito. Alam kong halos ay ilampaso sa sahig ng kawalang-katiyakan ang pag-asa natin, at ang kakayahan nating makatunghay pa ng liwanag.

Pero, ito naman ang pahatid sa atin sa araw na ito. Kung paanong tinawag si Abram, ganoon din naman, tayo ay tinatawagan upang patuloy na tumingala sa langit, at tumingin sa mga tala at bituin, at ituon ang paningin natin sa kalangitan kung saan nagmumula ang kaligtasan.

Sa kabila ng kadiliman, ang Diyos ay nananatiling liwanag sa dilim. Sa likod ng patuloy na pagyapak sa ating pag-asa, ang Diyos ay walang tinag na sumusubaybay sa ating kinabukasan.

At pinatotohanan niya ito nang nagbagong-anyo si Kristong Kanyang Anak at Panginoon. Tinawag niya si Pedro, Juan at Santiago upang unang makasaksi sa dakilang pagbabagong-anyong ito.

At kahit na hindi nila halos malabanan ang antok at tulog, naganap ang bagay na dapat makita ng lahat – ang kanyang pagbabagong-anyo na pahimakas ng kung anong tadhana ang naghihintay para sa mga taong marunong tumingala, kumilala, at magtiwala.

Mahirap ang buhay, alam ko at alam ng Diyos. Maraming problema … alam ko at batid ng Diyos … Mahirap magpaka Kristiayano ngayon …. Alam ko … magsabi ka lamang ng isang bagay na hindi popular at ikaw ay ipapako sa krus ng social media. Hihiyain ka, at tatawagin ka ng lahat ng uri ng masasakit na pangalan. Ito marahil ang dahilan kung bakit marami ang nauuwi na lamang sa pagtunganga at walang patumanggang pag-nganga sa harap ng maraming suliranin at pagsubok.

Alam nyo, pati si Pedro, Santiago at Juan ay halos tumunganga lamang. Matapos magbagong-anyo si Kristo ay lumambong sa kanila ang madilim na ulap. Sila ay natakot. Pero sa likod ng ulap na ito ay naganap ang dakilang pagpapahayag: “Ito ang aking Anak, ang aking hinirang. Siya ay inyong pakinggan.”

Hala! Bawal ang tumunganga. Bawal ang nganga. Tumingala sa langit at magtiwala! “Panginoo’y aking tanglaw; siya’y aking kaligtasan.”

MANALIG, TUMULAD, AT MAKINIG

In Catholic Homily, Kwaresma, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Pebrero 20, 2013 at 21:11

Transfiguration-of-Jesus-greek-iconIkalawang Linggo ng Kwaresma (K)

Pebrero 24, 2013

Mga Pagbasa: Gen 15:5-12, 17-18 / Fil 3:17 – 4:1 / Lucas 9:28b-36

MANALIG, TUMULAD, AT MAKINIG

Pananalig ang nilalaman ng mga pagbasa ngayon. Sa unang pagbasa, muli tayong pinakitaan ng kung ano ang pananalig – ang paniniwala sa pangako ng Diyos na binitiwan kay Abram. Kung gaano raw karami ang bituin sa langit, ay ganoon din ang kanyang magiging angkan. Sa pagsunod ni Abram ay isang dakilang kasunduan ang naganap: “Nangangako ako na ibibigay sa lahi mo ang lupaing ito, mula sa hanggahan ng Egipto hanggang sa ilog Eufrates.”

Pero sinumang may sabing ang pagsunod sa Diyos ng pangako ay isang parang paglalakbay sa ilalim ng buwan ay hindi nauunawaan ang tunay na buhay. Malayo ito sa katotohanan. Kapag ang Diyos ang tumawag, ay laging may kapalit na halaga, may kabayaran, nguni’t mayroon ring dakilang gantimpalang naghihintay.

Ito naman ang turo ni Pablo sa ikalawang pagbasa. Hindi gaanong kadali ang sumunod sa Diyos, hindi katulad ng “tuwid na daan,” na kung ipagmakaingay sa mga talumpati ay parang napakadaling isagawa. Pero hindi ito ang sinasabi ni Pablo na nagwika: “magpakatatag kayo,” aniya, “sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.”

Ito naman ang tanong natin: May karapatan nga ba si Pablo mangaral nang ganuon? Sa palagay nyo ba hindi pa sapat na siya ay makulong, na siya ay hagupitin, at makaranas ng ilang sakuna sa karagatan? Hindi pa ba ito sapat na patunay na nalalaman ni Pablo ang kanyang mga sinasabi tungkol sa paghihirap na pinagdadaanan ng tagasunod ng Diyos? Ano pa ang kabuluhan ng kanyang paanyaya sa lahat: “Magkaisa kayong tumulad sa mga halimbawang ipinakita ko sa inyo.”

Dumako naman tayo sa buhay natin ngayon. Tayong mga Katoliko, at kayong mga nagsisibasa nito ay nagdadaan sa napakaraming pagsubok. Huwag lang kayo manindigan sa katotohanang turo ng simbahan at kayo’y kagya’t makakaranas ng sari-saring batikos at pangungutya. Subukan ninyong mangaral o magwika lamang sa panig ng Simbahan, at paniguradong kayo ay pagbibintangan ng pagiging tuta ng Santo Papa, o naniniwala sa isang banyagang bansa na pinamumunuan ng Santo Papa sa Roma. Idipensa ninyo ang buhay sa sinapupunan at kayo ay dagling tatawaging makaluma at laban sa agham at sa paglaganap ng lipunan. Ang higit na masahol ay ito pa … mga tuta kayo diumano ni Damaso.

Ano ang bunga ng lahat ng ito? Mahirap ngayon manalig. At lalong mahirap panindigan ang pananalig. Mahirap rin ang manatiling gising, tulad ng naranasan ng tatlong disipulo – sa tuktok ng bundok. Mahirap ang manalangin sa gitna ng samut-saring mga pagsubok. Pero dito naganap, sa konteksto ng panalangin, ang dakilang tanda na siya rin nating inaasam, hinihintay, at balang araw, ay makakamit, ayon sa pangako ng Diyos.

Nagbagong anyo si Kristo, at natunghayan nila ang luwalhating sa kanila rin ay nakalaan, sa ating lahat na sumasampalataya.

Ano ngayon ang dapat nating gawin? Sa mga sandaling ito na inuusig ang pananampalataya natin, iisa ang tinutumbok ng tatlong pagbasa … Manalig tulad ni Abram … tularan ang halimbawa ni Pablo at magpakatatag … Higit sa lahat, matutong makinig … matutong tumalima … “Ito ang aking Anak, ang aking hinirang. Siya ang inyong pakinggan.”