Ika-11 Linggo ng Taon (K)
Junio 12, 2016
ESKANDALO SA HANDAAN!
Malaking eskandalo iyon, kumbaga! Si Jesus … nasa handaan … kasama mga
malalaking tao ng lipunan, ang mga Pariseo at mga Eskriba … mga big time, ika nga.
Heto at biglang pumasok ang kilalang makasalanang babae sa bayan. Lumapit sa
likuran ni Jesus. Iniyakan ang kanyang mga paa, hinugasan ng kanyang mga luha, at
tinuyo ng kanyang buhok…
Wag nyo nang dagdagan pa ang kwento ko … baga maging teleserye na. Pero,
malaking dagok ito sa dignidad ng Guro, di ba? Sa biglang wari, para itong isang
malaking eskandalo.
O ikumpara nyo kaya sa ginawa ni David. Sa kanyang pagnanasa kay Batsheba,
ipinadala niya si Urias sa unang hanay ng giyera, upang iligpit siya ika nga, at
mawala ang balakid sa kanyang maitim na balak.
O hala! Yaman at narito na tayo sa usapang ito, ikumpara natin kay Saul, na isang
masugid na taga-usig at tagapagpahirap sa mga unang Kristiano … Ewan ko kung
ano ang kasalanang nagawa ng babae, pero alam natin ang ginawa ni David, ni Saul.
Alam rin natin ang ating sariling mga kasalanan … Aminin!
Pero hindi telenobela ang pakay natin dito. Wala tayong tinutugis na aswang dito, at
wala tayong pinatatamaan dito .. Aminin natin tulad ng pag-amin ni David: “Tunay
akong nagkasala sa Panginoon!” Aminin natin at tanggapin tulad sa pagtanggap ni
Saul na naging Pablo: “Ang tao’y pinawalang-sala sa pananalig kay Jesucristo.”
“Namatay na akong kasama ni Kristo sa krus.” Ito si Saul na dati-rati ay mabangis na
tagapag-usig.
Wag na nating pahabain pa ang kwento. Wag na nating idiin pa ang babaeng
makasalanan. Walang babae o lalake rito sa usapang ito. Lahat tayo ay nagkasala.
Lahat tayo ay marupok, madaling lumimot, at lalong madaling tumalikod sa
pangako.
Pero hindi ito ang kwentong iginuguhit ng mga pagbasa. Ang dapat lumutang sa
ating isipan ay kung ano ang sinabi ni Papa Francisco kamakailan. Hindi napapagod
ang Diyos sa pagpapatawad. Ang tao … tayo ang napapagod humingi ng
kapatawaran.
Naunawaan ito ng babaeng makasalanan. Natumbok niya, kumbaga, ang kahinaan
ng Diyos. Tumangis siya. Kumilos at humingi ng patawad. Sa harap ng pag-ibig na
nag-uumapaw, pati ang Panginoon ay nadala ng kanyang dakilang habag.
“Ipinatawad na ang iyong mga kasalanan!”
Eskandalo kamo sa handaan? Hindi … kundi isang dakilang kwento ng kapatawaran!