frchito

Mithiin at Tuntunin

In Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K, Taon K on Agosto 3, 2016 at 18:57

Ika-19 na Linggo – Taon K
Agosto 7, 2016
MITHIIN, TUNTUNIN

Linaw ng paningin ang paksa natin noong nakaraang Linggo. Kung ano ang tingin,
siyang turing. Kung pinahahalagahan natin ang mga bagay na di nagtatagal at kagya’t
naglalaho, ito ay isang halimbawa ng binabanggit ni Kohelet: “Walang kabuluhan …
walang kakabu-kabuluhan!” Hindi yaman, at lalong hindi ang kasakiman, ang dapat na
ituring na hantungan ng buhay ng mga taga-sunod ni Kristo.

Ang mga pagbasa natin ngayong araw na ito ay tila karugtong ng paksang ito noong
isang Linggo. Kung noong nakaraang Linggo ay pinaalalahanan tayo na ang
pinakamahalaga ay di yamang materyal, o anu mang bagay na makamundo, sa araw na
ito, tinutuunan ng mga pagbasa kung ano ang dapat ituring na hantungan at hangganan ng buong buhay ng tao.

Ano nga ba ang siyang dapat pagtuunan ng pansin ng tao nang higit sa lahat? Ano nga ba
ang siyang dapat at wastong mithiin ng bawa’t nilalang sa mundong ito?

Ang aklat ng Karunungan ay tumutugon sa ating katanungan. Walang iba kundi ang
Diyos ang maituturing na nasa likod ng lahat ng kababalaghang naganap sa pagtawid ng
mga Israelita sa dagat, habang tinutugis ng mga Egipcio (Unang Pagbasa). Wala ring iba
maliban sa Diyos ang siyang sinunod ni Abraham, at siyang naging tampulan ng kanyang
dakilang pananampalataya, magpasahanggang ialay niya ang tangi niyang anak na si
Isaac (Ikalawang Pagbasa).

Maliwanag na hindi lamang linaw ng paningin ang pinag-uusapan dito. Maliwanag na
hindi lamang mithiin ang pinapaksa natin ngayon.

Ito ang binigyang-liwanag ng ebanghelyo ayon kay Lucas. Hindi sapat aniya ang hindi
mabulagan ng bagay na makamundo. Hindi sapat na hindi mabulagan ng pag-aasam ng
yaman. May higit pang dapat tayong pagtuunan ng pansin. Hindi maaaring ang tao ay
manatili sa ilalim ng balag ng alanganin. Kung hindi makamundong bagay ang mithiin
natin, dapat ay mayroon tayong higit sa lahat ay pinahahalagahan. Ang tao ay nilikha ng
Diyos na dapat mayroong pinanghahawakang pagpapahalaga.

Ito ang paanyaya sa atin ng ebanghelyo ni Lucas. Ang linaw ng mata ay dapat matuon sa
malinaw ring mithiin. At ang mithiing ito, na higit sa lahat ng makamundong mithiin, ay
walang iba kundi ang parehong Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Jacob. Siya ang Diyos
ng pangako at pagtupad ng pangako.

Kung minsan, mahirap mag-anyaya ng tao kung hindi niya alam ang kaniyang gusto.
Hindi sapat na tanungin ang isang tao kung ano ang ayaw niyang pagkain. Matapos mong
matanong siya kung ano ang ayaw, darating ang punto na dapat mo siyang tanungin kung
ano ang gusto niya. Mahirap umorder sa restoran ng menu na ang pangalan ay “kahit
ano.”

Noong isang Linggo, tiniyak natin na hindi yaman at pagkakamal ng salapi ang ating
hantungan. Ngunit tiniyak din natin na hindi kasalatan at paghihikahos ang gusto ng
Diyos para sa atin. Bagama’t dineklara ni Kristong “mapalad” ang mga dukha, hindi niya
sinasabing ang pagiging dukha ang siyang dapat na maging mithiin ng lahat ng tao. Hindi
“kahit ano” ang paanyaya at kalooban ng Diyos para sa kanyang bayan.

Kung hindi “kahit ano” o “maski ano,” ano bang mithiin ang dapat mayroon ang tao?
Tama lang bang paningin at wastong pagturing? Tama lang bang pagkilatis at wastong
hangarin?

Hindi. Hindi lamang ang mga iyon. Ang hangarin na bunga ng wastong pagkilatis ay
dapat na hindi manatiling mithiin. Ang paalaala ni Kristo ay malinaw: “Manatiling gising
at handa. Sapagka’t hindi ninyo alam ang araw kung kailan darating ang Panginoon”
(Bersikulo ng Aleluya). Ang siyang dapat mithiin ay walang iba kundi ang Panginoon
mismo … hindi yaman, hindi kasalatan, bagkus ang Diyos na higit sa lahat.

Subali’t ang hangaring ito ay may kaakibat na tungkulin. Una, magpaanyo kayo ng
lukbutang hindi nananakaw o nasisira, isang yamang makalangit, sapagka’t kung saan
naroon ang yaman ay nanduon rin ang inyong puso.” Ikalawa, “maging tulad ng mga
utusang naghihintay sa pagbabalik ng kanilang amo mula sa kasalan na handang
magbukas ng pinto sa oras ng pagkatok. Mapalad ang mga utusang matatagpuang
nagbabantay sa pagbabalik ng amo.”

Ang mithiin natin ay walang iba kundi ang Diyos. Siya ang tampulan ng lahat nating
hangarin. Siyang ating mithiin ay siya ring ating tuntunin. “Mapalad ang utusang
madadatnang gumagawa ng kanyang tungkulin.” Hindi sapat ang mangarap. Ito ay dapat
lakipan ng pagsisikap. Kung anong mithiin, siya ring tuntunin.

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: