frchito

MAGTAPATAN TAYO

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Agosto 11, 2016 at 02:31

Ika-20 Linggo -Taon K

Agosto 14, 2016

MAGTAPATAN TAYO!

Puno ng malalim na kahulugan ang mga pagbasa natin ngayon, lalu na ang ebanghelyo. Kung bibigyang buod natin, may kinalaman ang lahat sa pagiging matatag, sa pagiging matiisin, matibay, at matapang sa pagharap sa anumang uri ng suliranin. Sa biglang wari, mistulang masungit at marahas ang pananalita ng Panginoon. “Naparito ako upang pagliyabin ang daigdig, at sana nga ay naglalagablab na!”

Ang salita ng Panginoon ay tila nagpupuyos, nagdadaig, nagliliyab. Mainit ang dating … nakadadarang, tila nakapapaso. Tahasan … tuwiran … walang pasikot-sikot … walang paligoy-ligoy.

Hindi politiko ang Panginoong Jesucristo. Hindi siya bulaan. Hindi siya isang taong ang dila ay sanga-sanga, tulad ng mga politikong ang sinasabi ay hindi mo lubos mapagwari kung ano ang tunay na ibig sabihin at tunay nilang layunin. Deretso ang kaniyang tingin. Deretso rin ang kaniyang turing. At ang kaniyang mithiin para sa atin ay siya ring alay niyang tuntunin. “Akala ba ninyo ay naparito ako upang maghatid ng kapayapaan sa lupa?”

Ano nga ba ang tahasang-tiyak na tinutumbok ng Panginoon? Ano nga ba ang binibigyang-diin niya sa mga pananalitang ito na tigib ng talinghaga?

Una sa lahat, ang kinapapalooban ng ebanghelyo ay kung ano ang binabanggit ng una at ikalawang pagbasa. Sa aklat ni propeta Jeremias, natunghayan natin kung ano ang sinapit ng taong sinugo ng Diyos. Ang kaniyang pagtalima sa paanyaya ng Diyos na mangaral ay nauwi sa dakilang paghihirap. Tinuligsa siya at inusig hanggang sa halos ay mamatay sa gutom sa balon.

Magtapatan tayo … ito ang tila baga’y sinasaad sa unang pagbasa … ang pagsunod sa Panginoon ay hindi biro … hindi isang laro na ang dulot ay kaaya-ayang buhay na nahihilata sa kasaganaan at kaluwagan.

Sa ikalawang pagbasa naman, lalu pang idiniin ng sulat sa mga Hebreo na ang pagsunod kay Kristo ay isang pagpupunyagi at patuloy na pagtakbo hanggang makamit ang premyo. Ito, aniya, ay tila isang timpalak na may kinalaman sa pagiging matatag, mapunyagi, maporsigue … hanggang sa tagumpay kasama si Kristo.

Magtapatan tayo … ang daan patungo sa kabanalan ay hindi nalalatagan ng alpombrang malambot. Ang daan ng kabanalan ay makipot at masikip, at hindi kasya rito ang mga Lamborghini, Ferrari, Porsche at iba pang magagarang sasakyang pilit na ipinupuslit ng mga tampalasang kakutsaba ng mga tao sa gobyerno ng Pilipinas.

Ito ang kinapapalooban ng ebanghelyo na tila ang pananalita ay mabagsik at masungit. Subali’t ito ang dapat nating unawaing mabuti. Ang pagsasabi nang matapat, ay pagsasama nang maluwat.

Nararapat natin marahil unawain ang mga salitang ito sa liwanag ng salitang kanto boy: “magtapatan tayo!”

Magtapatan tayo … ang apoy ay nakadadarang, nakapapaso … hindi tayo isinusugo ni Kristo upang manatiling malamig na parang bangkay. Ang kristiyano na tumanggap ng turing na kristiyano ay dapat makadarang, makaimpluwensiya ng kultura ng lipunan. Ang hindi nakadadarang ay nanlalamig, nanghihinawa, at nagpapadala sa agos ng lipunan.

Magtapatan tayo … ang apoy ay nakapagdadalisay. Ang ginto ay hindi magiging dalisay kung hindi ito idadaan sa apoy na lantayan. Lantay na ginto ang bunga ng init na nakapagdadalisay. Hindi kailanman dadalisay ang ating bayang Pilipino kung ang ating mga dila ay sanga-sanga tulad ng mga bulaang mga politiko at kanilang mga kampon sa larangan ng komersiyo.

Magtapatan tayo … ang isang pamilyang ang mga kasapi ay panay matatamis na pananalita lamang ang puhunan at hindi naninindigan sa wasto at tama ay hindi lalago, hindi uunlad, hindi aangat. Maiiwan sila sa antas ng bolahan, panlilinlang, at pagbabalatkayo. Hindi makalalayo ang panay lamang ang ngiti at kindat sa buhay. Kung ang mali at taliwas at tiwali ay kikindatan at ngingitian lamang natin, hindi uusad ang ating mithiin … hindi aangat ang ating lipunan. Kung ang isang magulang, sa ngalan ng kabaitan at pagbibigay-layaw sa anak, ay magbubulag-bulagan, kahit na ang ginagawa ng anak ay hindi ayon sa kagustuhan ng Diyos, ang kanyang kilos ay walang init, walang hatid na pandadarang, ngunit wala ring buhay … malamig pa sa bangkay!

Nagpupuyos ang aking damdamin sa dami ng katiwalian sa ating bayan. Nag-iinit kung minsan ang aking kalooban. Ang pag-iinit na ito ay hindi lamang galit na walang patutunguhan. Ito ay apoy na mapagdalisay, init na nandadarang, init na nagtutulak sa ating lahat upang gumawa nang kung ano ang ating kayang gawin.

Magtapatan tayo … nang tayo ay kumpilan, dinarang tayo ng mga kaloob ng Espiritu Santo … Nasaan na ang apoy na ito? Nasaan na ang init ng iyong pagpupunyagi? Saan na natin ikinubli ang apoy na dapat sana ay nagliliyab at naglalagablab na sa ating lipunan?

Magtapatan tayo … ang nagsasabi nang matapat ay nagsasama nang maluwat.

 

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: