frchito

YABANG, HINDI YAMAN ANG PROBLEMA!

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Taon K on Setyembre 22, 2016 at 15:06

YABANG, HINDI YAMAN ANG PROBLEMA!

Pangalawang Linggo nang tayo ay binabagabag ng tila isang maling pagpapahalaga sa turo ng Panginoon. Noong nakaraang Linggo, tila pinuri pa ng amo ang kadayaan ng kanyang tagapamahala. Nguni’t nabatid natin na ang pinuri ng amo ay hindi ang kadayaan ng tagapamahala kundi ang kanyang katalinuhang gamitin ang makamundong karunungan para lutasin ang isang matinding suliraning personal.

Ang itinanghal ng ebanghelyo ay hindi kadayaan, kundi ang halimbawang dapat gamitin rin ang karunungan para sa pagpapalaganap ng paghahari ng Diyos. Isa na namang kabalintunaan ang hatid ng mga pagbasa ngayon.

Sa unang pagbasa, binatikos ni Amos ang kahalayan ng pamumuhay marangya ng mga mayayaman at makapangyarihang walang pakundangan sa kinatatayuan ng higit na nakararami sa lipunan. Ang usaping ito ay tila sinegundahan naman ng ebanghelyo ayon kay Lucas.

Malinaw dito na ang mabuting balita ng kaligtasan ay may natatanging atensyon sa mga walang kaya, sa mga walang sinasabi, sa mga mahihirap, tulad ni Lazaro. Sa biglang wari, tila sinasabi ng ebanghelyo na ang kagustuhan ng Diyos ay baligtarin ang bagay-bagay at pagdusahin ang mga mayayaman sa kabilang buhay. Subali’t hindi ito ang pinapaksa ng mga pagbasa. Ang Diyos ay hindi inilalarawang isang mapaghiganting Diyos na pumapanig sa mga naapi sa buhay na ito laban sa mga nang-api at nagmalabis. Sa katunayan, walang sinasabing nagmalabis kay Lazaro ang mayamang tinutukoy sa ebanghelyo. Walang sinasabing minaltrato ng mayaman ang pobreng si Lazaro.

Dapat mag-ingat na ang dalawang pagbasang ito ay hindi kakitaan ng isang dahilan upang papag-awayin ang mahirap at ang mayaman. Hindi yaman ang tinutuligsa sa mga pagbasang ito. At lalung hindi kahirapan ang iniaangat at pinapupurihan dito. Sa madaling salita, kung hindi yaman ang pinupuntirya ni Jesus, ano ang gusto niyang sabihin? Ano ang gustong paratingin ng talinghaga ng Panginoon tungkol sa mayamang lalaki at ang kanyang angkan at kay Lazaro?

Maari tayong humalaw sa nagaganap sa ating lipunan sa mga araw na ito upang maunawaan ang mga pagbasa. Sa nakaraang Linggo, nabunyag ang isang katotohanang mahirap isipin, mahirap tanggapin, at mahirap patawarin. Nabunyag muli na ang lipunang Pilipino lalu na ang pamahalaan ay pinamumugaran ng mga taong nahirati sa yaman at nabulagan na ng kapangyarihan. Sa loob ng maraming taon na ang mga kinauukulan ay naghahawak ng kapangyarihan at kayamanan, malamang na ang mga inaakusahan ng korupsyon ay mga taong nasanay na sa kultura ng yaman, isang kulturang nagiging manhid sa kalagayan ng mga abang nasa labas ng kanilang mga bakuran, tulad ni Lazaro.

Ang mga tila nalulon na naman sa isang kahiya-hiyang iskandalo ng pagnanakaw ay mga taong nahirati na sa kayamanan at kapangyarihan. Marahil ay inakala nilang walang mabubunyag, at ang lahat ay mapagtatakpan at maikukubli sa mga mata ng balana. Ito ang pinupuntirya ng mga pagbasa … Si Amos ay hindi galit sa mga mayayaman sa kanyang panahon dahilan lamang na sila ay mayaman. Ang tinutuligsa niya ay ang karangyaang walang pansin, ang pagkagumon sa luho na walang pakundangan sa kalalagayan ng mga salat at walang-wala. Ang kanyang tinutuligsa ay ang walang katuturang pagkalulon sa lahat ng uri ng luho na hindi angkop sa katayuan ng karamihan. At ang pinupuntirya ng ebanghelyo ayon kay Lucas ay hindi ang mababaw na pagbabaligtad ng katayuan ng mayaman at ng abang si Lazaro.

Ang tinutuligsa ng ebanghelyo natin ngayon ay hindi yaman, kundi ang yabang! Hindi kaila sa atin na ang yaman ay nakabubulag. Hindi malayo na ang taong nahirati at nabihasang makihalubilo sa mga mayayaman lamang at makapangyarihang tao ay mag-iisip na rin tulad ng kanilang kasa-kasama tuwina. Ang yaman at kapangyarihan ay may kaakibat na panganib. Malaking posibilidad na ang yaman ay maghatid ng kawalang-pansin at kayabangan sa taong nagkakamal nito – tulad ng kawalang pansin at kayabangan ng mayamang ni hindi pinansin at tinao si Lazarong araw-araw ay nakabulagta sa labas ng trangkahan ng kanyang marangyang bahay.

Yabang, hindi yaman ang tinutuligsa ng Panginoon. Subali’t malinaw sa ating mga pagbasa na ang yabang na ito, ang saloobing ito ng mga taong walang malasakit sa mga aba, ay isang panganib na mabilis kabuliran ng mga mayayaman. Ganoon na lamang at sukat ang saloobing makasarili ng taong binabanggit sa ebanghelyo. Patay na at lahat ay hindi pa niya maiwan ang saloobing ang mga salat at mahihirap ay walang kwenta at dapat manatiling utusan lamang. Pati sa kamatayan, ay nanatili ang mababang pagtingin niya kay Lazaro na gusto pa niyang utusang pumunta sa kanyang mga kapatid. Malungkot ang nagaganap na muli sa Pilipinas.

Para bagang ang mga matataas at makapangyarihang napakatagal nang “naglingkod sa bayan” kuno, ay wala nang kabubusugan kung baga. At sapagka’t kay tagal na nila sa posisyon, hindi na nila alintana ang patuloy na paghihirap ng napakaraming mga Pilipino. Patuloy ang kanilang paghahanap ng yaman. At patuloy din naman ang madaling bunga ng yaman – ang kapalaluan o kayabangan.

Ito ang aking mungkahi sa araw na ito. Ang mahirap ay huwag sanang magalit sa mayayaman. At ang mayayaman ay huwag sanang mabulagan dahil sa kanilang yaman. Mahirap man o mayaman, magalit tayo sa saloobing pagwawalang-bahala at pagbabale-wala sa mga aba, sa mga salat, at sa mga walang kaya sa buhay. Magalit tayo sa yabang, at hindi sa yaman. At sa mga nag-aasam, alalahanin natin ang kaakibat ng yaman at karangyaan, ang kagya’t at kalimitang bunga ng kayamanan na walang iba kundi ang kayabangan.

Mainam para sa atin na alalahanin ang tagubilin ni Pablo kay Timoteo sa ikalawang pagbasa: “pagsikapan ang kabanalan, debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan. Makipagtagis nang mahusay para sa pananampalataya.”

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: