frchito

Archive for Oktubre 7th, 2016|Daily archive page

SOLVITUR AMBULANDO

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K, Taon K on Oktubre 7, 2016 at 15:29

 

SOLVITUR AMBULANDO!

Parang bulong ng mga herbolario o manggagamot ang pamagat ko sa araw na ito sa pagninilay na ito. Solvitur ambulando … Isa ito sa mga pamana ng aming mahal na Patron sa Mendez, Cavite … ang dakilang santong si San Agustin ng Hippo. Nangangahulugan ito na ang mga bagay-bagay, ang mga pag-aagam-agam, ang mga suliranin at iba pa, ay nagkakaroon ng lunas habang tayo ay naglalakad, habang ang panahon ay lumalawig, habang ang tao ay handang maglayag at magpatuloy sa pagtahak sa landas ng buhay.

Solvitur ambulando … things are solved while walking. Matagal-tagal na rin akong gumigising nang maaga araw-araw para maglakad, para mag-ehersisyo. Nasa kalendaryo pa ang aking edad noong ako ay magsimulang gawin ito, lalu na noong itinatag ko, sa tulong ng mga estudiante, ang isang samahan ng mga umaakyat ng bundok.

Ayon sa aking karanasan, ang mahabang paglalakad, ang tahimik na pakikipag-niig sa kalikasan, habang tulog pa, o pagising pa lamang ang buong daigdig, ay nagdudulot ng linaw ng kaisipan, at inspirasyon mula sa itaas, na nagiging simulain ng kalutasan ng maraming katanungan o suliranin. Ang gawaing ito ay dinala ko saan man ako nagpunta, malamig man o mainit … sa Roma, sa Salamanca, sa Paris, sa iba-ibang lungsod sa Amerika, kasama ang Baltimore, Maryland, sa iba-ibang bayan sa Filipinas … magpahangga ngayon. Sa paglalakad sa dilim at katahimikan, kalakip ang panalangin at pakikipagniig hindi lamang sa kalikasan, kundi pati na rin sa may akda ng kalikasan, paulit-ulit na napatunayan ko ang katotohanan ng sinabi ni San Agustin … solvitur ambulando.

May kinalaman ang paglalakad na aking binabanggit sa ebanghelyo sa araw na ito. Ang kinapapalooban ng bahagi ng Ebanghelyo ayon kay Lucas ay ang paglalakbay ni Jesus patungo sa Jerusalem. Maging si Jesus ay naglalakad, naglalakbay, tumatahak sa landas na maghahatid sa kanyang kaluwalhatian. Hindi lamang siya ang naglalakad. May sampung ketongin ang nasa mga lansangan. Malamang na ang mga ito ay hindi naglalakad sapagka’t sila ay walang magawa. Naglalakad sila sapagka’t sila ay naghahanap, naghahangad, nagsisikap makatunghay ng kagalingan at kaligtasan. Hindi malayo ang posibilidad na natunugan nila na ang bantog na Galileo ay papalapit, paparating, patungo sa dakong iyon. May pakpak ang balita … at ang magandang balita ay nauuna sa tagapaghatid nito. Sinalubong si Jesus ng sampu. Buo ang loob, tiyak, at tahasan nilang sinambit ang panalanging tiyak rin at tahasan ang hinihingi: “Jesus, Panginoon, maawa ka sa amin!”

Ito ay may kinalaman sa isang taong tiyak ang balak, alam ang nais, at buo ang loob sa pag-akyat sa bundok. Sa aming maraming beses na pag-akyat, mahalaga na buo ang loob at malinaw sa sarili kung ano ang pakay at layunin. Ang isang taong patumpik-tumpik ay hindi makararating, hindi makaaabot sa tuktok. Ito rin ang determinasyon na nakita natin kina Leo Oracion at ang tatlong babaeng Pinay na nakaabot sa Everest kamakailan. Alam nila ang gusto nila. Buo rin ang loob nila. At ang kanilang determinasyon ay hindi maipagkakaila. Nakita ko ito nang sila ay makatagpo ko noong isang taon sa isang Filipino restaurant sa Virginia, USA. Bagama’t kulang ang pera (kung kaya’t sila ay nangalap ng salapi sa America), bagama’t minamaliit ng balana, ang kanilang determinasyon at sigasig ay pangitang-pangita sa kanilang mukha, sa kanilang buong pagkatao, at sa kanilang diwa ng pagpupunyagi.

Nais kong isipin na ito rin ang pagpupunyagi na natutunghayan natin sa sampung ketongin. Malinaw ang kanilang pakay. Malinaw ang kanilang naisin. At lalong matindi ang kanilang hiling: “Jesus, Panginoon, maawa ka sa amin.” Nagbunga ang kanilang paglalakad. Namukadkad ang bubot na bulaklak ng kanilang mithiin. Ang adhikain ay nagkaroon ng malinaw na katuparan. Ang paglalakad at paghahanap ay nauwi sa pagkakamit, pagwawagi, at pagtanggap ng kung anong hanap.

Mahalaga para sa akin ang larawan ng paglalakad. Lumaki ako bilang bata sa isang tahimik at mahirap na lugar (compara sa higit na mayayamang bayan ng Cavite). Ang aking Ama ay isang empleo ng gobierno na nagbanat ng buto at katawan sa pamamagitan ng pagsasaka at pagtatanim kung wala siya sa opisina. Bata pa siya (11 taong gulang) ay nagtanim na ng mga puno ng kape sa Tagaytay. Namulat akong siya ay maagang gumising tuwing Sabado at nagsusuyod na ng kapehan upang higit na magbunga at maparami ang ani.

Namulat ako sa isang lugar na kay rami akong nakitang magagandang halimbawa ng tao – bata o matanda – na naglalakad, naglalako, nagtitinda ng kung ano man – tinumis (dinuguan sa Mendez), maruya, butse, puto, duldol (isang uri ng sapin-sapin), bibingka atbp. Hindi ko makakalimutan ang Andang Mintang na araw-araw ay naglalakad at nagtitinda ng sweepstakes tickets, maging ang babaeng hindi ko na maala-ala ang pangalan na laging may sunong na malaking kaldero at naglalakad, naglalako ng “tinumis.” Determinasyon ang kanilang gintong aral. Buo ang loob na ginagalugad ang lansangan, naglalakad para lamang kumita ng kaunti. Ito ang determinasyon ng sampung ketongin ng ebanghelyo. At ang determinasyong ito na naipakita sa kanilang paglalakad, kasabay sa paglalakad ng Panginoon, ay nagbunga ng kagalingan, naghatid ng kalinisan at kakinisan ng balat.

Tama ang poong si San Agustin … solvitur ambulando. Napag-aral ng Andang Mintang ang kaniyang mga anak (kahit siya ay maagang nabalo). Naipagtawid-buhay ng naglalako ng tinumis ang kaniyang pamilya. At hindi ko na dapat pang isalaysay kung ano ang aming narating na mga magkakapatid. Determinasyon at kabuuan ng loob at pagsunod sa kagustuhan ng Ama ang ipinakita ni Jesus Panginoon. Ang determinasyong ito ang nagbunsod sa kaniya upang harapin, batahin, at tiisin ang lahat ng uri ng pasakit – hanggang sa kamatayan sa krus – na siya naming naghatid sa kanya sa rurok ng kaluwalhatian.

Ito ay determinasyong bunga ng pagtalima at masugid na pagsunod sa kalooban ng Ama. Dapat natin banggitin na, bukod sa buong-loob na paglalakad, ang sampung ketongin ay nagpakita rin ng pagsunod sa utos ng Panginoon: “Humayo kayo at magpakita sa mga pari.” Paglalakad pa rin ang kanyang utos. Humayo kayo … At sila ay nagpatuloy sa kanilang paglalakad, sa kanilang paghahanap … solvitur ambulando. Marami tayong mga buhay na ejemplo ng paglalakad na ito.

Palasak nang tawagin ang mga OFW na mga “bagong bayani ng bayan.” Tumpak ito. Nguni’t bago sila naging bayani ng bayan, ay bayani na sila ng kanilang mga mahal sa buhay. Bayani sila … tuldok. Tumulak sa ibang bansa … naglakad … lumayo … pumalaot at nangibang-bansa upang maghanap kalutasan sa suson-susong mga suliranin. Solvitur ambulando … Nguni’t hindi pa tapos ang ating paglalakbay. Malungkot nga lamang at sa sampung ketongin na pinagaling ng Panginoon, siyam sa kanila ang tumigil na sa paglalayag … huminto sa paglalakad … Nasiyahan na sila sa tinanggap. Hindi na sila naghanap pa ng iba. Hindi na sila nag-asam pang umangat pa isang panibagong larangan ng buhay – ang pag-angat sa buhay espiritwal … ang pagkilala ng higit pang mga katotohanan … ang pagkilala sa nagkaloob ng kagalingan sa pamamagitan ng pagpapasalamat.

Tanging isa sa sampu ang bumalik upang magpasalamat. Tanging isa ang nagpatuloy sa kanyang paglalakad. Tayo man ay nagsisikap magpatuloy sa ating paglalakbay sa buhay. Tumatanaw tayo ng utang na loob kung kaya’t tayo ay nagtitipon tuwing Linggo sa Eukaristiya – na ang kahulugan ay pasasalamat. Alam mo ba ang tugon ni Jesus sa nag-iisang ketongin na bumalik at nagpasalamat? … “Tumayo ka at humayo … sinagip ka ng iyong pananampalataya.” Sa isang madaling salita … “humayo” … tulad ng maririnig natin pagkatapos ng Misa … “Humayo” … ITE MISSA EST!

Patuloy na maglakad … solvitur ambulando!

Advertisement